Nananatiling mataas ang porsyento ng kabuuang unemployment rate sa bansa, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), na lubhang ikinagulat ng administrasyong Puterte. Ayon kay Presidential Spokesperson Herry Poque, taliwas ito sa mga inaasahang resultang dala ng mga inilatag na solidong plataporma kuno ng administrasyon.
“Well, bago lumabas ‘yung data mula sa DOLE, we were really doing an excellent job. . . Obvious naman na mas magaling pa sa kaniyang golfing skills ang mga proyekto ng ating Presidente. In fact, nanalo pa siya sa motocross racing kahapon. Kaya ba ni Leni ’yun?” ani Poque sa isang virtual press briefing.
Bilang tugon sa naturang suliranin, inilunsad ng pamahalaan ang bagong sistema ng pagtanggap ng mga aplikante sa trabaho gamit ang mga tarot card. Pagmamalaki ni Poque, “Noong nagpahula kasi ako kasama ang Pangulo, na-realize namin, ‘Oo nga, bakit hindi natin gamitin ang ating magagaling na tarot card readers upang masala ang mga aplikante.’” Sa pagpapatupad ng bagong sistemang ito, inaasahang bababa nang 50% ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Tarot card reading bilang pinakamabisang hiring system
Matapos pumalo sa 8.8% ang unemployment rate ng bansa noong Pebrero, opisyal na ipinahayag ni Poque ang malawakang paglulunsad ng bagong hiring system na Pasok or Charot sa ilalim ng DOLE na naglalayong mapalawig ang paggamit ng makapangyarihang tarot cards sa pagtanggap ng mga aplikante.
Bilang paunang hakbang, itinalaga bilang Chief Labor and Employment Officer ang paranormal investigator na si Ed Caluag. “‘Di ko rin alam kung bakit ako napunta sa posisyong ‘to. Espiritu na ‘di matahimik lang ang alam kong kausapin pero since isa ako sa napiling magsilbi para sa bayan, eh sige. Ito ang sinasabi ng mahiwagang tarot cards, sino ako para tumanggi? Sayang sahod, lamig pa ng opis,” ani Caluag sa kaniyang panayam sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) nang tanungin siya ukol sa bagong posisyong iniatas sa kaniya ng Pangulo.
Pinangunahan din ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalawig ng paggamit ng tarot cards sa pagpili ng ilang mamumuno. Sina Mucha Suso na kasalukuyang Deputy Executive Director V ng Overseas Workers Welfare Administration at Chief Debolbol Tsina ng Philippine National Police ang ilan sa mga himalang matagumpay na napili gamit ang tarot cards dahil sa kanilang angking kapalaran. Mapapansing katangi-tangi ang mga indibidwal na itinalaga sa matataas na posisyon simula noong umupo si Pangulong Puterte.
Pinasinayaan naman ng Pangulo ang kumakalat na usaping kawalang-basehan ng pagtatalaga ng presidential appointees. Ayon sa Pangulo, “Anong Eenie Meenie Minie Mo? Tingin niyo sa’kin, inutil? You better shut your mouth. Pantay-pantay ang administrasyong ito. Walang daya, hindi ako biased. Patayin kita diyan e.”
Trabaho mo, nasa palad mo
Nakapanayam ng BUKAKA si Madam Mita Modd, isang batikang tarot card reader mula sa Maynila. Aniya, mas dumami ang kaniyang mga patron dahil sa bagong sistemang ipinatupad ng gobyerno. Kakaiba man ang bagong pagsala sa mga naghahanap ng trabaho, ipinakita niya ang kawastuhan ng resulta ng tarot card reading. Dagdag pa niya, “Mas maigi na iasa sa mga bituin at palad ng mga aplikante ang pagtanggap sa kanilang pinag-aplayan. Hindi na nila kinakailangan pang ma-interbyu dahil mismong ang mga tarot card na ang magsasabi kung para sa kanila ba ang trabaho.”
Ibinahagi rin ni Modd sa BUKAKA ang isang kagulat-gulat na balita. Aniya, bago ang Halalan 2016, nagpabasa ng tarot card sa kaniya ang Pangulo. Malakas umano ang ibinibigay na enerhiya ng kard na binasa niya para sa Presidente kaya hindi na ito nilubayan ng mga personalidad na tuluyan nang naging mga kanang kamay nito. Makikita na sa kada retrato ng lider ng bansa, laging kasama si Bong Stay na tunay nga namang nanatili alinsunod sa kaniyang apelyido. Patuloy ring nakasuporta sa likod niya ang ilang opisyal ng gobyerno, mula sa lokal hanggang sa nasyonal na lebel. Bukod pa rito, naglalaho rin ang kaniyang kamalian sa mata ng kaniyang mga tagasuporta, kahit gaano pa ito kalantaran. Tunay na “the best president,” ika nila.
Tarot sa tamang pagsala sa mga ‘Weak’
Nangangamba naman si Juswa Bornikin, dating call center agent, sa nasabing hiring system. Sa kabila ng mahigit sampung taong karanasan sa industriya at pagkakaroon ng diploma sa Master of Arts in Communication, hindi siya tinatanggap sa trabaho dahil sinusundan siya ng kamalasan.
“Pinabunot ako ng tarot, tapos lumabas sa akin Strength, edi syempre natuwa ako. Loko ‘yung nag-interview, sabi nakabaliktad daw ‘yung card kaya Weak ang ibig sabihin. Strength nga nakalagay eh. ‘Di ba siya marunong magbasa? Tsaka syempre nakabaliktad ‘yun, katapat ko siya eh,” pagsusumamo ni Bornikin. Pagtutuloy niya, “Sabi sa akin nung interviewer, ‘Sorry sir but we cannot accept your application. Hindi po kasi talaga kami tumatanggap ng mga Weak.”
Kahit wala pang nahanap na bagong trabaho si Bornikin, malakas ang paniniwala ng kaniyang ina na suwerte ang kaniyang anak sapagkat ipinanganak siya sa kabilugan ng buwan. Pinag-iisipan ngayon ng mga Bornikin kung dapat bang magsimula silang maghandog ng mga alay para sa mga maimpluwensyang diyos at diyos-diyosan upang mabiyayaan ng magandang trabaho ang kanilang anak.
Sa kabila ng mga isyung ito, naniniwala ang kasalukuyang administrasyon na tamang hakbang ito upang mapababa ang unemployment rate at mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. “Maniwala po tayo sa adhikain ng Presidente at para sa mga kritiko ganito na lang, bleh!” patutsada ni Poque.