Walang makita, walang maaninag; tila wala nang pag-asa—iyan ang sitwasyong kinahaharap ng bawat isa na nababalot ng dilim. Sa biglaang pagbabago ng mundo dulot ng pandemya, tila nasa gitna ng dilim ang lahat. Takot at pangamba ang damdaming nanaig sa puso ng bawat isa, gayundin sa mga mag-aaral na nahihirapang magpatuloy dahil sa limitadong kakayahan na dulot ng online set-up. Hindi malaman ang gagawin sa unti-unting pagkaupos ng sarili at kung paano pa magpapatuloy sa pangarap na inaabot. Ano nga ba ang dapat gawin sa suliraning tumatakip sa liwanag na nagsisilbing pag-asa?
Gamit ang musika at likhang-sining, inilunsad ng organisasyong Bangon noong Hunyo 5 ang SINAG: Handog ng Himig — isang proyektong naglalayong magbigay ng tulong at pag-asa sa mga napiling iskolar na mag-aaral sa high school. Magsisilbing ilaw sa pangarap ng mga nasabing mag-aaral ang bawat tulong at donasyon na mula sa proyekto nang sa gayon, makabili ng kinakailangan nilang gamit sa pag-aaral.
Himig at ritmo para sa maliwanag na kinabukasan
Nagdala ang pandemya ng dilim sa buhay ng mga tao. Pinatigil nito ang normal na kalakaran ng buhay, partikular na ang mga normal na interaksyon ng mga tao. Sa aspekto ng edukasyon, nilipat sa online ang pag-aaral ng mga estudyante.
Naging malaking parte ng buhay ng mga estudyante ang birtuwal na espasyo – bagay na hindi bahagi ng kanilang normal na buhay sa eskuwela bago magkaroon ng pandemya. Dagdag pa rito, hindi gaanong matibay ang kasanayan ng parehong mga estudyante at mga guro sa paggamit ng online setting. Kaya naman, naging pangunahing diskurso sa kasalukuyan ang hirap na dulot ng pangangailangang magpatuloy sa buhay habang binibigyan ng higit na halaga ang pag-iingat at kalusugan. Dahil pilit at biglaan ang pagbabagong ito, maraming estudyante ang tuluyang nangapa sa dilim sa patuloy na pag-aaral sa kabila ng pandemya.
Upang bigyang-mukha ang mga suliraning kinahaharap ng mga mag-aaral, nangalap ang Bangon, isang non-profit na organisasyong pinangungunahan ng mga kabataang mag-aaral, ng mga karanasan ng mga iskolar ngayong may pandemya. Layunin ng mga bumubuo ng organisasyon na pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan tungkol sa iba’t ibang isyung panlipunan, partikular na sa usapin sa edukasyon. Ayon sa datos na kanilang nakalap, 1.1 milyong mag-aaral ang hindi nakapag-enroll sa taong panuruang 2020-2021, habang 656,000 estudyante ang lumipat mula sa pribadong paaralan patungo sa pampublikong paaralan.
Kaugnay nito, 70.9% naman ng mga guro ang hindi naniniwalang nalilinang ang mga competency na itinakda ng DepEd para sa distance learning ngayong may online classes, at 57.3% naman ng mga magulang ang nag-aalinlangan sa kakayahan ng kanilang mga anak na intindihin ang kanilang mga aralin. Binibigyang-suporta ito ng istorya ng isang iskolar na tinutulungan ng Bangon. Aniya, “Hindi po ako gaano natututo dahil sariling sikap lang din. Parang nasa akin lang. ‘Pag kunwari nag-review ako ngayon, nakakalimutan ko rin agad. Hindi tulad nung dati na talagang nacha-challenge ako… talagang may teacher na may natututunan ako.”
Samantala, isa sa mga balakid sa ganap na pagkatuto ng mga estudyante ang kawalan ng gadget at hindi maayos na modyul na ibinibigay sa kanila. Ayon sa Bangon, 40% ng mga mag-aaral ang nagsasabing mayroon silang nakikita na mga pagkakamali sa kanilang mga modyul. Saksi rito ang isa sa mga iskolar na nakapanayam ng Bangon. Paglalahad niya, “Noong huli po, nararamdaman na namin ‘yung hirap ng pagsasagot sa mga module. Dahil wala pong nagpapaliwanag ng sasagutan, nahihirapan po kami.” Ipinahayag naman ng isa na kawalan ng gadget ang kaniyang problema sa online class. Aniya, “Nagtitiis ako sa pocket wifi na sana malakas ‘yung signal. Lalo na kapag naulan ang hina. Kahit nga hindi umulan, mahina pa rin ang koneksyon.”
Upang tugunan ang mga suliraning ito, naglunsad ng isang online music fest ang Bangon sa pamamagitan ng Facebook Live at itinanghal ang mga lokal na talento sa musika at sining. Nagsama-sama ang mga independent artist upang ipakita ang kanilang mga gawang kanta, ritmo, at talento sa pagkakaroon ng sarili nilang bersyon ng mga OPM hits. Kasama ang mga manlilikha at mga artista katulad nina Amiel Sol, Alexandrea, Joey Roque, Kenneth Amores, Paolo Sandejas, Gelo Casipe, Nina Juan, Types, at Apmontyy, nagbigay sila ng liwanag sa mga nakikinig habang nakikiisa sa adbokasiya ng Bangon na tulungan ang mga mag-aaral na lubusang naapektuhan ang pag-aaral, bilang mga kapwa-estudyanteng kasalukuyang nahihirapan sa paglipat ng mga klase online.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahan ng Bangon na makakalap ng sapat na pondo upang bumili ng online school kits para sa mga piling iskolar, na maglalaman ng tablet, digital thermometer, medisina (paracetamol at bioflu), vitamin C, pocket wifi, at information pamphlet. Maliban sa music fest, nagsama-sama rin ang mga artista sa larangan ng sining sa paggawa ng disenyong gagamitin para sa mga merch na kanilang ibebenta bilang dagdag sa malilikom na pera mula sa mga donasyon.
Pag-asa sa gitna ng dilim
Sa kombinasyon ng musika, ritmo, at sining, pinalakas ng SINAG ang panawagang nararapat para sa lahat ang dekalidad at pantay na edukasyon lalong-lalo na sa gitna ng pandemyang kinahaharap ng bansa ngayon. Katulad ng isang ilaw, magsisilbi itong liwanag na may matingkad na repleksyong mag-aalis ng kadilimang nakabalot sa lahat. Patuloy na tutulong ang Bangon, kasama ang mga taong may kaparehas na adbokasiya, at maghahatid ng tanglaw sa mga mag-aaral upang maiparating ang nararapat na edukasyon para sa lahat. Nang sa gayon, makalakad ang lahat sa daang tinatahak na walang takot at pangamba tungo sa maliwanag na kinabukasan.
Nababalot man ng kadiliman ang kasalukuyang sitwasyon ng bawat isa bunsod ng pandemya, hindi ito magiging hadlang sa pagtulong gamit ang talento sa paghahandog ng himig at paglikha ng sining.
Habang tinatahak ng bawat isa ang madilim na daan, dala-dala ang suliraning kinahaharap, mananaig pa rin sa mga mag-aaral ang pagnanais na abutin ang kanilang pangarap. Gagamitin nila ang kanilang talento para sa iba upang magsindi ng maliit na liwanag—na kapag pinagsama-sama’y magiging isang SINAG na magbibigay-liwanag sa dilim.