Masukal ang kagubatan! Pagkarami-rami ang pasikot-sikot nito at sa bawat liko’y mistulang sinasalubong mo ang nagbabadyang pahamak, lalo na para sa mga nangangapa pa lamang na mga baguhang manlalakbay. Walang kasiguraduhan sa maaari mong kahantungan at sugal ang pagpili sa bawat tatahakin mong daan. Isang maling hakbang lamang at maaari ka nang maligaw, mawala, at masadlak sa maling landas.
Subalit paano nga ba maihahanda ang sarili sa lugar na hindi mo pa gamay? Paano makagagalaw gayong hindi mo alam anong mga suliranin ang nakahanay? Paano nga ba malalaman alin ang makasasama at alin ang maaaring magsilbing gabay? — Isang katerbang katanungan, ngunit mahahanap lamang ang sagot sa matapang na pagtanggap sa hamon ng paglalakbay tungo sa pagkasanay.
Pagtuklas sa kagubatan
Maihahambing ang kagubatan sa mundo ng midya. Maaaring lantad na ang kahalagahan nito, ngunit mistulang hindi lubos na nauunawaan—o marahil, madalas na nakalilimutan—ang tunay na saysay nito. Bukod pa rito, tulad din ng kagubatan, maaaring maging isang nakatatakot na lugar din ang midya para sa mga baguhan pa lamang sa larangang ito, sapagkat walang katiyakan sa maaari nilang kalugaran sa panibagong daigdig na kanilang papasukan.
Upang magbigay-paalala ukol sa tunay na kahalagahan ng midya, at upang makapagbahagi rin ng kaalaman sa mga kabataang nagnanais sumubok sa mundong ito, isinagawa ng Maroon FM, bilang isang organisasyon na bihasa sa larangan ng midya, ang programang Media Camp: Into The Wild. Sa proyektong ito, binigyang-pagkakataon ang mga estudyante mula sa senior high school at college na masilip ang industriya ng midya sa pamamagitan ng mga speaker session at collaborative mentorship opportunities.
Idinaos ang Media Camp nang pitong araw. Sinimulan ito noong Mayo 22 sa pamamagitan ng isang webinar na pinangunahan ng mga tagapagdaloy na sina Lyra Gamban at Hayden Martin. Isang pasabog naman ang pagdalo rito ng mga kilalang alagad ng midya na sina Miguel Dypianco at Yani Mayo — na dati ring miyembro ng Maroon FM. Isa rin sa mga bigating dumalo ang alagad ng midya na si Direktor Avid Liongoren mula sa Rocketsheep Studio na may likha ng tanyag na pelikulang Saving Sally.
Sa dulo ng webinar, ipinaalam sa mga kalahok ang mga maaari nilang abangan sa susunod na linggo. Matapos nito, binigyang-pahinga muna ang lahat nang isang araw at muling nagpatuloy sa pamamagitan ng isang linggong bootcamps mula Mayo 24 hanggang Mayo 28, na pinangunahan naman ng mga tagapagdaloy na sina Ally Rivera at Maia Yusay. Sa huling araw naman ng programa isinagawa ang presentasyon ng mga grupong nabuo ng mga kalahok, na sinundan din ng pagbibigay ng mga parangal at nagtapos sa makabuluhang pangwakas na pananalita.
Pagharap sa mapanghamong industriya
Tulad ng masukal na kagubatan, mapanghamon ang industriya ng midya. Para ito sa mga determinado lamang at hindi sa mahihina ang loob. Hindi biro ang pagtahak sa landas na ito, ngunit sa tulong ng mga kamay na handang gumabay, matutuklasan ang karilagan ng industriya ng midya. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel si Edric Winfred Uy, isa sa mga project head ng Media Camp, na nagbahagi ng hangarin ng organisasyon sa pagbuo ng proyekto.
Ani Uy, nais ng Media Camp na maiparating sa mga tao ang kahalagahan ng midya sa pang-araw-araw at kung papaano makahahanap ng mga oportunidad at hanapbuhay sa larangang ito. Dagdag ni Uy, “ang gusto naming sa Media Camp ay ma-inspire at matuto ang aming mga kalahok.” Sa pagpili naman ng temang “Into the wild”, nahinuha ng mga project head na mistulang kagubatan ang larangan ng midya para sa mga baguhan pa lamang kaya ‘wild’ ang tingin nila rito.
Layunin ng webinar na makapag-bigay aral mula sa pagbabahagi ng mga tagapagsalita at maipaliwanag ang tatlong haligi ng Media Camp. Inaasahan namang magagamit ng mga kalahok ang mga aral mula sa webinar sa kanilang pagharap sa larangan. Ani Uy, “Ang gusto talaga naming na makuha ng mga kalahok naming ay ang pasyon at pagmamahal sa midya, dahil ito ay mahalaga na mahalaga sa ating araw-araw na buhay.”
Hindi naging madali ang pagbuo sa proyekto buhat ng mga pagsubok, tulad ng kakulangan sa pisikal na interaksyon ng mga miyembro ng Media Camp. Nagsilbing hamon din ito sa kanila upang linangin ang pagiging malikhain sa paglipat sa mga online na plataporma. Pagbabahagi ni Uy, “Hindi lang sa aming team mismo ang nag-adjust, kinailangan din namin i-adjust ang nasanayan naming pangkaraniwang programa para sa bootcamp para mas maganda sa online na plataporma para sa mga kalahok.” Lubos namang nagpapasalamat ang mga miyembro sa mga tagapayong gumabay sa kanila sa pagbuo ng bootcamp.
Patuloy na pagtahak sa kagubatan
Maihahalintulad ang larangan ng midya sa mapanghamong kagubatan — masalimuot at tila may nagbabadyang panganib sa bawat hakbang. Para sa mga bagong salta, isa itong hamon na susubok sa katatagan at determinasyon ng bawat isa. Ngunit nakatatakot mang lakbayin, kinakailangang tahakin ang landas na ito upang makamit ang kasanayan at matamo ang kaalaman.
Hindi madaling unawain ang mundo ng midya, ngunit mahalagang gawin ito sapagkat bahagi na ito ng ating pang-araw-araw. Nakalilito ang mga pasikot-sikot nito at nagbubunga ito ng mga katanungang mabibigyang-kasagutan lamang kung bukas ang loob at determinadong tuklasin ang karilagan ng midya.