Sustainable Marketing, binigyang-tuon ng Team Mango sa JEMA Juice Race


ITINAMPOK ng  Junior Entrepreneurs’ Marketing Association (JEMA) ng Pamantasang De La Salle ang programang ManGoing Sustainable ng Team ManGang sa taunang Juice Race na nagtataguyod ng mga adbokasiyang makatutulong sa lipunan at sa industriya ng pangangalakal, mula Mayo 17 hanggang Mayo 21. Layunin ng pangkat na makapagtaas ng kamalayan ukol sa kahalagahan ng sustainable marketing. 

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa mga tagapamahala ng proyekto, inilahad nina Diego Dela Cruz, Karylle Kho, Bea Cruz, at Samantha Mendoza ang kanilang naging paghahanda para sa programa. 

Pagbabahagi ni Cruz, isa sa mga tagapamahala, apat na dekada nang ginagamit ng JEMA Elite Training Program ang konsepto ng tapatan ng Team Mango at Team Orange upang magpataasan ng makakalap na pondo mula sa pagbebenta ng orange at mango juice. 

Ipinahayag din niya ang dahilan sa likod ng napiling tema. Ani Cruz, “Nakahanay [ang programa] sa temang sustainability upang bigyang-pansin ang krisis sa kapaligiran.” Kaugnay nito, naniniwala naman si Dela Cruz na mas madaling mapalalaganap ang mensahe ng programa ngayong nakatutok sa social media ang karamihan. 

Bukod pa rito, binanggit ni Kho na nakatulong din ang pakikipag-ugnayan sa ilang organisasyon sa loob at labas ng Pamantasan upang maisapubliko ang adbokasiya ng Team Mango at makapanghikayat ng mga taong makikiisa sa kanilang programa. 

Ibinahagi rin ng mga tagapamahala na kinailangan ng kanilang organisasyon na baguhin nang tuluyan ang  pamamaraan ng paglulunsad ng Juice Race ngayong taon. Ayon kay Kho, nakatuon sa pagpapalawig ng adbokasiyang may kinalaman sa  pagnenegosyo ang naging programa, sa halip na pagbebenta ng mga produktong may kinalaman sa mangga.

“We made the MangGang characters equivalent to one of the five (5) Marketing Principles. Mango was Sense of Mission Marketing, Earth was Societal Marketing, Flower was Innovative Marketing, Sun was Consumer-Oriented Marketing, and the Tree was Customer Value Marketing,” paliwanag ni Kho ukol sa prinsipyong nakaugnay sa konsepto ng kanilang pangkat.

Ikinuwento rin ng mga tagapamahala na naapektuhan ang kanilang pagganap sa patimpalak dahil sa kakulangan sa karanasan, pati na rin sa pagkatalo sa Team Orange sa naganap na Project Pitching sa loob ng kanilang organisasyon. 

Saad pa ni Dela Cruz, “Nahirapan na kami pumili ng isang adbokasiyang ibabahagi namin sa mga tao. Nahirapan kami dito dahil may mga limitasyon na ibinahagi samin sa simula. Dalawa ang pinagpipilian namin dati at nahati ang mga tao sa pagpili ng isang adbokasiya.” Subalit, napagtagumpayan ng grupo ang mga balakid na ito matapos ang ilang linggong pagpupursige, pagpapabuti ng kanilang komunikasyon, at pagpapatatag ng samahan sa loob ng pangkat.

Tumagal nang isang linggo ang naturang patimpalak na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa Pamantasan. Bilang panimula, inilunsad ng grupo ang The MangGang Initiative at Mango Market Thing, mga asynchronous na aktibidad na naglalayong mapataas ang kamalayan ng mga Lasalyano ukol sa sustainable marketing. 

Paglalahad pa ni Mendoza, napagdesisyunan din na inimbitahan ng grupo si Joshua Aragon, CEO ng Zagana PH, para sa ikalawang aktibidad upang maibahagi ang kaniyang mga kaalaman ukol sa nabanggit na adbokasiya.

Sa kabilang banda, inilunsad naman ng grupo ang isang online escape room para sa kanilang panghuli at synchronous na gawain. Tinawag nila itong MangGet Out: Online Escape Room, na naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng sustainable marketing at mga prinsipyong kaugnay rito.

Ibinahagi rin ni Mendoza na bukod sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa kanilang adbokasiya, binigyang-diin din ng kanilang programa ang kahalagahan ng mga sustainable na gawain sa pagnenegosyo. Aniya, “The week-long project advocating for Sustainable Marketing definitely is a step in the right direction as we emphasize on the importance of taking a more sustainable approach as future business leaders which ultimately will help protect the environment and those who live in it.”