PINANGASIWAAN ng Engineering College Government ang pagpapalalim ng kaalaman sa artificial intelligence (AI), robotics, at machine learning sa START UP: Rediscovering AI Innovations Techsummit 2021, Mayo 7-8, Mayo 14-15, at Mayo 21.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ng mga tagapamahala ng proyekto na sina Kim Junsay, Mariel Estrella, Helen Saudi, at Iñigo De Guzman ang kanilang naging paghahanda para sa workshop at kompetisyon.
Isinagawa ang workshop tungkol sa AI applications at machine learning noong Mayo 7 at 8 at noong Mayo 14 at 15 naman ang tungkol sa AI sa healthcare at robotics. Inilunsad naman ang kompetisyon noong Mayo 21 na binuksan sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.
Ibinahagi ni Junsay sa APP na naging motibasyon nila sa paglulunsad ng START UP 2021 ang pangangailangang sabayan ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya at ang pagbabawas sa pisikal na interaksyon. Dagdag naman ni Estrella, isa ang AI sa mga bagong tinatangkilik na teknolohiya ng mga tao kaya naisip nilang bumuo ng proyekto kaugnay nito.
Ani De Guzman ukol sa pagbuo ng tema ng kanilang proyekto, “Pinaikot namin sa Artificial Intelligence ang tema ng event dahil ito ang isa sa mga nagpapaikot ng mundo natin ngayon, lalo na sa online setting.”
Layunin naman ng isinagawang kompetisyon ang paghahasa sa kaisipan at abilidad ng mga kalahok. Pagbibigay-diin ni De Guzman, “Naniniwala kami na mas magiging epektibo ang kanilang natutunan kung isasagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang sariling pitch.” Naniniwala naman si Estrella na magandang oportunidad ang kompetisyon upang mabigyang-pansin ang mga estudyanteng nais makabuo ng pangalan sa larangan ng AI.
Dagdag pa rito, hangad din ng proyektong malinang ang pagiging malikhain ng mga kalahok at magbigay-motibasyon upang makabuo sila ng mga salik na makatutulong sa bayan. Ani Saudi, “Maganda na mabigyan ng avenue ang mga estudyante na magamit ang kanilang mga kaalaman dito upang makatulong sa pagbubuo ng isang progresibong bansa lalo na pagdating sa teknolohiya.”
Hindi naman naging madali ang pagbuo sa nasabing proyekto buhat ng mga hamong hinarap ng mga komite. Binanggit ni Saudi na naging malaking hamon para sa komite ang pagkakaroon ng limitadong oras sa pagsasagawa ng malaking proyekto. Ipinaliwanag din ni Junsay na nagkaroon ng mga pagbabago sa iba’t ibang aspekto ng proyekto dahil sa mga problemang tulad ng kakulangan sa mga tagapagsalita at hurado. Sa kabila nito, napagtagumpayan ng organisasyon ang pagbuo ng proyekto sa tulong ng mga koneksyon at kooperasyon.
Malaking papel naman ang ginampanan ng mga inimbitahang tagapagsalita, mga katuwang na organisasyon, at malaking bilang ng mga kalahok sa matagumpay na paglulunsad ng proyekto. Ngunit sa kabila ng tagumpay, naniniwala pa rin ang mga nanguna sa proyekto na mayroon pa ring mga aspektong dapat pagbutihin.
Pagdidiin ni De Guzman, mahalaga na magkaroon pa rin ng panahon ang mga miyembro para sa sariling kalinangan at interes. Ani Saudi, “Ang pinakamahalagang i-improve ng aming organisasyon ay ang pagkakaroon ng boundaries between work and life, para sa ikabubuti ng aming mga sarili.”