INILANTAD ng hanay ng kabataan ang tunay na mukha ng Anti-Terrorism Act of 2020, o tinatawag na Anti-Terror Law (ATL), sa isinagawang talakayang “People vs Duterte: A Discussion on the Anti-Terrorism Law Oral Arguments” na pinasinayaan ng Youth Act Now Against Tyranny at iginiit na taliwas ang naturang batas sa karapatdapat na pangangailangan ng masa sa gitna ng pangkalusugang krisis, Mayo 22.
Matatandaang puspusang idinidiin ang pagpapabasura ng ATL sa oral arguments nitong mga nakaraang buwan sa Korte Suprema dahil sa obhetibo nitong tahasang pagpapatahimik sa lehitimong pakikibaka ng mga mamamayan para sa karapatan, kabuhayan, kalusugan, edukasyon, at pambansang patrimonya, na siyang taliwas sa prente ng batas na supilin ang terorismo sa bansa.
Bunsod nito, sinikap ng mga abanteng kabataan mula sa Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), League of Filipino Students, Kabataan Partylist, National Union of Students of the Philippines (NUSP), Panday Sining, at Student Christian Movement of the Philippines ang makabuluhang talakayan upang maipamulat sa mas malawak na masa ang katotohanan at pasistang katangian ng kasalukuyang rehimen.
Lumahok din sa talakayan ang iba’t ibang publikasyong pangkampus, katulad ng The City Online, Himati, The Communicator, Pace Setter, The Catalyst, The Free Hand, The Pioneer AUF, TNC of The North, Tarlac State University, The Work, TomasinoWeb, at UPLB Perspective na tumitindig para sa malayang pamamahayag na direktang inaatake ng ATL.
Lantad na kriminal na kapabayaan
Itinurol sa diskusyon na isang tahasang pasistang hakbangin ang pagraratsada sa ATL na may kalakip na layuning gamitin ang bangis ng estado upang supilin ng naghaharing diktadurya ang patriyotiko, demokratiko, progresibo, at maging mga ordinaryong pwersa ng mga mamamayan.
Ayon kay Anton Narciso III mula CEGP, sa panahong mas kinakailangan ng mga mamamayan ang mass testing at pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad pangkalusugan, malinaw na mas naging priyoridad ng rehimeng Duterte ang pagsasabatas ng ATL. Dahil sa manipestasyon ng patuloy na kapabayaan sa pagsugpo sa kasalukuyang pandemya, higit pang tumindi ang mga pag-atake sa mga hanay ng mamamayang tumitindig, kabilang ang 37 opisyal na nagsumite ng petisyon at ilang indibidwal na tinutulan ang malabong probisyon ng ATL.
“Hinubaran ng COVID-19 ang krisis ng Pilipinas bilang isang atrasadong bansa kaya’t itinutulak ang mga mamamayang pinagsasamantalahan at ginugutom upang makita ang landas ng pakikipaglaban,” sambit ni Narciso.
Kahungkagan at kalituhan sa batas
Ipinaliwanag naman nina Nicolo Bongolan mula sa law school ng University of Santo Tomas at Mark Lim mula sa law school ng Ateneo de Manila University ang lagom sa inilunsad na oral arguments hinggil sa ATL. Ayon sa talakayan, 37 petisyon ang salungat laban dito sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, kasama sina dating Chief Justice Renato Puno at Justice Francis Jardeleza sa porma ng Amici Curiae. Hinimay rin ang hungkag na katangian ng ipinanukalang batas at nilansag ang mga panganib na epekto nito sa aspekto ng pagbubusal sa kalayaan sa pamamahayag, pananakot, paniniktik, pag-aresto ng walang warrant, at detensyon na labag sa Konstitusyon.
“CPP-NPA rebels, whose intent is clearly rebellion, are not terrorists under the Anti-Terrorism Act (ATA) and consequently they, individually as a group, cannot be proscribed as terrorists under the ATA,” halaw mula sa pahayag ni Antonio T. Carpio, na ibinahagi sa talakayan.
Samantala, buong-tapang namang isinalaysay sa naturang talakayan ang mga kuwento ng mga biktima ng red-tagging nang mailapat ang panganib sa reyalidad na dulot nito.
“Sa kapwa na mga law students, hamon na mas maging vocal dahil nais nating maging bahagi ng legal profession, dapat tutulan nating manahin ang ganitong klase ng sistema lalo na ang lawfare na tinatawag o ang weaponization of law o paggamit sa batas laban sa interes ng mamamayan, “ ani Lim.
Karuwagan ng estado, katapangan ng mamamayan
Sa kabilang banda, binasag naman sa talakayan ang argumentong hindi nararapat na katakutan ang ATL sa pagkakataong hindi kinikilala bilang terorista ng estado ang isang indibidwal, sapagkat mayroong umiiral na kultura ng kawalan ng pananagutan sa konteksto ng extrajudicial killings, paniniil sa pambansang minorya, at iba pa. Dagdag pa rito ang mga direktang bunga ng kawalang pananagutan sa kagutuman, kahirapan, kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at maging sa pambansang patrimonya.
Ani Blaise Belosillo, NUSP director for Education and Research, malaking pondo ang inilalaan ng administrasyon sa red-tagging, sa halip na ibuhos na lamang sa mga maka-masang hakbangin. Bunsod nito, naniniwala siyang ang ATL mismo ang nagtuturo at nagmumulat sa masang bagtasin ang militanteng paglaban o pagbalikwas sa mapaniil na sistema ng pamahalaan.
Kalayaan sa pamamahayag
Kabilang din ang Ang Pahayagang Plaridel sa mga katuwang na organisasyon para sa isinagawang programa, bilang pakikiisa sa pagpapataas ng kamalayan at pagpapalakas ng panawagan ng mga Pilipino, kasama ang mga pahayagang pangkampus na kumokondena sa pagpapanukala ng ATL. Ani Kyle Umpig mula sa Tarlac State University CEGP, “Magpapatuloy ang mga estudyanteng mamamahayag sa linya ng paglaban dahil nauunawaan namin na ang bawat salita nating inililimbag sa ating mga publikasyon ay isang malakas na manipesto para sa tunay, malaya, at mapagpalayang pamamahayag.”
Sa kabuuan, nangingibabaw ang kritikal na lente ng mga estudyanteng kabataan sa pagsuri sa mga lumilitaw na suliranin sa pagpihit ng kalagayan. Minamateryalisa ang ideolohiyang nahahalaw mula sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagtindig nito kasama ng masang api. Bigo ang ATL sa layunin nitong busalan ang bibig ng pwersa ng mga mamamayan, bagkus nagbigay-daan ito upang mas lumakas ang alingawngaw ng mulat na sambayanang nananawagan para sa karapatdapat na karapatan, kabuhayan, edukasyon, at kalusugan.
#JunkTerrorLaw #IssueTRONow #StopTheAttacks