Binuksan muli ng Star Cinema ang kanilang pintuan para sa mga nangangarap na sumikat bilang isang artista. Dahil dito, dinagsa ng 69,000 Daks Donut Supporters (DDS), kasama ang kanilang pinuno na si Pangulong Daughter T. Falfak, ang unang araw ng audition.
Pumasa si Falfak sa unang yugto pagkatapos niyang maghain ng listahan ng kaniyang mga kontribusyon sa bansa. Ilan sa mga ito ang pagpapanatili sa bansa bilang may pinakamahabang lockdown, matagumpay na pagpapabagsak ng ekonomiya, at paggamit ng mga inutang na pera para sa pagpapakasasa at pagpapakasarap, kasama ang Inter-Agency Task Force at mga senador, partikular si Senador Bong Stay. Samantala, ipinamalas naman ng Pangulo sa huling bahagi ng audition ang kaniyang husay sa pag-arte sa pamamagitan ng pagganap sa tauhan ni Popoy sa pelikulang “A Second Chance.”
Halos inaasahan ng lahat, lalo na ng mga DDS, na pasado si Falfak sa pangalawang pagsubok dahil akma sa kaniyang personalidad ang pagiging manipulative sad boi na karakter. Sa kasamaang palad, hindi siya nagtagumpay na umarteng lumuluha dahil isinaad niyang ubos na ang kaniyang luha dahil sumuko na ang kaniyang tear ducts. Dahil bigong nakapasok sa Star Cinema si Falfak, nag-trending sa social media ang mga hashtag na #KawawangSadBoi at #ComebackFalfak.
Mapait na pagtanggap
Lubos na nadismaya si Falfak sa desisyon ng Star Cinema sa kaniyang audition tape kahit magulo ang kaniyang pagpapahayag nito. Pagkukuwento ni Falfak sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), hindi niya inaasahang hindi siya papasa dahil naniniwala siyang ginawa niya ang lahat at sinigurong makatotohanan ang kaniyang mga pahayag. Dagdag niya, “Hindi ko na nga kailangan ng training sa dami kong sinabi sa telebisyon, siguro ‘di nila alam ang totoong talent. Ipagdadasal ko na lang sila.”
Nananalig si Falfak na maihahambing ang kaniyang pag-arte sa kakayahan ni Coco Martin ng FPJ’s Ang Probinsyano. Aniya, sakaling hindi inagaw ni Stay ang kaniyang eksena sa isang live telecast, nakita sana ng Star Cinema ang kaniyang mala-Cardo Dalisay na mga galawan.
Gayunpaman, biglang sinabi ni Falfak na naiintindihan niya ang desisyon ng Star Cinema. Aniya, “Baka nga hindi pa ako ready, baka kailangan mag-workshop ako kasi puro serious roles lang pinapakita ko sa TV.” Bunsod nito, pinaplano niyang sumali sa drama club upang lumawak ang kaniyang kaalaman sa larangan ng pag-arte.
Ngunit, sa dulo ng panayam, hindi makapaniwala si Falfak sa kaniyang kapalaran. “P*******a lang bakit hindi nila ako tinaggap, mga ga** sila. Huwag nila akong lokohin, makatikim sila sa’kin,” pagdidiin niya. Dahil dito, kasalukuyang iniimbestigahan ng grupo ni Falfak ang Star Cinema upang alamin kung may anomalyang naganap.
Walang katapusang pagpapanggap
Bunga ng hindi pagkilala ng Star Cinema sa talento ni Falfak, ipinahayag ng kaniyang mga tagasuporta ang kanilang pagkadismaya. Nag-aklas ang mga DDS sa pamamagitan ng hindi paggamit ng kanilang mga CBN-ABS TV plus at pagtigil sa pagsubaybay sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Sa eksklusibong panayam ng BUKAKA kay Presidential Spokesperson Harrynola, numero unong tagahanga ni Falfak, wala siyang nakikitang anomang rason upang hindi bigyan ng pagkakataon si Falfak na umarte at magkaroon ng sariling pelikula. Aniya, “May sapat nang karanasan ang Presidente na maging artista lalo na’t apat na taon na siyang nagpapanggap bilang isang mahusay na lider.”
Dagdag ni Harrynola, natatangi si Falfak sapagkat siya lamang ang may kakayahang gampanan ang papel ng pagiging isang pinuno at pagiging tuta. May kakayahan siyang magpanggap na maging bulag at manhid sa mga pangyayari sa kaniyang paligid.
Ayon naman sa panayam ng BUKAKA kay Melktea Santos, isang DDS at lider ng Falfak Nation PH, sabik silang makitang gumanap ang Pangulo bilang isang manipulative sad boi sa isang pelikula. Giit niya, susuportahan ng libo-libong DDS ang Star Cinema kung magpapalabas sila ng pelikula tungkol sa pagmamakaawa ni Falfak, lalo na noong nawala siya nang parang bula.
Puro satsat at kabulastugan
“We regret accepting him [Pangulong Falfak] on the first screening palang,” diin ni Olive Lam-Asan, managing director ng Star Cinema, sa isang panayam ng BUKAKA. Dagdag ni Lam-Asan, sa unang yugto lang magaling si Falfak. Hindi umano totoo ang ipinakita niyang résumé.
“Sabi niya sa amin during Star Hunt auditions, kayang-kaya niya raw na gampanan ang role ni Popoy. He even showed us clips of his Presidential announcements. We really thought we found the best actor for the role pero pinaglaruan lang kami,” paliwanag ni Lam-Asan.
Lumabas umano ang tunay na kulay ni Falfak habang ginagawa ang mga eksena sa “A Second Chance.” Ayon sa isang panayam ng BUKAKA kay Katie Sarcia-Molins, director ng nasabing pelikula, mahirap katrabaho si Falfak. Bukod sa palagi siyang nawawala sa taping nang walang paalam, hindi rin daw niya magampanan nang maayos ang kaniyang tungkulin.
Dahil sa palpak na pagganap ni Falfak, naging madali lang para kay Sarcia-Molins na hindi na siya papasukin sa pangalawang yugto ng Star Hunt. Nagsisisi ang direktor dahil nadala siya sa mga sinabi ni Falfak.
Nalaman at napikon naman si Falfak sa mga komento ng ahensya. Bunsod nito, pinagpasyahan niyang ipasara ang CBN-ABS kahit alam niyang maraming Pilipino ang maaapektuhan nito. Nagpadala si Falfak sa kaniyang emosyon at isinaalang-alang na lamang niya ang ikabubuti ng kaniyang sariling interes. Pinatunayan lamang ni Falfak na hindi siya handang tumanggap ng mga komentong maaaring makatulong sa kaniya upang malinang ang kaniyang kakayahan.
Sa kasalukuyan, wala pang nakahain na proyekto si Falfak at nililibang na lamang niya ang kaniyang sarili sa golfing at motorcycle riding. Dismayado man ang mga DDS, ipinangako nilang kasama nila si Falfak sa anomang gagawin nito kahit na patuloy na ipinakikita ni Falfak na palpak siya sa kaniyang mga ginagawa.