Ang Sampung Utos ng Diyos ayon kay Duterte


Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang yumayakap sa impluwensiya ng Kristiyanismo. Sa loob ng 500 taon, nakasandig ang karamihan ng mga Pilipino sa salita ng Diyos, at malaki rin ang naiaambag ng simbahan sa sistema ng bansa. Sa katunayan, humigit-kumulang 80 porsyento ng mga Pilipino ay Katoliko, ayon sa datos ng National Statistics Authority, kaya naman hindi maikakaila ang pagkakaroon ng malakas na puwersa ng relihiyon sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino. 

Kasabay ng patuloy na paglakas ng Katolisismo ang paglakas din ng kapangyarihan ng administrasyong pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa loob ng humigit-kumulang limang taon sa puwesto, mapapansin ang kakaibang paraan ng pamumuno ng kaniyang rehimen—isang pamumunong tila taliwas sa pinaniniwalaan ng nakararaming Pilipino. 

I. Ibigin mo ang Diyos nang lalo at higit sa lahat

Noong 2018, sa kaniyang talumpati para sa National Information and Communications Technology Summit, naging paksa ni Pangulong Duterte ang kuwento nina Adan at Eba sa bibliya. Kinuwestiyon niya ang konsepto ng orihinal na kasalanan dahil umano sa kakulangan nito sa lohika. Ayon kay Duterte, “Who is this stupid God? You created something perfect and then you think of an event that would tempt and destroy the quality of your work.” 

Ikinagulat ng maraming Pilipino ang pahayag na ito ng Pangulo at lubhang kinondena naman ito ng simbahang Katolika. Sa kabila nito, dinepensahan ng palasyo ang mga linyang binitawan ni Duterte dahil karapatan lamang niya umanong magsabi ng kaniyang personal na paniniwala.

Hindi ito ang unang pagkakataong nagkaroon ng negatibong komento ang Pangulo hinggil sa simbahan. Maaalala ring noong kampanya niya sa pagkapangulo para sa Halalan 2016, hindi nakaligtas sa kaniyang mga pahayag ang Santo Papa dahil siya umano ang dahilan sa mabigat na daloy ng trapiko sa Maynila. Sa kaniyang talumpati sa isang pagtitipon ng PDP-Laban, ipinahayag niya ang kaniyang pagkadismaya sa pamamagitan ng direktang pagmumura sa Santo Papa. “Gusto kong tawagan, ‘Pope putang ina ka, umuwi ka na. ‘Wag ka nang magbisita dito.’” 

Pagkatapos ng kaniyang talumpati, narinig ang hagikhik ng ilang mga tagasuporta niya, ngunit nanaig pa rin ang galit ng mga kaanib ng simbahan. Depensa naman niya, nais niya lamang na batikusin ang baluktot na sistema ng pamahalaan hinggil sa daloy ng trapiko. Iginiit naman niyang hindi siya hihingi ng tawad sa binitawan niyang pahayag.

II. Huwag kang sasamba sa mga diyos-diyosan

Bilang pangulo, tungkulin niyang unahin ang kapakanan ng kaniyang nasasakupan. Kailangang maging priyoridad ang kabutihan ng mga taong naniwala sa kaniyang kakayahan. Gayunpaman, iba ang pananaw ni Duterte hinggil dito. Sa kaniyang pag-upo sa puwesto, tila ibang lahi at lider ang kaniyang sinamba at binigyan ng pagkakataong maghari sa bansa. Binaliktad niya ang ilan sa kaniyang mga pangako noong siya ay nangangampanya pa lamang sa pagkapangulo tulad ng pagsakay sa jetski at pagbawi sa West Philippine Sea. Sa halip, tinawag niyang ‘stupid’ ang mga taong naniwala sa kaniyang pahayag. 

Bukod dito, lantaran ang pagkakaroon ng mataas na pagtingin ni Duterte sa Tsina at sa pangulo nitong si Xi Jinping. Ayon sa Pangulo, binabalak niyang magtungo sa Tsina upang personal na magpasalamat sa ibinahaging tulong nito na mga bakuna kontra COVID-19. Hindi rin ikinaila ni Duterte ang kaniyang pakikipagkaibigan sa Tsina, na harapang ninanakaw at binabakuran ang pag-aari ng Pilipinas. Isa nga ba itong uri ng paghanga o pagsamba? Ano nga ba ang pagkakaiba ng pagiging tagahanga at pagiging tuta? Marahil, siya lamang ang makasasagot nito.

III. Ipangilin mo ang araw ng Linggo

Bilang mga Katoliko, tinitingnan ang araw ng Linggo bilang araw ng Panginoon, pamilya, at pahinga. Gayunpaman, iba ang araw ng pangilin para sa Pangulo. Marahil nga, hindi dapat araw ang itawag dito, kundi linggo, buwan o taon. Sa madaling sabi, mahabang panahon ang kaniyang pangingilin at walang makapipigil sa kaniya kundi sarili niya lamang.

Sa lumalalang krisis ng COVID-19 sa Pilipinas, inaasahan ng maraming Pilipino ang presensya ni Duterte. Tungkulin niyang manguna sa mga isinasagawang pagkilos ng pamahalaan upang masiguro ang maayos na sistemang susundin ng lokal na pamahalaan. Gayunpaman, nitong Abril, maaalalang ilang beses na nakansela ang lingguhang talumpati ng pangulo na layong maglatag ng mga plano sa pagsugpo sa COVID-19. Naging trending din sa iba’t ibang social media sites ang #NasaanAngPangulo bunsod ng kakulangan nito sa direktiba hinggil sa panibagong klasipikasyon ng quarantine sa iba’t ibang lugar. 

Nagkaroon din ng iba’t ibang espekulasyon ang mga tao sa kaniyang biglaang pagkawala sa mata ng publiko. Gayunpaman, sa kaniyang pagbabalik, tila maliit na bagay lamang ang kaniyang naiwan. Inuna niya ang paglalaro ng golf at pagmo-motor sa dilim sa halip na unahin ang kaniyang mga nasasakupang unti-unting namamatay sa gutom at sakit. At bilang mga ordinaryong mamamayan, iginiit niyang wala tayong karapatang kuwestiyunin ang mga desisyon niya sa buhay. Sino ba naman tayo kundi mga mamamayang Pilipino lamang, hindi ba?

IV. Galangin mo ang iyong ama at ina

Kakaiba ang imahen ni Duterte sa tuwing magiging pokus ng midya ang kaniyang mga magulang. Dala-dala ang panyo at isang batalyon ng midya, tila nagbabagong anyo ang Pangulo at ipinakikita ang kaniyang bulnerableng sarili sa madla. Tatakpan niya ang kaniyang mukha at pupunasan ang mga luha—mga luhang dulot ng pagkaulila sa kaniyang mga magulang.

Masasabing isang uri ito ng paggalang at pagkilala sa kaniyang ama at ina, ngunit iisang tao lamang si Duterte. Ilang tao kaya ang nawalan ng anak, ng magulang, ng kamag-anak, at ng kakilala dulot ng kaniyang marahas na pamamalakad? Ilang tao rin kaya ang luluha tulad niya? Sayang nga lang, walang nakasunod na kamera sa kanila. Patuloy na lamang silang luluha at sisigaw ng hustisya sa kawalan dahil sa baluktot na sistemang pinangunahan ng isang bulnerableng lider.

V. Huwag kang papatay

Aktibista. Magsasaka. Kabataan. Lumad. Manggagawa. Miyembro ng LGBTQ. May kapansanan. Midya. Lahat ay hindi ligtas sa kamay na bakal. Lahat ay maaaring malagutan ng hininga. Ito ang legasiyang iiwan ni Duterte at ng kaniyang administrasyon. Dugo ng mga taong nag-aasam ng pagbabago at hustisya. Dugo ng mga taong nasasadlak sa hirap at pagdurusa. Dugo ng mga taong walang kalaban-laban. Para sa kanila, ito ay numero lamang. Numerong taas-noo nilang ipinagyayabang. Dahil para sa administrasyong ito, ang pagpaslang ang pinakamainam na solusyon upang matanggal na ang krimen.

Patuloy na binubusalan ng administrasyon ang mga taong handang lumaban sa sistema dahil alam nilang nasa kanila ang kapangyarihan. Nakalilimutan nilang ang kapangyarihang ito ay bigay sa kanila ng taumbayan at hindi nila ito hawak magpakailanman.

VI. Huwag kang makiapid sa hindi mo asawa

Hindi na nakapagtataka kung kakaiba rin ang pananaw ni Duterte hinggil sa pakikiapid. Sa kaniyang pahayag, iginiit niyang isang kahangalan ang konsepto ng pakikiapid dahil natural lamang sa lalaki ang pagkakaroon ng iba’t ibang kasama, kahit pa kasal na ito. Tinawag niya ring hipokrito ang mundo dahil wala umanong lalaking hindi nagkakaroon ng kabit.

Kinondena naman ito ng mga feministang grupo at mambabatas dahil sa mababang pagtingin ng Pangulo sa kababaihan. Ginawa niya ring simpleng bagay ang pagiging taksil dahil natural umano ito sa kalalakihan, isang bagay na hindi katanggap-tanggap para sa kababaihan. Para sa kaniya, maraming babae sa mundo, kaya naman dapat itong sulitin. At ang mga pahayag na ito ay mula mismo sa kaniyang bibig. Ito ba ang tinaguriang “tatay” ng Pilipinas?

VII. Huwag kang magnakaw

Isa sa mga plataporma ni Duterte ang pagkakaroon ng malinis na gobyernong hindi gagawa ng kahit anong uri ng katiwalian. Gayunpaman, nananatiling nasa laylayan ang ranggo ng Pilipinas sa 2020 Corruption Perception Index ng Transparency International. Pinatunayan ito ng pagtugon ng gobyerno sa pandemya dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang pangungutang, umaasa pa rin sa pribadong sektor ang pamahalaan. Dagdag pa rito, kapuna-punang karamihan sa mga bakunang natatanggap ng bansa ay puro donasyon lamang. Saan kaya napunta ang perang inutang ng pamahalaan na sambayanan din ang tutubos?

Mabilis namang binaliktad ni Duterte ang kaniyang pangako. Sa isang talumpati nitong Pebrero, iginiit ng Pangulo na imposible ang pagkakaroon ng malinis na gobyerno. Paano nga ba ito mangyayari kung kahit ang kaniyang sariling SALN ay hindi niya maipakita sa publiko?

VIII. Huwag kang magbibintang at huwag kang magsisinungaling

Lahat naman tayo ay nagsisinungaling, ayon sa anak ng Pangulo na si Mayor Sara Duterte. Kaya naman para sa kaniyang pamilya, hindi na ito dapat ginagawang malaking isyu dahil bahagi na ito ng pagiging tao. At oo, isa siya sa mga matunog na hahalili sa posisyon ng kaniyang ama.

Kaliwa’t kanang red-tagging at kasinungalingan ang isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon. Maraming lider ng progresibong grupo ang nahaharap sa iba’t ibang kaso, at ang iba ay walang habas na pinaslang sa kanilang tahanan. Gayunpaman, kung tatanungin ang pamahalaan hinggil dito, isa lamang ang kanilang sagot—wala silang kinalaman.

IX. Huwag kang magnanasa sa hindi mo pag-aari

“May pera ako”—isa ito sa mga linyang sinambit ni Duterte sa kaniyang talumpati hinggil sa pagbili ng bakuna sa ibang bansa. Idiniin niya ang salitang “ako” na ang ibig sabihin ay kaniya itong pag-aari. Mula umano sa kaniyang bulsa ang igagastang pera ng bansa para lamang makabili ng bakunang panlaban sa kalabang hindi nakikita. Hindi niya inisip ang buwis at ang milyon-milyong perang ibinahagi ng pribadong sektor sa gobyerno.

Hindi pag-aari ni Duterte ang pera ng bansa at hindi kailanman dapat na pagnasaan ng mga galamay ng Pangulo ang perang mula sa mamamayang Pilipino. Nakatutuwa lamang dahil ang pera ay pinipilit niyang kaniya, ngunit ang utang ng Pilipinas ay babayaran ng lahat ng mga Pilipino, kabilang na ang mga maralita.

X. Huwag kang magnanasa sa hindi mo asawa

Sa pag-upo ni Duterte sa puwesto, ilang ulit na siyang humalik ng iba’t ibang bagay—ang watawat ng Pilipinas, ang lupa na pinangyarihan ng pagsabog sa Jolo, at maraming kababaihan. Pinakapinag-usapan dito ang kaniyang paghalik sa isang overseas Filipino worker na nagtatrabaho sa South Korea. Hindi na ito bago kay Duterte dahil sa macho niyang imahen sa madla. At ang masaklap pa, maraming Pilipino ang nagpakita ng pagkatuwa sa sitwasyong ito.

Hindi lamang ito ang pagkakataon kung saan nagkaroon ng isyu ang Pangulo sa ibang inosenteng babae. Sa isang bidyo noong 2018, inamin ng Pangulo sa harap ng maraming tao na minolestiya niya ang kaniyang katulong. Gayunpaman, pareho lamang ang reaksyon ng mga manonood. May mga natuwa, ngunit karamihan ay kinondena ang walang habas na pagtrato ni Duterte sa kababaihan. Ito ba ang itinuturing na tatay ng kaniyang mga tagasuporta?

Bilang isang Katolikong bansa, lubhang nakapanlulumong napalalampas ng maraming Pilipino ang mga nabanggit na gawi ng Pangulo. Hanggang kailan nga ba magbubulag-bulagan ang nakararami? Hanggang saan nga ba mapaninindigan ng mga Pilipino ang kanilang pananampalataya? Si Duterte na nga ba ang bagong messiah—isang taong lubos na makapangyarihan at mas angat pa sa salita ng Diyos?