Punong-puno ang Pilipinas ng mga kuwentong sumasalamin sa mayamang kultura ng mga Pilipino. Iba’t ibang hiwaga ng kasaysayan ang nagpapatingkad sa kayumangging kultura nito.
Nariyan ang alamat—kuwento ng pinagmulan ng isang tao, lugar o bagay-bagay; pamahiin—mga paniniwala na nagbibigay rin ng babala at paminsan-minsang nag-iiwan ng takot sa isipan; kababalaghan—mga kuwento na puno ng mahika at katatakutang tulad ng mga multo, manananggal, kapre, at iba pa; mitolohiya—mga kuwento tungkol sa mga diyos at diyosang sinasamba at pinaniniwalaang malaki ang epekto sa buhay ng mga tao. Bumubuo ang lahat ng mga ito sa mga kuwentong-bayang nagpapakilala ng tradisyon at pagkakakilanlan ng mamamayang Pilipino.
Ngunit nakalulungkot isipin na unti-unting nalilimutan ng karamihan ang mga kuwentong-bayan na taglay ng ating bansa, gayundin ang mga isyung panlipunan na ating kinahaharap. Marami ang nagkikibit-balikat at hindi nagbibigay ng halaga sa mga pamanang kuwento na nagsisilbing liwanag sa ating kultura, at nagbubulag-bulagan sa problema na nararanasan ng ating mga kababayan. Kaya naman, makabagbag-damdaming binuhay ng Harlequin Theatre Guild (HTG) ang mga kuwentong-bayang ito sa pamamagitan ng isang natatanging produksyon na may temang “2K20: Kalooban” na naglalayong ibandera ang kulturang Pilipino sa modernong pamamaraan. Ipinalabas ito noong Mayo 21-23, at hinati sa apat na bahagi na may tig-dalawang pagtatanghal, na pawang may kaakibat na pagtalakay sa mga isyung panlipunang kinahaharap ng ating bansa at naglalayong magmulat ng mga mata sa katotohanan. Hindi naging hadlang ang pandemya at biglaang pagbabago ng pamamaraan sa pagtatanghal ng kanilang talento pagdating sa dulang-sining.
Mahika sa dulang-sining
Pagnanais at pagbabakasakali ang madarama sa unang pagtatanghal sa unang bahagi ng 2K20: Kalooban na pinamagatang “Ang Habilin ni Lola Liwanag.” Itinatampok sa kuwento ang mag-inang Juliet at Pane na may karanasang nababalot ng kababalaghan. Nagsimula ang kanilang nakakikilabot na kuwento nang lumapit sila sa albularyong si Lola Maring upang makausap ang kaluluwa ng yumaong si Lola Liwanag nang sa gayon, kanilang mahanap ang titulo ng lupang ipinamana sa kanila. Kasunod nito, galit at pagkadismaya naman ang nanaig na damdamin sa “Abo-Kaykay: Ang Unang Yugto” na nagtatampok sa alamat ng Abucay, Bataan at mga kaugalian at tradisyon ng mga katutubo sa lugar. Dumako ang kuwento sa pagkabulag ni Sina, isang mandirigmang pantubig, sa pagbabagong sinabi ng mga dayuhang mananakop, na nagresulta sa pagtalikod niya sa mga pangakong iniwan sa kaniyang binalikang iniirog, pati na sa sariling bayan.
Sa ikalawang bahagi ng dulaan, kamangha-manghang tanawin naman na tumatalakay sa mitolohiya ang unang pagtatanghal na may temang “Mga Diyosa.” Inilahad dito ang kuwento ng buhay ng mga anak ng isang babae at isang Diyos—ang tatlong magkakapatid na sina Mayari, diyosa ng pantay na pamumuno; Hanan, diyosa ng bukang-liwayway; Tala, diyosa ng mga bituin, at ang mapang-abuso nilang kapatid na si Apolaki, diyos ng araw, na uhaw sa kapangyarihan at hindi kontento sa paghahati ng pinamumunuan. Sinundan naman ito ng mga modernong pagsasalarawan ng mga halimaw sa “Hatinggabi Camp”— kuwento ng iba’t ibang halimaw na nagsasama-sama upang humingi ng payo dahil hindi nila maayos na nagagampanan ang kanilang pagkahalimaw at tila naiiba kompara sa kanilang mga kauri.
Matinding pag-ibig na may kaakibat na pighati naman ang hatid ng kasunod na presentasyon. Paghahalinhin ng malalalim na tula ang inihatid ng unang pagtatanghal na ito para sa ikatlong bahagi na tungkol sa kuwento ng pagmamahalan ng isang engkantada at burikantada na sina “Ilihan at Kalingaw.” Mga titik at mga tugma ang naging sandata ni Ilihan upang ipagsigawan ang kaniyang pag-irog kay Kalingaw kahit na ipinagbabawal ito. Ngunit sa huli, tanging mga salita lamang din ang naiwan ni Ilihan kay Kalingaw. “Ibig kong iwan sa iyo ang tanging kayamanan na mayroon ako. Isang laksang taludtod at parirala na maibubuod mo sa apat na salitang—Mahal na mahal kita,” pagpapaalam niya.
Pag-aatubili at pag-aalinlangan sa tunay na pagkahalimaw—iyan naman ang kuwento sa kasunod na pagtatanghal na pinamagatang “Mamaw ba U?” Pinagbidahan ito ng magkakaibigang halimaw na palaging talunan sa kompetisyon at naghahanda para sa pag-aaral sa kolehiyo. Nagdadalawang-isip si Aletha, isa sa magkakaibigan na may kakayahang magmukhang tao, kung talaga bang halimaw sila o may iba silang kakayahan at maaari nang makihalubilo sa mga tao. Subalit, mariing tinutulan ito ng kaniyang mga kasama at sinabing hindi na dapat binabago ang nasa kasaysayan dahil nakasulat na ito nang daang taon. Dagdag pa rito, binanggit din ang mga karahasan ng mga tao sa mga mamaw at iniwan ng isang kaibigan ni Aletha sa kaniya ang mga katagang “mas halimaw ka na pala sa akin, kasi asal tao ka na.”
Sa huling bahagi ng produksyon, kilabot at matinding takot ang dala-dala ng dalawang kuwentong patungkol sa maligno na nakapaligid sa lahat. Sinimulan ito ng “Cafe Rosa” na grupo ng mga babaeng multo na nasa isang coffee shop at masayang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan hanggang mauwi ito sa usapan ng lihim na pang-aabuso at pagmamaltrato na kanilang naranasan. Kasabay nito, kanila ring ibinunyag kung bakit nga ba parati silang nagpapakita sa mga tao. Sinundan naman ito ng “Pangarap Kong Maging Manananggal” na kuwento ng isang dalaga na malapit nang maging ganap na manananggal at nasa paghahanda na ng mga hakbang para mangyari ito. Ipinakita rin sa huling pagtatanghal na ito ang mayamang mga pamahiin at paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa mga engkanto at ang takot na nararamdaman ng mga tao sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Sa huli, nanaig pa rin ang pag-ibig at pagpapakatotoo sa sarili nang ganap nang naging manananggal ang dalaga at tinanggap pa rin siya ng kasintahan niyang isang tao.
Sa likod ng mahika
Iminumulat tayo ng teatro hindi lamang sa mundo ng mga mahika at pantasya, kundi pati na rin sa bangungot ng reyalidad. Hindi ang mga halimaw sa kuwento ang tanging kababalaghan na ipinakita sa mga pagtatanghal ng HTG, kundi pati na rin ang nakatitindig-balahibong alusyon sa mga isyung panlipunan, kagaya ng pang-aabuso, pagtalikod sa Inang Bayan at kasakiman sa kapangyarihan. Subalit, hindi naman tanging hinagpis at karimlan lang ang bumabalot sa tunay na buhay, kaya naman ipinapaalala rin sa atin ng mga dulang-sining ang masasayang alaala ng pagmamahal, pag-aaruga, at pagtuklas sa sarili.
Tila kailanman, hindi naging intensyon ng HTG na malimitahan lamang ang kanilang mga kuwento sa entablado o iskrin. Nagpapaalala ang bawat isa sa mga kuwentong kanilang hinabi na tumingin tayo sa ating mga paligid, sapagkat napakarami pa ring mga kuwentong dapat tingnan at dinggin sa totoong buhay. Ibinibigay ng mga aktor nang buong-buo ang kanilang mga sarili at ginagampanan ang mga personang malayo sa kanilang tunay na identidad, upang sa huli, makapulot ng mga aral ang mga manonood sa kanilang mga munting pagtatanghal.
Isang pagpupumiglas ang mismong pagpapalabas ng “2K20: Kalooban”—isang paalala na hindi kailanman malilimitahan ang sining at lagi’t lagi itong magpupunyagi. Gayundin, hinihikayat tayo ng mga dulang-sining na ito na mas laliman pa ang ating pag-intindi sa ating mga kuwentong-bayan at mas pagtuunan ng pansin ang ating reyalidad at kasaysayan. Nang sa huli, manaig din ang kabutihan kaysa sa karimlan sa mundong ating ginagalawan, sa parehong paraan na karaniwang nagtatapos ang bawat kuwento sa pag-asa at kabutihan.