IPINAKILALA ng Philippine Junior Marketing Association ang mundo ng digital marketing sa mga kalahok ng kanilang proyektong MADWORLD: Unlocking the New Consumer Experience, Mayo 15 at 16. Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Alyssa Cacas, tagapamahala ng proyekto, inilahad niyang layon ng naturang organisasyong maipakita ang pagbabago ng pakikitungo sa mga konsyumer, lalo na sa online na midyum.
Taon-taong idinaraos ang MADWORLD ngunit isinagawa ito ngayong taon sa platapormang Balloon Events. Pahayag ni Cacas, “Hindi ito [hamong dala ng pandemya] naging hadlang para magtipon-tipon [ang] lahat ng marketista sa isang [plataporma] kung saan maaari silang matuto, makipag-kumustahan, makipagkilala, [at] magbuo ng kanilang network mula sa iba’t ibang estudyante sa Luzon, Visayas at Mindanao.”
Ibinahagi rin ni Cacas na “Redefining the New Consumer Experience” ang tema ng MADWORLD ngayong taon. Aniya, nagmula ito sa ideyang patuloy na nagbabago ang karanasan ng mga mamimili, lalo na ngayong nakapokus na sila sa digital marketing. Binanggit niyang galing din ang tema sa pagpapalit ng mga kompanya ng kanilang paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga mamimili.
Nahati ang naturang proyekto sa apat na bahagi—Headstart, Lounge, Expo, at Plenary. Inilahad ni Cacas na layunin ng iba’t ibang aktibidad na ipaliwanag sa mga kalahok ang paraan ng pagbabago sa mga online na transaksyon at marketing, at palawakin ang network ng mga kakilalang tiga-marketing.
Tinalakay sa Headstart ang ibinahaging kaalaman ng 18 tagapagsalita mula sa iba’t ibang kompanya, na tungkol sa muling pagbibigay-kahulugan sa karanasan ng mga mamimili gamit ang mga bagong inobasyon. Nagmula sa Tier One Entertainment, Max’s, Nestle, Carousell, Paymaya, Shoppertainment LIVE, at LKY Group of Companies ang ilan sa mga nagbahagi. Binuksan ng grupo ni Casas ang 18 breakout rooms ngunit tatlong breakout room lamang ang pinagpilian ng mga kalahok kada 30 minuto.
Inilunsad din sa MADWORLD ang Lounge, isang espasyo para makausap ng mga kalahok ang isa’t isa sa pamamagitan ng 1-1 networking o group table networking. Saad ni Casas, nagustuhan ito ng mga dumalo dahil dito sila nagkaroon ng pagkakataong makilala ang kapwa nilang tiga-marketing.
Nakapaloob naman sa Expo ang pagsasagawa ng virtual sponsors at job fair booths. Sa pitong virtual sponsors booths, nakapaglaro at nakatanggap ng mga premyo at freebie ang mga kalahok mula sa katuwang na kompanya ng MADWORLD, tulad ng Motivo, Default Cafe Pub, at Loacker.
Sa kabilang banda, bukas naman para bisitahin ng mga kalahok ang 13 booth ng iba’t ibang kompanya sa virtual job fair. Maaari silang magpasa ng resume, makipag-usap sa mga kinatawan ng kompanya, at magpahayag ng kanilang interes sa kompanya sa nasabing virtual job fair.
Katulad ng naging talakayan sa Headstart, inilahad din ng 10 tagapagsalita ang kanilang kaalaman at karanasan ukol sa temang “Redefining the New Consumer Experience” sa huling bahagi na Plenary. Bukod dito, may mga inimbitahan din sina Cacas na magbahagi sa sesyon na nagmula pa sa ibang bansa. Kabilang na rito sina Jos Ortega, Chairman at CEO ng Havas Ortega Group, at Angelo Cuyegkeng, Head of Design ng Canva.
Naniniwala si Cacas na naging matagumpay ang birtuwal na MADWORLD sapagkat naabot nila ang hinahangad nilang bilang ng kalahok at natuwa ang mga kalahok sa kakaibang karanasan, ayon sa isinagawang ebalwasyon. Naaliw umano sila sa posibilidad ng networking bunsod ng ginamit na plataporma. Dagdag pa niya, “Hindi nila [inasahang] makakabuo sila ng koneksyon [o] makakakilala sila ng iba’t ibang marketista sa buong Pilipinas, [dahil] ito ay virtual.”