[SPOOF] “You’ve got to be kitten me!”: Mga pusa ng DLSU, magkakaroon ng representasyon sa USG


Likha ni Agatha Harkness

INAPRUBAHAN ang special election para sa mga pusa ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) matapos itatag ang College of SWSWSWSW (COSW) sa DLSU, Abril 9. 

Matatandaang natapos ang Make-Up Elections 2021 nitong Pebrero kaya may kinatawan na ang mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo. Bunsod nito, nararapat lamang na maghalal din ng mga kinatawan ng mga pusa mula sa COSW. 

Cat-iting na hiling 

Binigyan ng tatlong minuto ang bawat kandidato upang ingiyaw ang kanilang mga inihandang plataporma sa isinagawang Miting de Avance. Dinaluhan ito ng mga PUSApporters at mga pusa ng Pamantasan.

Pinangunahan ni Dweety, tumatakbong presidente ng MEOW2020 mula sa hanay ng Alyansang Tapat sa mga Pusa, ang paglalatag ng mga plataporma. Aniya, priyoridad niya sa kaniyang termino ang pagpapalawig ng kampanyang Trap-Neuter-Vaccinate-Return at pagpapabuti ng sistema ukol sa iskedyul ng distribusyon ng ayuda ng mga pusa sa Pamantasan. 

Sa kabilang banda, pagsulong naman sa karapatan ng mga pusa ang nais pagtuunan ng pansin ni Mr. Winks at kaniyang mga kaalyado mula sa Isang Meow sa Tawag ng Panahon. Layunin ng kaniyang platapormang maitaas ang kamalayan ng mga Lasalyano sa mga usapin ukol sa kapakanan ng mga hayop at kahalagahan ng kapon. Saklaw rin nito ang pagtataguyod ng ligtas na pagtatalik at family planning ng kapwa niya pusa.

Huli namang ibinahagi ni Mr. Winks ang kaniyang kagustuhang magsagawa ng taunang pagdiriwang para sa mga pusa ng Pamantasan, katulad na lamang ng isinagawang graduation para kay Archer. “Meow meooow meowmeow meeow meow meowww,” pagdidiin niya. 

Tungo sa makapusang edukasyon

Samantala, ipinakilala naman ni Romeow, tumatakbong kinatawan ng LA ng MEOW2021, ang ilan sa mga bubuksan nilang kurso sa COSW tulad ng BS in Catvertising Management, AB Feline Studies, at AB Hissstory. Bubuo rin sila ng sistema ng enlistment na tatawaging Animeow.sys. 

Bukod sa mga kurso, nakapaloob sa Animeow.sys ang enlistment para sa dami ng pagkain na ilalagay sa kanilang mangkok, dalas ng pagpapakain sa isang araw, at klase at brand ng cat food na nais nilang kainin. Kasama rin dito ang pagpapalista para sa pagpapabakuna at pagpapakapon.

Nagwakas ang pagbabahagi ng plataporma matapos magreklamo ng mga pusa, kabilang na ang mga kandidato, na hindi sila napakain nang sapat noong umaga at oras na muli ng kanilang kain. Ilan sa kanila sina Mescheezo, Oolong, Marmalade, at Arabica, mga miyembro ng Bochog Tiyan Sila (BTS) Gang.