Para sa kabataan at kababaihan: Mga isyung panlipunan, binigyang-tuon sa SolYOUtion 2021


INILAHAD ng SolYOUtion 2021 ang mga kinahaharap na hamon ng kabataan at kababaihan sa kasagsagan ng pandemya, Mayo 8 at Mayo 21-22, sa pangunguna ng Archers for Unicef (AU) na layong makapagtaas ng kamalayan at makapagmungkahi ng mga solusyon upang makatulong sa pagpapagaan ng mga nararanasan ng mga bata at babae.

Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Noelleene Bañez, Michie Felipe, Nadine Oabel, at Denica Sy-Reyes, mga tagapamahala ng proyekto, upang ilahad ang proseso ng paghahanda nila para sa kabuuang programa, pati na rin sa webinar at case competition.

Isinagawa ang webinar na tumalakay sa mga kaugnay na isyung panlipunan noong Mayo 8, habang idinaos naman ang kaunaunahang case competition ng AU noong Mayo 21 hanggang Mayo 22 bilang paraan ng pagbibigay-solusyon sa mga nabanggit na suliranin sa webinar.

Pagdidiin ni Bañez sa naging panayam ng APP, patuloy pa ring nakararanas ng pagsubok ang kabataan at kababaihan sa kabila ng pandemya. Bukod pa rito, ibinahagi ni Sy-Reyes na itinampok din nila ang sektor ng agrikultura dahil sa dami ng mga isyung umiiral ukol dito, tulad na lamang ng kakulangan sa suporta at hindi patas na pakikitungo sa mga magsasaka.  

Binuksan naman nila ang programa para sa lahat ng nais makibahagi sa pagtulong sa kapwa at sa kanilang proyekto. Inilunsad din nila ang case competition na bukas sa mga estudyanteng Pilipinong nasa senior high school at kolehiyo upang mapalawak ang kanilang kaisipan at mabigyang-pansin ang mga suliraning kailangan matugunan sa agrikultura. 

Inilahad naman ni Oabel ang proseso ng pagbuo ng konsepto at nilalaman ng case topic primer na makatutulong sa mga kalahok na humanap ng mga tatalakaying paksa at kaakibat na solusyon nito. “Sa pagsulong ng SolYOUtion, kami ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kalahok upang matulungan namin silang gumawa ng isang case na kamangha-mangha para sa mga panelists ng event na ito,” paliwanag niya.

Samantala, ibinahagi ni Oabel na nagbukas sila ng aplikasyon para sa pagpili ng mga miyembro ng sentral na komite. Binubuo ito ng 56 na miyembro at hinati sa anim na komite: Events, Partnerships, Sponsorships, Public Relations, Creatives, at Documentations and Logistics. Bukod pa rito, pinangasiwaan din ni Andrea Manalac, Executive Vice President for External Affairs ng AU, ang nasabing proyekto.

Ipinabatid naman ni Sy-Reyes na naging hamon ang pagpapakonsulta at pagsasagawa ng programa sa online na pamamaraan sa panahon ng pandemya. Gayunpaman, pagtutulungan at pagpapatuloy ang naging susi ng sentral na komite at AU sa paghahanda para sa naturang proyekto.

Ani Sy-Reyes, “Hindi naging madali ang aming pagpaplano hanggang sa pagsasakatuparan ng proyektong ito, ngunit sa gabay at tulong ng aming mga kasama sa organisasyon, naitaguyod namin ang pinaka-unang webinar at case competition ng Archers or UNICEF.” Kaugnay nito, ipinarating ni Bañez na nakakuha sila ng 36 na katuwang na organisasyon at kompanya na tumulong sa SolYOUtion 2021 sa loob ng dalawang linggo.

Sa huli, naniniwala ang mga tagapamahala ng proyekto na hinuhubog ng Pamantasan ang mga Lasalyano upang maging mapagmalasakit at matulungin sa kapwa sa anomang paraan.  Pagtatapos nila, “Kinakailangan [nating] magplano at kumilos para sa ikabubuti ng karamihan [upang mabigyan] ng pantay-pantay na oportunidad ang bawat Pilipino.”