ISINULONG ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang panawagan para sa pagbabago ng posisyon ng administrasyong Duterte sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) upang masiguro na Pilipino ang nakikinabang sa likas na yamang taglay nito, sa isinagawang webinar ng Patriyotiko: Fight for Filipino Sovereignty, Hunyo 6.
Isa sa mga patuloy na panawagan ni Carpio ang paglahok ng Pilipinas sa freedom of navigation operation na kasalukuyang isinasagawa ng Estados Unidos at mga kaalyado nito. Idinagdag din niya ang pakikipagtulungan sa mga bansang pumoprotekta sa kani-kanilang exclusive economic zone (EEZ) sa Timog-Silangang Asya, paglaban para sa extended continental shelf, at pag-okupa at pagpatrolya sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Para maisagawa ang mga ito, ani Carpio, “It requires political will, but this government does not want to displease China.” Aniya, patuloy ang matinding pagmamahal na ipinakikita ng kasalukuyang administrasyon sa Tsina, partikular kay Chinese President Xi Jinping, sa paniniwalang poproteksyunan siya ng Tsina sa anomang masamang mangyayari sa bansa. Saad ni Carpio, tanging si Pangulong Duterte lamang ang magpapabago sa sitwasyon sapagkat idinadahilan ng mga Tsino na siya ang nagbigay-pahintulot sa kanilang pumasok sa pinag-aagawang teritoryo.
Isa sa mga matinding epekto ng panghihimasok ng mga Chinese fishing vessel sa WPS ang pagtaas ng presyo ng galunggong. Imbes na mga mangingisdang Pilipino ang mga humuhuli nito at nagbebenta sa mga palengke, nag-aangkat na ang bansa ng galunggong mula sa Tsina na hinuli rin mula sa WPS. Sambit ni Carpio, “The President [Duterte] has allowed them to go to the West Philippine Sea to get the galunggong and sell us the galunggong—our own galunggong.”
Bukod pa rito, ipinasa ng Tsina nitong Pebrero 1 ang kanilang bagong Coast Guard Law na nagpapahintulot sa Coast Guard ng Tsina na gumamit ng armas upang protektahan ang soberanya ng kanilang bansa, kasama na ang mga inaangking teritoryo sa WPS. Dahil dito, nakokontrol na ng Tsina ang halos 85.7% ng South China Sea, ang kabuuang karagatang inaangkin, kabilang ang WPS.
Kaagapay ng pagpapatupad ng batas na ito ang patuloy na pananakot ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga base militar. “This is where China is successful, so far, because of our stupidity,” giit ni Carpio. Dagdag pa niya, tanging si Pangulong Duterte lamang ang nag-iisang pinuno sa Association of Southeast Asian Nations na nagpapakita ng takot sa Tsina na naging dahilan upang magtuloy-tuloy ang pag-angkin ng mga Tsino sa WPS.
Dagdag ni Carpio, may responsibilidad ang mamamayang Pilipino na manawagan para sa pagbabago ng posisyon ng administrasyon sa usaping ito. Isinasaad sa Saligang Batas na tanging mga Pilipino lamang ang dapat makinabang sa likas na yamang makukuha sa mga nasasakupan ng bansa, tulad ng EEZ. “We must protest. We must object. Tell him [Pangulong Duterte], ‘You’re wrong. You cannot do that’,” pagdidiin ni Carpio.
Ipinaalala rin ni Carpio na hindi nasisira ang relasyon ng Tsina sa mga bansang nasa Timog-Silangang Asya na ipinaglalaban ang kanilang teritoryo, sa kabila ng kanilang pang-ekonomiyang koneksyon sa Tsina. Isa sa mga ito ang Indonesia na may magandang relasyon sa Tsina kahit matapang nilang itinataboy ang mga Chinese fishing vessel na pumapasok sa kanilang EEZ. “It is only in our mind that we are afraid because our President has told us, but it is not correct,” sambit ni Carpio.
Bilang reaksyon, pinasalamatan ni Fernando Hicap, National Chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), si Carpio sa kaniyang pagtalakay sa kawalan ng historikal at ligal na batayan sa pag-angkin ng Tsina sa WPS. Bukal niyang pinuna ang pagprotekta ng Malacañang sa lantarang pananakop at pag-atake ng mga militanteng Tsino sa mga Pilipinong mangingisda.
“Kaya ‘yung kanilang ginagawa . . . para solusyonan o i-justify ‘yung pagiging sunudsuran ni Pangulong Duterte sa kagustuhan ng China ay tahasan na paglabag sa ating Konstitusyon, ‘yung verbal na pagpayag niya sa mga Chinese fishermen dito sa ating exclusive economic zone,” diin ni Hicap.
Dagdag ni Hicap, nagsimulang mahuli ng mga mangingisda sa WPS ang mga barko mula Tsina na nag-iimbak ng mga neutral gases noong 2005. Matapos mapag-alamang inangkin na ng Tsina ang pitong isla sa WPS noong 2012, nagsimula nang maranasan ng mga mangingisdang Pilipino ang lantarang pagkuha ng Chinese Coast Guard sa kanilang mga huling isda. Bukod sa paggamit ng mga water cannon sa mga mangingisda, hinaharang din ng mga Tsino ang lagusan tungo sa lagoon na tinutuluyan ng mga mangingisdang Pilipino kapag inaabutan ng bagyo.
Ayon kay Hicap, ikinadismaya niya ang pagprotekta ni Pangulong Duterte sa Chinese commercial vessel na bumangga sa bangkang sinasakyan ng mga mangingisdang Pilipino noong 2019. Lalo niyang ikinalungkot ang kawalang-kakayahan ng mga mangingisdang Pilipino na makipag-kompitensya sa mga Tsino sapagkat pawang mga tradisyonal na lambat at kahoy lamang ang kanilang kagamitan. Ayon sa pinakahuling ulat ng PAMALAKAYA, bumaba nang mahigit 70% ang kita ng mga mangingisdang Pilipino dahil sa pagsakop ng mga Tsino sa WPS.
Para kay Earth Island Institute Regional Director Trixie Concepcion, kinakailangang protektahan ang WPS dahil nakasisira sa mga coral reef at sa buong marine ecosystem ang mga proyektong reklamasyong isinasagawa ng Tsina.
“Kami, bilang environmentalists, we are actually worried, doubly worried because as you know if the Chinese take control of these areas, globally, China has not been known to be a forerunner in environmental protection, nor are they a forerunner in respecting environmental laws. Nakikita niyo naman, beyond their borders, there’s been so many issues, there’s been so many reports of abuse,” ani Concepcion.
Bunsod nito, inanyayahan ni Concepcion ang sektor ng kabataang makiisa sa pagbabago, hindi lamang sa pagdepensa sa WPS, kundi pati rin sa pagprotekta sa kalikasan at pagtutol sa paggamit ng mga fossil fuel.
“I must ask all of you young people to share. Sabi nga, educate. We cannot fight for something if you don’t know the history, our very own history, and our very own patrimony . . . Hindi lang po ito para sa atin, para po ito sa future Filipinos who have yet to be born,” pagpapaalala ni Concepcion.