KUMALAT sa social media kamakailan ang COVID-free na bakasyon ni Presidential Spokesperson Hairy Roque kasama ang mga dolphin sa dagat. Naging kapuna-puna ang mga litrato sapagkat hindi sukat akalain ng mga tao na magagawa ito ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, lalo na sa panahon ng pandemya. Hindi man ito itinuring na isang malaking bagay ni Roque, naging inspirasyon ito ng mga taong nasa likod ng isa sa mga kinahihiligang laro ngayon sa smartphone—ang Mobile Legends: Bang Bang.
Sa halos limang taong pamamalagi ng laro, daan-daang bayani at skins na ang pumasok dito, kasama na ang skins na batay sa mga sikat na tao sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya naman nagbunyi ang mga Pilipino sapagkat mayroong paparating na bagong skin na Pinoy-inspired na siguradong pagkakaguluhan ng mga manlalaro ng ML.
Pagdating ng bagong skin sa Land of Dawn
Kakaibang klaseng pautakan at mababangis na digmaan ang matutunghayan sa larong Mobile Legends: Bang Bang. Inaabangan din ng bawat manlalaro ang bagong heroes na lalapag sa Land of Dawn kasama ang maaangas na skins na maaaring gamitin sa laro.
Ayon sa website ng Mobile Legends, isa sa mga aasahan ngayong 2021 ang collab ni Roque at ng hero na si Bane. Nagkaroon ng adjustments ang nasabing hero kaya madalas na itong nagagamit sa rank games o sa professional tournament. Dahil sa biglang spike ng pagkahilig ng madla kay Bane, napili ito ng Moonton bilang akma sa skin at design na ba-ROQUE-inspired.
Nilahad ng sikat na streamer at MPL coach na si “AkoSiPussy” na maangas na collaboration ang Bane X Hairy Roque dahil magkahawig ang dalawa. “Para sa akin, kaabang-abang ang inihanda ng Moonton sa bagong skin ng ML. ‘Yung Bane at Hairy Roque parang match made in heaven dahil si Bane, isang pugita na mahilig manloko sa lane at malakas kumuha ng pera mula sa heroes at jungle monsters. Si Roque naman, hawig siya ni Bane at sakto, mukhang mahilig siya sa lamang dagat,” aniya.
Nakagugulat na pangyayari
Hindi naging madali ang paghahanap ng ideya para sa Bane X Roque skin, ayon sa presidente ng Moonton na si Jojo Peso. “We really had a hard time brainstorming Mr. Roque’s current position since most of his friends and colleagues cannot be reached,” aniya.
Muntikan na umanong hindi matuloy ang collaboration sa hirap ng pagbuo ng ideya para sa disenyo ng skin. “We were really on the verge of scrapping the idea due to the poor communications of Mr. Roque and his colleagues,” ani Peso. Mabuti na lamang at saktong tumayo sa kamang nakakulambo ang presidente ng Pilipinas at siya na mismo ang nag-imbita sa developers ng Moonton para sa isang private meeting kasama si Roque sa loob mismo ng Malacañang. “Most of the ideas for the skin is from Roque himself, but we made sure that the Filipino gamers also have some say with regards to the final design,” pagtatapos ni Peso.
Kaabang-abang na pasabog
Dapat abangan ng mga manlalaro ang bagong Water Sorceress skin ni Bane sapagkat kabilang sa licensed skin line up ito. Mas pinabagsik ang detalye nito kompara sa ibang skin ni Bane. “Sa panahon ngayon, dapat hindi tayo magpahuli, dapat lagi tayong bida kaya siniguro kong mas pinabongga ang features ng skin na ito,” biro ni Roque.
Naniniwala si Roque na magiging tampok ang all new display animation ng Water Sorceress skin dahil hango ito sa kaniyang mga larawan. Ang mga litratong nagkalat sa social media na ginawang memes ang naging basehan nito. Mula sa dating pating na Deadly Catch skill ni Bane, pinalitan ito ng dolphins upang tumugma kay Roque.
Ilalabas ang official sneak peek ng Water Sorceress Licensed skin sa official Facebook page at YouTube channel ng Mobile Legends: Bang Bang sa darating na Mayo 11. Opisyal namang ilalabas ang makabagong skin ni Bane sa Mayo 31. Mabibili ang Water Sorceress skin sa halagang 32,000 battle coins o kaya 599 na halaga ng diamonds. Magkakaroon naman ng 10% off discount sa unang linggo ng official release ng skin na ito at 50% off naman kapag napatunayan ng mamimili na isa siyang certified Diehard Do-30 Supporter (DDS).