[SPOOF] Sabong gamit lamang sana bilang panlinis ng katawan, nadungisan ang image!


Likha ni Bees Lasagna

“Makinis, maputi siya . . . pero bakit kasi hindi ka man lang tumulong?” 

Banayad sa kamay. Para sa mga libag, siya’y tunay na kaaway. Kakikitaan ito ng iba’t ibang anyo at kulay. Madalas din itong masilayan sa telebisyon—sa mga poster, commercial, at billboard, naroon. Binibida ng mga gwapo’t magagandang artista . . . hanggang sa biglang nagbago ang natatanging imahe sa likod at harap ng kamera.

Ganito mailalarawan ang sabong ginagamit ng bawat isa sa pagpapanatili ng kanilang kalinisan. Itinuturing itong panangga sa mga sakit na dulot ng iba’t ibang mikrobyo. Ngunit minsan ba ninyong naisip ang pakiramdam kapag nadungisan ang sabong mismong naglalayo sa atin sa sakit? Kaya naman, mahalagang bigyang-diin ang saloobin ng sabon patungkol sa isyung kumuwestiyon sa kaniyang kalinisan. 

Sabon, sabon, narito ang kaniyang tugon. 

Hinaing ng imaheng nadungisan

Hindi maitatangging maaaring maging dehado tayo paminsan sa ating buhay; mapagbibintangan tayong may sala, hindi mapahahalagahan ang ating pagsisikap, at madadawit din tayo sa iilang isyu. Pero wala namang nakapagsabi na maaari palang maranasan nang sabay-sabay ang tatlong nabanggit na palatandaan ng pagiging dehado. Sa isang bagsakan, boom boom pow talaga!

Ito ang problemang kinahaharap ng sabong nadawit sa sumikat na post sa DLSU Freedom Wall kamakailan lamang. “Hindi ko alam bakit ako nadamay, ginagawa ko lang ang trabaho ko. Pose dito, pose doon. Isang araw, aba, nasa freedom wall na ako?” kaniyang bungad nang makapanayam siya ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA). Ang sabon na dapat sanang pampaganda lamang ng kutis, nadungisan pa ang image. 

Nang kumustahin ng BUKAKA ang kaniyang kalagayan, mas naging bakas pa sa kaniyang mukha ang pag-aalala. “Parang ako pa ang nagmistulang puno’t dulo ng gulo kasi isipin ninyo, kung hindi ako ang mino-model ng sinomang influencer na nabanggit sa post na iyon, wala ring problema. Walang ideyang maibibigay sa mga estudyante hinggil sa katangian ng influencer, at hindi na sana mas lumaki pa ang isyu,” pagpapaliwanag niya. 

Ayon pa sa kaniya, mahaba-habang pagpapakalma ang kaniyang ginawa sa kaniyang pamilya sapagkat lubos ang pag-aalala nito dahil maaaring wala na raw makuhang model ng sabon. Talaga namang hindi maipagkakailang sa paglaki ng isyung dapat sana’y sa loob lamang ng Pamantasan nilutas, mas naging malaki pa ang pinsala—lalo na sa sabon.

Tungo sa pagiging mas malaking sabon (the bigger soap)

Bagamat hindi maisasawalang-bahala ang pakiramdam ng sabon na para bang siya ang puno’t dulo ng gulo, mahalaga ring ipaalam sa kaniya na kung sakaling may sala man siyang talaga, hindi niya ito buhat-buhat nang mag-isa. Masasabi ring may sala ang influencer na nai-post, sakaling hindi man talaga ito tumulong sa mga gawain ng kaniyang grupo. 

Sa mas lumalalim na panayam ng BUKAKA sa sabon, inilahad niya ang kaniyang saloobin sa influencer. Ayon sa kaniya, sapagkat wala namang nailabas na kahit anong ebidensya ang nag-post, nahihirapan din siyang magkomento. “Palagay ko, wala ako sa posisyon para magsalita dahil hindi ko rin naman talaga kilala nang personal ang influencer na tinutukoy rito,” pagpapaliwanag niya. “I just want to be the bigger soap (person) at this point,” dagdag pa niya. Ang sa kaniya lang naman daw, nakapangangamba ang mga naging pangyayari nitong mga nakaraang araw, at lagi’t laging may epekto sa ibang tao—maganda man ito o hindi— ang mga chismis na ating ipinapakalat. Kaya naman, mahalagang pag-isipan muna ang mga ito bago sambitin.

Panawagan sa publiko

Tunay ngang may mga bagay na hindi na dapat isinasapubliko. Hindi kaaya-ayang malaman ng iba kung sakaling hindi tayo makapaghugas ng kamay pagkagaling sa banyo. Hindi magandang sabihin na nakabuo na tayo ng isang ‘libag ball’ na halos kasinglaki ng piso, at hindi rin inirerekomendang i-post sa freedom wall ang hindi pagkakaintindihan ng magkakagrupo.

Ito ang binigyang-diin ng sabon sa pagtatapos ng panayam. Bilang nagnanais lamang kumayod para may maipakain sa pamilya, halos mabulol na ang sabon sa pagsisikap na idetalye ang lahat ng kaniyang saloobin. Paliwanag niya, dahil naging marahas ang mga estudyante’t inuna ang sama ng loob sa kagrupong walang ambag, nadamay ang kaniyang pangalan. “Buti sana kung pangalan ko lang; imahe ko lang. Kaso bitbit ko rin ang dignidad ng aking pamilya,” madamdamin niyang paglalahad.

Ayon din sa kaniya, mahalagang matutunan ng mga estudyante ang kahalagahan ng pakikipag-usap nang maayos sa kaklase o kagrupo, sakaling may hindi sila nagustuhan sa kilos at gawa nito. Kaya naman, panawagan ng sabon sa publiko, “kung may hindi tumutulong sa groupwork, personal na lang itong kausapin, ‘wag na sanang i-post at ‘wag na rin akong idamay dahil ginagamit ako sa paglilinis ng katawan at bilang sandata laban sa iilang mga sakit. Mahalagang hindi madungisan ang aking image.” At sa dulo, labis-labis ang pasasalamat ng sabon sa BUKAKA sapagkat ito raw ang unang nangumusta sa kaniya. “Araw-araw akong tatanaw ng utang na loob sa inyong pagmamalasakit sa sabong nadungisan ang image.”

Sabon, sabon, at dito nagtatapos ang kaniyang tugon.