Musika ang init na bumabalot sa atin at nagpapaliyab sa ating mga puso sa mga emosyong kagaya ng kasiyahan, kalungkutan, at pagmamahal. Sa mga panahon namang masyado nang malamig at magulo ang tunay na mundo, nagsisilbing kanlungan ang musika na maaaring pansamantalang mapagpahingahan. Gayunpaman, ang musika rin ang paminsang malamig na tubig na gumigising sa atin sa reyalidad. Kagaya ng lahat ng sining, may kakayahan itong pumukaw ng diwa at magmulat ukol sa mga isyung panlipunan.
Gamit ang musika, ipinagdiwang ng UP Babaylan ang International Day Against Homophobia, Biphobia, Intersexphobia, and Transphobia (IDAHOBIT) 2021, sa pamamagitan ng isang benefit concert na pinamagatang Here for Queers: Benefit Concert. Ang Golden Gays mula sa Lungsod ng Pasay ang napiling benepisyaryo ng organisasyon, sapagkat layon nilang tulungan ang mga nangangailangang miyembro ng komunidad ng LGBTQ+ na nasa punto na ng dapithapon. Idinaos ang nasabing konsyerto noong Mayo 22, ika-8 ng gabi.
Makulay na kumpas
Lakasan ang bolyum ng mga tugtog, at sumabay sa indayog ng musika. Ipikit ang mga mata at panandaliang dumako sa katahimikan. Alalahanin ang mga naging biktima, saka mamulat sa mga karahasan, at sama-samang kumawala sa nakasanayan.
Magkahalong musika at panawagan ang pinaigting sa idinaos na benefit concert ng UP Babaylan. Mula sa pag-alala kina Ebeng Mayor at Junjie Bangkiao na pawang mga queer na naging biktima ng karahasan kamakailan lamang, hanggang sa usapin ng patuloy na paglaban para sa SOGIE Equality Bill, pati na rin ang panawagan para sa mas maayos na plano ng gobyerno ukol sa pandemya — ginamit ng UP Babaylan at ng mga dumalo mula sa komunidad ng LGBTQ+ ang musika upang ipaglaban ang karapatang pantao at isulong ang pagkakapantay-pantay ng lahat.
Makabuluhang pagpapakita ng angking talento ng queer artists ang naganap sa Here for Queers: Benefit Concert, sapagkat ipinamalas din nila sa lahat ang kulay na tinataglay ng kanilang identidad at mga kuwento. Sa pamamagitan ng mga liriko at tono, ikinuwento ng mga queer artist ang kanilang mga istorya ng pagmamahal, pagkabigo, at pagiging totoo sa kanilang sarili.
Isa sa mga queer artist na nagtanghal ng isang makahulugang kanta si Ela Figura, singer at songwriter mula sa Lungsod ng Cagayan De Oro, na isa ring estudyante sa UP Theater Arts. Kinanta niya ang kaniyang orihinal na komposisyong pinamagatang Free Spirit, na kaniya umanong isinulat noong mapagtanto niyang isa siyang bisexual nang kaniyang maranasang magkagusto sa isang babaeng hindi interesado sa kaniya. Sa bawat kalabit ng mga istring at bawat lirikong kaniyang binibitawan, madadama ang pagmamahal at sakit na kaniyang naranasan.
Maliban sa pagkanta, ipinamalas din ng mga queer artist ang kanilang galing sa iba’t ibang uri ng sining. Nanguna na rito ang drag queens na sina Vivi Cee at Mrs. Tan na nagtanghal sa pamamagitan ng pag-lip sync na tunay namang ikinahumaling ng mga manonood. Gamit ang makukulay na kolorete at kanilang talento, naitawid ng mga drag queen ang mensahe ng ingklusyon at pangangalampag para sa pagkakapantay-pantay ng lahat.
Subalit hindi naman nag-iisa ang komunidad sa pagsulong sa mas progresibo at ingklusibong lipunan. Katuwang nila sa kanilang mga panawagan ang mga kilalang personalidad kagaya nina Bise Presidente Leni Robredo at Senador Risa Hontiveros. Sa mensahe ng pakikiisa ni Bise Presidente Robredo, isinalaysay niya na malayo na ang narating ng komunidad ng LGBTQ+ at kanilang allies sa laban para sa pagkakapantay-pantay—samakatuwid, marami nang mga miyembro ng LGBTQ+ ang nagpupunyagi sa iba’t ibang larangan. Gayunpaman, kaniya ring nilinaw na marami pa ring kailangang gawin at pagtuunan ng pansin ukol dito, sapagkat hanggang ngayo’y may kinakalaban pa ring diskriminasyon at estigma kahit sa pagiging parte lamang ng komunidad ng LGBTQ+. Paalala niya, kinakailangang sumulong tayo para sa isang lipunang hindi lamang tatanggapin ang mga LGBTQ+ para sa kanilang makubuluhang ambag, kundi isang lipunang yayakap sa kanila bilang mga kapwa-tao.
Para naman kay Senador Hontiveros, “Napakahalaga ng pagkakapantay-pantay kaya natin ito ipinaglalaban.” Pinaalingawngaw niya ang panawagan sa pagpapasa ng SOGIE Equality Bill, sapagkat mas kinakailangan ito lalo na ngayong may pandemya. Binigyang-diin din niya na “dapat makita ng lahat kung gaano katingkad ang bahaghari, kung gaano kaganda ang mga babaylan.”
Dagdag-paalala pa ni Sen. Hontiveros, “Remember that the fight for women’s rights also paved the way for an important conversation on SOGIE.” Kaya naman nararapat na sama-sama ang bawat isa sa martsa tungo sa pagkakapantay-pantay. Hindi man tayo ipinagbubuklod ng ating sekswalidad o pagkatao, ang pagpapakatao pa rin ang siyang nararapat na humihimok sa atin.
Ginto sa dulo ng bahaghari
Makulay ang mga kuwento’t identidad ng mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+, subalit hanggang ngayo’y patuloy pa rin silang ipinipilit pagkasyahin sa kahon ng dalawang kasarian at sekswalidad lamang. Diskriminasyon, pangungutya, pagbabawal umibig, at pagpatay—napakaraming balakid na kinahaharap ng komunidad para sa inaasam nilang kalayaan. Hindi man maipagkakaila na mas natatanggap na ng mga tao ngayon ang malawak na ispektrum ng sekswalidad, kinakailangan pa rin ang kolektibong pagkilos at pagsulong para sa tunay na pagkakapantay-pantay.
Paalala ni Robredo, “Hanggang may batang natatakot magpakatotoo sa sarili dahil sa panghuhusga, hanggang may anak na hindi matanggap ng magulang dahil sa kanyang kasarian, hanggang may mga estudyanteng tinutukso ng mga kaklase dahil naiiba siya sa kanila, hanggang may nababastos sa kalsada man o sa palikuran, sa opisina o paaralan, at hanggang may hindi malayang nakakapili ng mamahalin, kasama niyo kaming mamartsa.”
Idaan man muli sa himig o sa pagsigaw bilang protesta, hanggang may sumusulong at lumalaban, darating din ang araw na wala nang matatakot magpakatotoo sa sarili. Darating din ang panahon na malayang maiwawagayway ang makulay na bahagharing watawat, kasabay ang malakas at malayang pagsigaw ng “Mabuhay ang mga bakla, mabuhay ang mga babaylan.”