PINAIGTING ng OUTLIVE 2021 ang pagbibigay-inspirasyon sa kabataan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tatlong serye ng webinar at panel discussion na nakasentro sa temang Reimagine a Future Worth Living, Mayo 7, 14, at 21.
Inorganisa ng EXCEL2022 ang naturang programa na may layuning, “To highlight the values, practices, and mindset of distinguished Filipino leaders in their respective fields while inspiring Lasallians to discover their purpose, pursue a meaningful career, and impact the world for the better.”
Pag-abot sa minimithing pangarap
Bilang pagbubukas ng proyekto, ibinahagi ni Angeline Trinidad, Project Head ng OUTLIVE 2021, ang hangarin ng organisasyong makapagbigay-inspirasyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga makabuluhang webinar. Aniya, “Our goal for this initiative is to provide inspiration and encouragement to Lasallians and of course people beyond our university to fulfill their desired paths and live a legacy in their own time, their own pace, and their own unique ways.”
Sa unang webinar na pinamagatang Sustainability in the Industry Field, inimbitahang tagapagsalita si Elmer Relente, tagapagtatag ng Anpilo Farm, na tumalakay sa kaniyang naging karanasan sa iba’t ibang larangan sa kinabibilangang industriya. Marami mang naging karanasan si Relente sa kaniyang paglipat sa iba’t ibang propesyon, naniniwala siyang hindi pa niya nararanasan ang lahat. Pagbibigay-diin niya, “I believe that there’s a lot of things to do and a lot of things to learn, not only doing business but also in handling life.”
Kasunod namang ibinahagi ni Relente ang paglalakbay nilang mag-asawa sa pagsabak sa industriya ng pagsasaka hanggang sa maitatag ang Anpilo Farm. Sa kanilang pagtatrabaho bilang magsasaka, namulat ang mag-asawa sa iba’t ibang suliranin na kinakaharap ng industriya: kawalan ng edukasyon ng mga magsasaka, pag-angkat ng mga fertilizer mula sa ibang bansa, kakapusan ng imprastraktura sa bansa, at global warming.
Batid ng mag-asawa ang paghihirap na dinaranas ng magsasaka buhat ng mga nasabing suliranin kaya napagdesisyunan nilang umalalay sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbubuo ng mga programa. Sa pagbuo ng mga ito, isinaalang-alang ni Relente ang tinatawag niyang 5Ps: Pangarap, Pag-aaral, Pagsusumikap, Pagbabahagi, at Panalangin. Saad niya, “Remember the 5Ps, and I think this will guide you through, regardless of what careers you are going to choose or what profession you’re going to.”
Impluwensiya ng ibang perspektiba
Tinalakay sa ikalawang serye ng webinar ang temang Legacy Building from the Lens of an NGO Officer. Ibinahagi ni Lauren Morada, Batch Vice President ng EXCEL 2022, na layunin ng bawat isinagawa nilang webinar na bigyang-impluwensiya ang mga manonood na mahanap ang tamang landas para sa kanila at magkaroon ng legasiya mula rito. Sipi ni Morada mula kay Mike Crump, “What we are most passionate about becomes our legacy.”
Inilahad naman ni Daniella Pedrosa, Project Head ng Project Pulo, ang kaniyang karanasan sa pagbuo ng isang proyektong nagsusulong ng climate resiliency. Pagpapalawig pa niya sa adbokasiya ng nasabing inisyatiba, “[Project Pulo aims] to localize climate change solutions to create self-sustaining and climate resilient communities.”
Ipinaliwanag din ni Pedrosa na nais nilang makagawa ng proyektong nakatuon sa pagbuo ng mga solusyon sa pamamagitan ng mas malalim na pag-aaral sa iba’t ibang perspektiba ng kultura, komunidad, at agham. Dagdag pa niya, pabahay at industriya ng pagkain ang pangunahing pokus ng kanilang proyekto dahil ito palagi ang apektado ng climate change at bagyo.
“I don’t want to have created something that didn’t last, to live out to produce something good, even if our intentions were to make sure it did so,” pagbabahagi ni Pedrosa ukol sa pagbuo ng sariling legasiya sa pamamagitan ng kaniyang inisyatiba.
Kaugnay nito, nagbigay rin ng payo si Pedrosa sa mga manonood. Pagdidiin niya, “Never let fear stop you from pursuing something great and something that feels beyond you because nothing ever truly is. Never take the world as it is just in your mind, seek to understand it beyond what you know and what you are comfortable with.”
Kontribusyon ng kabataan
Binigyang-pansin naman sa ikatlong serye ng webinar na pinamagatang Role of Youth in Nation Building and Responsible Governance ang gampanin ng kabataan sa pagpapabuti ng kasalukuyang sitwasyon ng lipunan at pagpapaigting ng responsableng pamamahala.
Pahayag ni Martin Regulano, Batch President ng EXCEL2022, para sa pambungad na pananalita, “From all the injustices around us, it is now more than ever that we, the youth, should start being vocal and more engaged on how we can contribute to the betterment of our country.”
Ipinabatid naman ni Sen. Nancy Binay ang kahalagahan ng paggamit ng edukasyon at kaalaman sa pagsulong ng pagbabago. Sambit niya, “All that you have learned. . . is meant to be applied to the problems people face in ordinary and even extraordinary times.”
Ayon pa kay Binay, “One does not need to enter public service in order to inspire change.” Ginamit din niya ang community pantry bilang halimbawa nito. “[Community pantry] shows us how small ripples of kindness can usher in a flood of goodwill and joy that can sweep a nation,” wika niya.
Sa kabilang banda, tinalakay naman ni Samira Gutoc, Civic Leader ng Marawi, ang posibleng maging kontribusyon ng kabataan sa gitna ng krisis na dala ng pandemya. Paniniwala niya, “[Youth has] the creative sense that you can respond to a situation.”
Kaugnay nito, ipinunto ni Gutoc ang kahalagahan ng paggamit ng kakayahan ng kabataan sa teknolohiya para maipakalat ang mahahalagang impormasyon lalo na ngayong pandemya. Dagdag pa niya, “Make sure the person you’re targeting amidst the flood of information is able to hear your information.”
Bukod pa rito, binigyang-tuon ni Gutoc ang iba pang maaaring gawin ng kabataan upang makatulong sa lipunan ngayong may pandemya. Una niyang binanggit ang simpleng pagsunod sa mga polisiya ng World Health Organization o ng Department of Health.
Binigyang-halaga rin ni Gutoc ang pagpapalawig sa kamalayan ng sariling pamilya, kaibigan, at mga komunidad. Paglalahad pa niya, “Let’s educate, let’s stop the hate.” Tinukoy rin niya ang pagboboluntaryo sa komunidad at pagbibigay ng donasyon bilang paraan ng pagtulong, at ipinarating ang kahalagahan ng pagpapanagot sa mga lider ng bansa sa kanilang tungkulin upang matugunan ang mga pangangailangan ng lipunan.
Sa huli, ipinaliwanag ni Gutoc ang paraan ng pagpapayabong sa kakayahan ng kabataan bilang isang lider. “Crisis leadership is definitely collective individual leadership by each one of us taking care of our households, our sisters, our families, our friends, discriminated sectors, people who can’t have the luxury of typing out, of zooming in,” aniya.