OPISYAL NANG ILULUNSAD ng Student Media Office (SMO) ang seksyon ng showbiz sa lahat ng pahayagan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Abril 31. Pinangunahan ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) ang inisyatibang ito na naglalayong makapagbigay ng clout sa mga artista, startlet, at feeling starlet sa industriya ng showbiz.
Ibinahagi ni Churros Santos, direktor ng SMO, sa kaniyang panayam sa BUKAKA, ang naging proseso ng paglulunsad ng bagong seksyon. Paglalahad niya, napagkasunduan ng mga pahayagang buoin ang sekyong ito bilang tugon sa pagpapasara sa ABS-CBN na isa sa pinakamalalaking kompanyang humahawak sa mga artista.
Dagdag pa ni Santos, kinakailangan ding maging updated ng pamayanang Lasalyano tungkol sa mundo ng showbiz dahil na rin sa patuloy na pagdami ng mga influencer at rising starlet sa loob ng Pamantasan.
Pag-arangkada ng mga pakialamera
Naniniwala naman si Santos na hindi mahihirapan ang mga pahayagan na ilunsad ang seksyon ng Showbiz. Aniya, “I strongly believe na likas na tsismosa ang lahat ng members ng SMO.” Kaugnay nito, pinuri niya naman ang BUKAKA dahil sa kredibilidad at maagap na isinasagawang aksyon ng mga miyembro nito sa tuwing may lumalabas na tsaa tungkol sa mga artista, napapanahong mga chika, at kuro-kurong napulot lamang sa DLSU Freedom Wall.
Para kay Santos, ipinahihiwatig ng mga aksyong ito ang kahandaan ng Pahayagan sa pagbubukas ng bagong seksyon. “Naniniwala ako na may tenga ang lupa, may pakpak ang balita, at may screenshots ang BUKAKA,” pagmamalaki ni Santos.
Ibinunyag din ni Santos na magiging bukod-tangi ang presentasyon ng seksyong ito dahil maglalaman ito ng mga napapanahon at makabagong paraan ng pagbabalita. Kabilang sa mga paraang nasabi ang showbiz balita na magtatampok ng buhay-artista, blind items na maglalaman ng mga misteryo at tsismis, at love updates na siyang aantabay sa buhay pag-ibig ng mga artista.
Paghahanap sa dakilang Marites
Masusing pinag-aralan ng SMO at ng Student Media Council (SMC) ang magiging batayan ng pagpili sa bagong patnugot ng seksyon na ito. Bilang bagong bahagi ng mga pahayagan, malaki ang gagampanang papel ng patnugot na siyang magiging kinatawan ng mga pakialamero sa Pamantasan. Napagkasunduan ng SMO at SMC ang isang probisyon na magiging batayan ng mga ihahalal na mga bagong patnugot ng seksyon ng Showbiz. Nakapaloob sa probisyong inilabas ng SMO na nakasalalay ang pagpili sa dami at bigat ng nalalaman nitong tsismis at sa kakayahan ng radar nito na makasagap ng hot issue sa Pamantasan. “Kapag tungkol sa kabet, plus 5 points agad siya,” ani Beth Lhog, kinatawan ng SMC.
Ayon kay Dina Llego, pangalawang patnugot ng BUKAKA, naging maingat sila sa pagpapasiya ukol sa magiging kaunaunahang patnugot ng seksyon ng Showbiz, “Naging maingat kami sa pagpili kasi bilang isang tsismosa, ayoko namang i-represent ako ng kung sinong Marites lang ‘diba?”
Kaugnay nito, isinapubliko rin ng BUKAKA ang ilan sa mga inilatag nilang plano sa pagbuo ng seksyon. Maliban sa mga ibinigay na halimbawa ni Santos, maglulunsad din sila ng bahagi sa pahayagan na pinamagatang Bituing Walang Ningning. Itatampok sa bahaging ito ang buhay ng mga la ocean deep na artista, influencer na sa Tiktok at Instagram lang ang branding, at ilang mga extra sa palabas na pa-diva at daig pa ang artista.
Paiigtingin din ng Pahayagan ang kanilang presensya sa lahat ng plataporma sa social media sa tulong ng Tsismis Bilis. Saad ni Llego, magtatalaga sila ng mga korespondente ng tsimis na magbabantay sa lahat ng social media at maghahanap ng mga umaatikabong chika. Pangako naman ni Olivia Rodrigo Dutherteh, korespondente ng Tsismis Bilis, “Handa po akong magserbisyo sa ngalan ng tsimis, ngayon, bukas, at magpakailanman.”
Itatampok din sa seksyon ng Showbiz ng BUKAKA ang Lasalyano Patrol, na naglalaman ng mga showbiz updates na maiuugnay sa mga miyembro ng pamayanang Lasalyano. Kabilang dito ang pagsubaybay sa buhay ng mga artistang Lasalyano, mga estudyanteng nali-link at may kalandiang artista, mga anak ng artista, at mga nagfe-feeling artistang Lasalyano.
Pulso ng mga chismoso
Sa naging panayam ng BUKAKA sa ilang Lasalyano, ipinahayag nila ang labis na kagalakan sa pagbuo ng seksyon ng Showbiz sa mga pahayagan ng Pamantasan. “We’re truly grateful kasi ‘diba sobrang many ng mga issues around us and this will help us to be well-informed about them,” ani Karen Luneta. Nagustuhan rin ng mga estudyanteng lider ang naturang hakbang ng SMO. Ayon sa kanila, makatutulong ito upang malaman ang mga hinaing at tinatagong hinanakit ng mga Lasalyano sa kanila.
Ikinatuwa rin ng mga single sa Pamantasan ang seksyon ng Showbiz. Pagpapahayag ni Melody Cintunado ng College of Education, “Maganda rin itong oportunidad para makalandi ako at mahanap ko na si Mr. Right,” dahil naniniwala siyang mahilig din sa tsismis ang lalaking para sa kaniya. Dagdag pa ni Cintunado, “Sabi nga sa kasabihan, birds of the same feather, makes a good feather duster.”
Ipinahayag naman ni Boy Abundance, estudyante ng Communication Arts, ang kaniyang interes sa hakbang na ito ng SMO. “It’s high time that we get to have a peek of the world of untouchables. The mystery is what will fuel this Showbiz[ness], baby!” paniniwala niyang malaking kontribusyon ito sa nalugmok na kultura ng tsismis sa kampus dahil sa paglipat ng klase online.
Kaakibat nito, mas magiging madali na rin para sa mga Lasalyano ang paghagilap ng tsismis na pagkukwentuhan nila kapag academic break o easing. “Alam niyo kasi, ‘yung tsismis, form of relaxation namin ‘yan eh, parang menthol kumbaga. Hindi kami mapapakali ng wala kaming napapakialaman na buhay,” ayon kay Cintunado.
Bagamat, nabahala si Abundance sa mga isyung kaakibat ng mga maibabalitang kontrobersiya, inaasahan niyang mananatiling mulat ang mga Lasalyano sa parehong madadawit na panig. “I am hoping that the Showbiz section of our papers will produce ‘abundable’ and eye-opening discussions,” pagsasaad niyang hindi lamang dapat malimita sa katuwaan ang mga itatampok sa seksyon ng Showbiz.
Sa huli, ipinabatid ng dalawa ang kanilang buong tiwala sa SMO upang maihatid ang maiinit na balita at usapin. “Aside from spurring controversies, the SMO can use this as a medium for personalities to tell their stories,” paniniwala ni Cintunado na may kakayahan din ang balitang Showbiz na panatilihin ang buhay at kwela sa mga usaping pangkampus, lalo na’t kasalukuyang magkakahiwalay ang mga Lasalyano dahil sa pandemya.