ISASAGAWA na sa Manila Bay dolomite sand ang Season 83 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Beach Volleyball para sa mga handa nang pumalo, sumalo, at dumapa sa pamosong buhangin. Maituturing na tamang oras sa tamang panahon ang pagkakaroon ng dolomite sand sa Manila bay lalo ngayong papalapit nang papalapit ang tag-init at dumarami na rin ang mga atletang kating-kati nang magbabad sa tirik ng araw para maglaro. Dahil dito, nagpasya ang Department of Enjoy N Rest (DENR) na opisyal nang buksan ang ipinagmamayabang na paraiso sa gitna ng Maynila para sa susunod na UAAP Season.
Inaabangan at pinaghahandaan na ng mga atleta ang pagkakataong makapagpamalas muli ng galing at makaranas ng F2F experience sa dolomite sand na siksik sa chismis.
Kalma, dolomite lang ‘toh
Matatabunan na ang paghihirap ng mga tagahanga ng UAAP ngayong pandemya dahil dumating na ang pinakahihintay na araw ng Dolomars Nation— ang muling pagsisimula ng UAAP Beach Volleyball. Bitbit ang temang Ikaw ang Bida sa Manila Bhie!, binuksan ang inaabangang UAAP Season sa pangunguna ni Hairy Roque, sa pamamagitan ng kaniyang makapigil-hiningang paglangoy mula Subic Bay papuntang Manila Bay habang bitbit ang bolang gagamitin sa nasabing torneo. Ayon sa kaniyang pambungad na pananalita, magandang hakbang ang pagpili sa Manila Bay bilang bagong venue dahil makakamtan na ng Dolomars Nation ang kapayapaan ng pag-iisip at lubos na kasiyahan. “Wala nang uuwing malungkot kahit pa talo ang inaabangang koponan dahil mananatili pa rin silang masaya dulot ng kalmadong pag-iisip na hatid ng dolomite,” dagdag pa niya.
Dumadagundong na sigaw at hiyaw naman mula sa Dolomars Nation ang narinig nang makita nila ang white sand ng Manila Bay. Hinikayat ni Ceelin Vitams, bahagi ng Dolomars Nation, na bisitahin ang nasabing lugar. “Napakaganda po rito! Bisita po kayo rito dahil bukas po ito may bagyo man o wala, dolomite lang matatag!” aniya.
Sa kabila nito, nakatanggap ng ilang mga puna ang proyekto ng DENR dahil binuksan ito sa panahon ng pandemya. Marami pa rin ang nababahala sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease sa bansa ngunit sinisigurado ni Benny Bini, kalihim ng DENR, na malulutas ito ng dolomite sand. Ayon sa kaniyang Facebook post, “Dedma lang tayo mga Dolomars Nation sa mga negatron diyan! Kapag inggit, pikit!” Kaya naman, hindi maitatanggi na handang-handa nang ibuhos muli ng mga inaabangang atleta ang kanilang galing at angas sa nalalapit na UAAP Beach Volleyball.
Dolovengers, assemble
Lakas at liksi, ilan lamang ito sa hinahangaang katangian ng mga atletang sumasabak sa UAAP Beach Volleyball. Sa pag-iiba ng venue ngayong taon, maaaring magkaroon din ng ilang pagbabago hindi lamang sa kapaligiran ng manlalaro, kundi sa kanilang pisikal na kakayahan. Ayon kay Jimmy Neutron, isang kilalang eksperto sa physics, maaari umanong magdulot ng ‘dolomighty powers’ sa mga atleta ang dolomite sand. Ibinahagi ni Neutron sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) na kayang pabilisin ng dolomite sand ang mga manlalaro dahil mabilis itong uminit. “They will feel like their feet and legs are on fire, causing them to run around faster,” aniya.
Bukod pa rito, makatutulong din ang dolomite sand sa pag-spike ng mga manlalaro: “The sand has a mysterious force where it acts like a bouncy castle and helps lift the players in the air for a long period of time. We tested this on a subject and they are still currently floating,” pahayag ni Neutron.
Iba’t ibang posibilidad ang maaaring asahan ng mga manlalaro, coach, at mga tagahanga ng UAAP sa pagbabagong ito ngayong season. Ayon kay DLSU Lady Spiker Team Captain Andoon Sakanya, natutuwa sila sa oportunidad na makapaglaro muli. “It’s nice to be with my teammates again kasi it was hard for all of us talaga. But we’re excited for this change, and sana it affects our performance in a good way,” pagbabahagi ni Sakanya sa BUKAKA.
Bunsod nito, inaasahan naman ng ilang Lasalyanong tagahanga ng UAAP Beach Volleyball na magiging ligtas at hindi makararanas ng masamang side effects ang mga atleta. Pahayag ng tagahangang si Tu Ron, “I also heard pa nga from someone na the dolomite sand can give you glass skin na very uso these days. It’s infused daw kasi with Shea Butter and also vitamins from A to Zinc kaya siguro.”
Naging sikat ang posibilidad na magkaroon ng glass skin dulot ng dolomite sand bunga ng karanasan ni Val E. Voll, isang kilalang atleta. Ibinahagi ni Voll sa BUKAKA na napansin niyang gumanda ang kaniyang kutis matapos ang pag-eensayo sa nasabing lugar sa kabila ng pagpupuyat at hindi paggamit ng sunscreen. Dahil dito, balak niyang magsimula ng skincare line na dolomite sand ang bida para sa kaniyang kapwa atleta na palaging nakababad sa ilalim ng araw. “Ang ganda ng natural dolomite properties, sana madagdagan pa ang beaches na may dolomite sand!” aniya.
Dolo-mite, Mighty sa Sarap
Dahil sa oportunidad na ibinigay ng Manila bay dolomite sand sa UAAP, nagbabalak na rin ang ilang organisasyon tulad ng Olympics, Fédération Internationale de Volleyball (FIVB), at Philippine Sports Commission (PSC) na magdaos ng mga patimpalak sa iba’t ibang panig ng mundo gamit ang mga artipisyal na venue na gawa sa dolomite. Kaugnay nito, balak ding makipag-ugnayan ng PSC sa Tsina upang dagdagan ang mga artipisyal na venue sa mga lokasyong tulad ng Panatag Shoal, Spratly Islands, at Island Cove sa Cavite.
Inaasahang sisikat pa ang paggamit ng dolomite at maaaring maging ganap na materyales hindi lamang sa beach volleyball kundi pati na rin sa beach basketball, beach golf, beach tennis, at iba pang laro na matatagpuan sa mga dalampasigan. Tila mahika ang epekto ng dagdag na benepisyo ng dolomite na aasahang mas magpapalupit, magpapalakas, at magpapasabog ng mga bakbakan na magaganap sa pagitan ng mga koponan. Mapapanood ang paparating na UAAP Beach Volleyball Tournament: Dolomite Edition sa PTV o People’s Televised Volleyball.