INILUNSAD ng De La Salle University Management of Financial Institutions Association (DLSU MaFIA) ang One MaFIAmily Donation Drive nitong Abril 8 hanggang Mayo 22. Layon ng inisyatibang makalikom ng donasyon sa loob ng dalawang buwan para maihandog sa napili nilang benepisyaryo na Visions of Hope Foundation.
Pag-usbong ng inisyatiba
Ibinahagi ni Abijah J. Golez, Team Leader for Events ng DLSU MaFIA, sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nagsimula ang naturang inisyatiba dahil sa dami ng kabataang naapektuhan ang kalagayan ng edukasyon ngayong pandemya. Aniya, “Naniniwala ang One MaFIAmily at DLSU MaFIA na hindi pa huli upang tayo ay magbukas palad para sa mga kabataang nangangailangan ng suporta dahil sa huli, sila pa rin ang kinabukasan ng ating bayan.”
Paliwanag pa ni Golez, maraming kabataan ang hindi nabibigyan ng oportunidad na makapag-aral dahil sa mga suliraning hatid ng pandemya, kagaya ng kawalan ng trabaho ng kanilang mga magulang. Dagdag pa niya, nais nilang magkaroon ng inspirasyon ang mga matutulungan nilang kabataan na mag-aral nang mabuti at ipagpatuloy pa ang kanilang mga nasimulan.
Inihayag din ni Golez na isa sa mga dahilan ng pagsisimula ng donation drive ang Zeal of Service na bahagi ng core values ng mga Lasalyano. Pagpapatuloy pa niya, nais ng kanilang organisasyon na tumulong sa tunay na nangangailangan.
Pinamunuan ang nasabing inisyatiba sa pangunguna ng mga project head na sina Erryl Lacanlale, Chelsea Yu, Wendy Chua, at Riana Ng. Ginabayan din sila ng Executive Board Member Committee ng DLSU MaFIA sa pagbuo nito, ayon kay Golez.
Napili ang mga team leader at assistant team leader sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maikling panayam at central committee application ng DLSU MaFIA. Sa kabuuan, nakapagtalaga sila ng dalawang team leader at anim na assistant leader para sa bawat komite.
Pag-aabot ng tulong
Inilahad din ni Golez sa APP ang dahilan sa likod ng pagpili sa Visions of Hope Foundation bilang benepisyaryo ng inisyatiba. Paliwanag niya, “Napili ng organisasyong One MaFIAmily ang Visions of Hope Foundation bilang benepisyaryo dahil sila ay may magandang adbokasiyang matulungan ang mga kabataang nangangailangan ng tulong at gabay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalidad na edukasyon na kanilang nararapat na makuha.”
Naging daan ang pagkakaroon ng mga katuwang na organisasyon at kompanya upang maisakatuparan ang donation drive, ayon kay Golez. Binigyang-diin din niya ang “good will” mula sa sa mga taong sumuporta sa kanila.
Ibinahagi rin ni Golez na umabot na sa Php 33,605 ang natanggap na donasyon ng One MaFIAmily nitong Mayo 24. Dagdag pa niya, buong matatanggap ng Visions of Hope Foundation ang nalikom na pera.
Bayanihan para sa mga pag-asa ng bayan
Isinalaysay rin ni Golez sa APP ang ilan sa mga isinagawang estratehiya ng kanilang organisasyon upang mahikayat ang mga indibidwal na makilahok sa kanilang inisyatiba. Ginamit nila ang social media upang maengganyo ang mga gumagamit nito na makiisa sa kanilang proyekto. “Naging katuwang ito [social media] ng One MaFIAmily upang mai-publicize ang aming mga hinandang publicity stunts at mga paraphernalia,” paglalahad ni Golez.
Nagsagawa rin sila ng tatlong aktibidad upang higit na mapalawig ang sakop ng kanilang donation drive. Tinalakay sa The World Needs Youth Webinar, na may temang Bridging the Gap through Media Information Literacy & Making a Difference Through Corporate Social Responsibility, ang kahalagahan ng pagsusuri ng impormasyon at pag-usisa sa mga gampanin ng mga kompanya upang makatulong sa pagtugon sa mga kinahaharap na suliranin ng mga pamayanan.
Pinaigting naman ang samahan ng mga kasapi ng DLSU MaFIA sa pagsasagawa ng game night na tinawag na Among the One MaFIAmily. Natunghayan din sa One MaFIAmily: Shining Lights Musical Night ang mga natatanging talento ng mga inimbitahang tagapagtanghal mula sa loob at labas ng Pamantasan, tulad ng DLSU Chorale, Ok Club, at Padlocked Music.
Ibinahagi rin ni Golez na nakaranas sila ng mga balakid sa pagsasagawa ng kanilang donation drive bunsod ng pandemya. “Nagkaroon ng limitasyon ang aming mga gawain sa kadahilanang mahirap din talaga ang online set up,” aniya. Ngunit sa kabila ng mga hamong ito, naniniwala siyang makabuluhan pa rin ang kinahinatnan ng kanilang proyekto.
Ikinatuwa naman ni Golez na makita ang pagtutulungan ng bawat isa sa kanilang organisasyon. Aniya, nakasisiguro ang DLSU MaFIA na magagalak ang bawat batang makatatanggap ng tulong mula sa kanila. Dahil higit pa sa mga nalikom nilang donasyon, bitbit din nila ang pag-asa para sa bawat isa.
Ipinabatid naman ni Golez ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga nakibahagi sa kanilang proyekto. Mensahe niya, “Nagagalak [ako] na sa kabila ng hirap na ating nararanasan ngayon. . . nasa sa atin pa rin ang magandang kaugalian ng isang Pilipino. Walang alinlangan, tumutulong, at nagbabayanihan sa oras ng pangangailan.”