Pagpaparehistro ng AFED bilang opisyal na labor union, kasado na


ISINUSULONG na ng Association of Faculty and Educators of DLSU Inc. (AFED) ang kanilang pagpaparehistro sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang maging ganap na unyon. Layunin ng AFED na mas palawigin ang kanilang karapatan at tungkulin, sa tulong ng mga batas at kaakibat na benepisyo ng pagpaparehistro. 

Pagbuo sa panukala

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, inilahad ni Dr. Antonio Contreras, presidente ng AFED, ang tungkulin ng asosasyon sa pagsasakatuparan ng naturang panukala. Ayon sa kaniya, tumatayo ang AFED bilang tagapangalaga ng kapakanan at interes ng mga miyembro nito, kabilang ang mga guro at Academic Service Faculty (ASF) na bumubuo sa asosasyon. 

Ibinahagi rin ni Contreras na tumatayong tagapamagitan ang asosasyon sa panig ng mga guro at administrasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Nakapaloob sa kanilang tungkulin ang pagiging kinatawan sa mga negosasyon at ipinatutupad na aksyon ng administrasyon, tulad ng mga usapin sa matrikula, sahod, at karapatan ng mga miyembro nito. 

Ipinaliwanag ni Contreras ang naging proseso sa pagbuo ng nasabing desisyon. Kaugnay nito, binalikan niya ang kasaysayan ng asosasyon na nag-udyok sa pagtataguyod ng kanilang plano. “Mula pa noong 1992 hanggang sa ngayon, ang AFED ay isa nang de-facto na unyon,” aniya. Dagdag pa ni Contreras, maihahalintulad ang mga tungkulin at gampanin ng asosasyon sa mga isinasagawang aksyon ng isang unyon.

Inihambing din ni Contreras ang pagkakaroon ng faculty manual ng asosasyon sa Collective Bargaining Agreement (CBA) na ginagamit ng DOLE. Paliwanag ni Contreras, parehong maituturing na kontrata o kasunduan ang faculty manual at CBA na sumasaklaw sa usapin ng sahod, oras ng pagtatrabaho, at karapatan ng mga empleyado. Ngunit, nilinaw niyang walang legal na estado ang asosasyon sapagkat hindi pa sila rehistrado sa batas bilang isang unyon. 

Pagdidiin pa ni Contreras, “Napapanahon na siguro na kilalanin ang AFED bilang isang full-blown, legitimate, at legal labor union sapagkat iyon naman po talaga ang ginagampanan naming papel.” 

Kaakibat na benepisyo 

Hinimay ni Contreras ang kaibahan ng kasalukuyang estado ng asosasyon kompara sa mga matatamasang benepisyo ng asosasyon sa oras na kilalanin sila bilang unyon. Muli niyang inihalimbawa ang faculty manual bilang reperensiya. Saad niya, “Ang faculty manual, kasunduan po ‘yan in good faith pero. . . hindi ‘yan law of the workplace sapagkat ang CBA ang kinikilalang law of the workplace.” 

Ayon pa kay Contreras, maaaring makialam at magdesisyon ang administrasyon para sa asosasyon dahil sa management prerogative na pinanghahawakan nito sa kasalukuyan. Kaugnay nito, malayang nakikisangkot ang administrasyon sa bawat kilos at pasya ng asosasyon dahil hindi sila nakaangkla sa CBA. 

Dagdag pa ni Contreras, malaking tulong ang paggamit ng CBA sa halip na faculty manual dahil DOLE na ang magsisilbing tagapangasiwa sa mga nakasaad na kasunduan dito. Magsisilbi na ring labor arbiter ang DOLE sakaling magkaroon ng  problema o hindi pagkakasunduan sa pagitan ng unyon at administrasyon ng Pamantasan. Naniniwala rin si Contreras na mas may pangil ang unyon. Sa tulong nito, maaari na silang makapag-organisa ng mga strike kung kinakailangan. 

Pinasadahan din niya ang diskurso ng retirement age. Saad ni Contreras, patuloy nilang sinusunod ang ipinatutupad na polisiya ng administrasyon ng DLSU hinggil sa retirement age. Nakasaad sa kasunduang sinusunod ng Pamantasan na maaari lamang magtrabaho ang mga guro hanggang sa edad na 60. Ngunit kung magiging miyembro sila ng unyon, kinakailangan nilang tumalima sa ipinatutupad na retirement age ng DOLE na 65. 

Malaki rin ang maidudulot na pagbabago ng nasabing panukala pagdating sa mga miyembro ng asosasyon. Paglalahad ni Contreras, itinuturing nang miyembro ng AFED ang lahat ng mga natatanggap na guro at ASF sa DLSU, batay sa kasalukuyang panuntunan ng asosasyon. Ngunit kapag naging ganap na unyon na ang AFED, magiging boluntaryo na lamang ang pagiging kasapi. 

Maaapektuhan din ng ilang pagbabago ang estado ng mga tumatayong chair, chancellor, vice-chancellor, at dekano ng iba’t ibang departamento sa loob ng Pamantasan, sapagkat malilimitahan ang kanilang tungkulin at gawain sa unyon dahil sa pinanghahawakan nilang posisyon bilang bahagi ng administrasyon ng DLSU. 

Ibinahagi naman ni Contreras ang solusyon kaugnay ng naturang pagbabago. “Gagawin silang inactive member. Pwede silang mag-miyembro, pwede pa rin silang magbayad ng association dues, pero hindi sila pwedeng mag-participate sa mga deliberations,” aniya.  

Papayagan na rin ang mga guro at ASF na hindi magparehistro bilang miyembro ng unyon. Ngunit kaugnay nito, ipinunto rin ni Contreras na hindi nila mapakikinabanagan ang mga benepisyong para lamang sa mga miyembro, tulad ng mga loan programs at financial assistance programs. Sa kabila nito, kinakailangan pa rin nilang magbayad ng agency fees dahil matatamasa pa rin nila ang mga isusulong na benepisyo ng unyon na nakapaloob sa CBA.  

Mariin ding ipinabatid ni Contreras na walang obligasyon ang unyon na ipagtanggol ang mga hindi miyembro sa oras na magkaroon sila ng kaso sapagkat ibibigay lamang ang legal assistance para sa mga miyembro nito. 

Tungo sa pagbabago

Lubos namang ikinagagalak ni Contreras ang ipinakitang suporta ng mga miyembro ng AFED sa naturang pagpaparehistro. Ibinahagi rin niya ang resulta ng naganap na botohan ukol sa pagrerehistro ng AFED sa DOLE sa kanilang huling pagpupulong na isinagawa noong Mayo 28. “79.9% of those who attended voted to be unionized, that’s a huge number. Only 8.5% passively opposed. While the rest abstained,” paglalahad ni Contreras. 

Kaugnay ng mga natanggap nilang suporta, inaasikaso na rin nila ang mga isusumiteng dokumento sa DOLE. Ayon kay Contreras, pinagsisikapan nilang makumpleto ang mga rekisito at maisumite ang mga dokumento sa unang linggo ng Hulyo. 

Kampante naman si Contreras na wala silang kahaharaping salik sa proseso ng pagrerehistro. “Malinaw pong  nakalagay sa batas na ang pagfo-form ng union ay right of a worker.  It should not be hindered, intervened, and hampered by anyone,” sambit niya. 

Naniniwala si Contreras na isa itong hakbang tungo sa pagpapataas ng antas ng asosasyon kasabay ng pagpapaunlad ng pamayanang Lasalyano. “We should not be seeing the union. . . as a threat to the Lasallian community. It’s just that we just want to evolve. . . into a better organization so that we can become a better resource for the Lasallian community and the country,” pagtatapos niya.