[SPOOF] Lozolian tings: Razon Pool and Beach Resort at Gokongwei Hotel, magbubukas na!


Likha ni RaSen21

ILULUNSAD na ng Pamantasang De La Salle ang inaabangang Razon Pool and Beach Resort at Gokongwei Hotel sa darating na Mayo. Magsisilbi itong bagong bakasyunan ng mga Lasalyano na gusto na lamang iyakan sa swimming pool ang kanilang palubog na mga grado at pagpahingahin ang kanilang mga propesor na MIA sa klase pati sa Canvas.

Tiniyak ng Office of the Associate Vice Chancellor for Campus Development (OAVCCD) sa kanilang panayam sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) na isa itong paraan ng Pamantasan para makapagpahinga ang kanilang mga estudyante habang nagpapatuloy ang quarantine at online na klase sa kasalukuyan.

“Magbasaan tayo!”

Malaking hakbang para sa Pamantasan ang muling pagbubukas ng Razon swimming pool matapos ang matagal nitong pagkatuyo, ayon kay Kuh Langsaligo, director for amusement ng OAVCCD. Pagsasaad niya, mas kinakailangang makalangoy ng mga Lasalyano ngayon dahil sa patuloy na pag-init ng panahon.

“It’s more than just wanting Lasallians to visit the campus, hindi lang ‘yon ang rason para dito. Gusto namin—especially the admin—to bring the water fun sa campus para sa mga Lasallians! Magbasaan tayo nang naka-face mask!” paglalahad ni Langsaligo. 

Dagdag pa ni Langsaligo, maganda ring oportunidad ang pagbubukas ng Razon Pool and Beach Resort bilang dagdag na kita sa Pamantasan lalo na’t lumalaki ang gastusin nito sa iba pang proyekto. Aniya, “Of course, there will be charges sa paggamit ng ating Razon pool. After all, nasa La Salle pa rin tayo. . . So far wala pang set price [sa paggamit ng pool].”

Nilinaw naman ni Langsaligo na ipatutupad pa rin ng Pamantasan ang minimum health standards sa pagbubukas ng Razon pool. Aniya, aabisuhan nila ang mga maliligo na sumailalim sa 30-day quarantine at manatili muna sa Gokongwei Hotel para masigurong ligtas sila mula sa anomang sakit. Magsasagawa rin sila ng urine testing matapos maligo para malaman kung sino ang mga umihi sa pool.

“‘Wag naman sana silang umihi sa ating Razon pool, ano? Special scoop lang sa BUKAKA ah pero ang gamit nating tubig para sa pool na ito ay Evian at Lauquen Artes. Oh ‘di ba, ang shala!” dagdag pa ni Langsaligo.

Espasyo sa paggawa ng baby thesis

Inilahad naman ni Lee Bugnako, director for internal and reproduction affairs ng OAVCCD, na kasabay ng pagbubukas ng Razon Pool and Beach Resort ang pagpapakilala sa bagong Gokongwei Hotel. Ayon sa kaniya, naisip nilang ituloy ito dahil na rin sa mga ginagawang renobasyon sa naturang gusali.

Paliwanag ni Bugnako, “We should be able to utilize all the space we can get, especially since Goks will soon be available to the students. One way to do this is to transform the Gokongwei hall into a hotel.” 

Bilang pagsunod sa dating oras ng operasyon ng gusali bago pa man magkaroon ng pandemya, bukas ang Gokongwei Hotel sa loob ng 24 na oras upang ma-book ng mga estudyante ang mga kuwarto nito, lalo na para sa mga kailangang mag-quarantine rito bago payagang lumangoy sa Razon pool.

Paglilinaw ni Bugnako, “It’s really the students’ needs, not profit, that drove us to do this. We don’t need the money although if there’s an opportunity, we will try to make money. But again, this is for the students—for their safety para ‘di na sila umuwi at mahawaan pa ng sakit like COVID-19.” 

Nagpahayag din ng opinyon ang ilang Lasalyano tungkol sa itatayong beach resort at hotel ng Pamantasan. Saad ni Sova Kat, “Medyo uhaw na ako para sa. . . Evian water, at safe naman kami ‘pag nag—este, safe naman diyan sa La Salle.” Para naman kay Virgie Pako, “Nakaka-excite talaga ‘to TBH kasi like, finally ‘di ko na kailangang pumunta sa Sogo para makipag-group study at gumawa ng baby thesis with my friends.”