TINALAKAY ng La Salle Institute of Governance at Ateneo School of Government ang mga hamong dala ng makabagong midya sa Halalan 2022, sa workshop na pinamagatang “Media and Technology in Elections: Issues, Challenges, and Lessons,” Hunyo 11. Dinaluhan ito nina Carmela Fonbuena, executive director ng Philippine Center for Investigative Journalism, John Nery, Convenor Consortium of Democracy and Disinformation, at Dr. Jason Cabañes, Associate Professor mula sa Pamantasang De La Salle.
Sinimulan ni Dr. Ador Torneo, Director ng La Salle Institute of Governance, ang nasabing workshop at binigyang-diin ang kahalagahan ng midya sa pagpapakita ng transparency sa mga eleksyon. Ipinahayag din niya ang kaniyang pagkabahala sa pagdami ng mga citizen journalist sa bagong midya dahil sa pagkalat ng maling impormasyon.
“The result is weakening not only of the media but also the academe; And [the] weakening in the belief of what is called facts and the truth. This is detrimental especially at this time that we are facing a global pandemic, [in which] our response depends on good quality information,” ani Torneo.
Umikot naman sa kawalan ng organisasyon ng mga mamamahayag sa bagong midya ang diskurso ni Fonbuena. Isang halimbawa nito ang pagiging matagumpay ng trolls sa social media dahil sa organisasyon nila. “If we have organization, if we can mobilize people, we can achieve our goals on social media. We can make candidates answerable to us,” paliwanag ni Fonbuena.
Pagpapatuloy ni Fonbuena, isa ring hamon ng makabagong midya ang kawalan ng mga istriktong polisiya sa digital na campaign finance ng mga kandidato. Importanteng malaman ang mga ito dahil maaaring maging dahilan ito ng kanilang pagkatanggal sa puwesto. Bunsod nito, kailangan ang tulong ng mga mamamayan upang masolusyonan ang nasabing hamon dahil sila ang direktang nakasasalamuha ng mga kandidato.
Ayon naman kay Nery, kailangang tingnan ang midya sa ibang perspektiba upang maging matagumpay ang mga kampanya sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa eleksyon ng mga botante. Aniya, hindi tamang isiping kaunti ang alam ng mga botante pagdating sa mga eleksyon dahil maaaring may mga ibang dahilan ang mga botante sa pagpili nila ng mga kandidato.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Nery ang pagbabago sa mga kampanya sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga botante. “Many of our voter education campaigns are based on the idea that we are addressing [a] middle aged person who’s [already] voted a few times . . . Creating voter education tailored to meet [the new voters’] need would . . . have to be heavily based on digital media,” ani Nery.
Ipinaliwanag naman ni Cabañes ang mga estratehiya ng trolls sa social media. Sambit niya, nagiging mas mabisa ang mga mensahe ng trolls dahil nakadirekta ito sa isang espesipikong grupo ng mga tao. Dahil dito, mas mahirap na umanong hanapin ang trolls; hindi rin sila makikita sa mga feed ng social media at mahirap ding lampasan ang mga sekyuridad ng mga messaging apps, katulad ng Viber.
Isa ring estratehiya ng trolls ang pakikinig sa tinatawag ni Cabañes na deep stories o mga saloobin ng mga mamamayan. “They try to figure out what people are thinking about this specific issue and they try to tailor their campaign to it. They are very good [at doing] it,” pagbibigay-linaw ni Cabañes.
Upang matugunan ito, kailangan gamitin ang mga estratehiya ng trolls laban sa kanila. Sa pakikinig sa mga hinaing ng masa, magagamit ang kanilang deep stories upang mapabuti ang mga kampanya para sa mga panlipunan na mga adbokasiya.
Bilang pagtatapos, isinaad ni Nery ang paglaban para sa kahalagahan ng batas para sa digital finance ng mga kandidato. “One of the the things that the media together with the civil society groups [can do is to] push for the COMELEC to specify spending limits on digital. That is the black hole in the last three elections.”