MAPANURI, mapagmatyag, at mapangahas—ganyan mailalarawan ni De La Salle University (DLSU) National Service Training Program (NSTP) Coordinator Barda Gulan ang mga estudyanteng nabibilang sa bagong pangkat ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) ngayong akademikong taon 2020-2021.
Sa programang ROTC ng DLSU, binibigyan ng oportunidad ang mga kadete na humawak ng armas at mag-ensayo sa Philippine Navy Base. Subalit, dahil sa pandemya, napilitan ang Pamantasan na maglunsad ng panibagong programa para sa ROTC sa pamamagitan ng larong Call of Duty Mobile (CODM), bilang pamalit sa nakasanayang pag-eensayo at paraan ng pagkatuto ng mga kadete sa military training.
Paglipat sa modernong pamamaraan
Tibay ng puso at tatag ng kalamnan—ito ang mga dapat na taglayin ng mga mag-aaral na sumasali sa ROTC. Hindi man lubos na magagamay ng mag-aaral ang kasanayang pangmilitar dahil sa kawalan ng pisikal na kagamitan, nananatili pa rin ang diwa ng programa sa panahon ng new normal. “The country needs men and women that can fight. However, with the pandemic, we need to change our ways,” ani ROTC Commander Pan Omonasabee sa kaniyang panayam sa Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA).
Kabilang sa mga pagbabagong gagawin sa programa ang pagpapalit sa close order drills. Noong face-to-face, sumisigaw dati ng “harap sa kaliwa, rap” ang lider upang bumaling ang katawan ng mga kadete sa kaliwa. Ngayon, sa CODM, kinakailangan na lamang nilang ilipat ang kanilang paningin sa kaliwa. Magsisilbing pamalit naman sa pagpupugay-kamay ang pag-emote o pagsayaw ng mga karakter sa laro.
Hahatiin ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga platun tulad ng nakasanayan sa ROTC. Dito magsasanay ang mga kadete para sa mga labanang isasagawa tuwing Sabado. Para kay Omanasabee, mahuhubog umano ang konsepto ng teamwork sa mga Lasalyano dahil kailangan nilang ipaalam kung ano ang lokasyon nila, kung kailangan nila ng tulong, at kung anong tungkulin ang kailangan nila sa para sa laban.
Magkakaroon din ng merit system sa ROTC-CODM para sa mga hindi pangkaraniwang kaganapan sa laro tulad ng ace at clutch play. Ayon kay Kapitan Tananan Ditoako, sinama nila ito sa programa para mas maengganyo ang mga kadete na paghusayan pa ang paglalaro ng CODM. Sa pamamagitan nito, maaari umano nilang magamit ang kanilang natutunan sa laro sakaling naisin nilang sumali sa sandatahang lakas.
Benepisyong hatid ng ROTC-CODM
Hindi maipagkakaila na maraming benepisyong hatid ang pakikilahok sa iba’t ibang pagsasanay ng ROTC-CODM. Sa panayam ng BUKAKA kay Cheri Fer, isang ID 120 na estudyante ng ROTC, nasisiyahan siya dahil nakita niya na naglaan ng maraming oras ang DLSU para sa pagtutuloy ng programang ROTC sa pamamagitan ng CODM. Bukod pa rito, kilig overload din si Fer sapagkat sa pamamagitan ng ROTC-CODM, nakilala niya ang kaniyang jowa na si Gro Wee nang isinalba at binuhat niya ito habang naglalaro sila ng battle royale mode sa CODM.
Natutuwa naman si DLSU NSTP director Katrin Pastillo sa maagang transisyon ng ROTC sa paggamit ng CODM. Ayon sa kaniya, ipinakikita ng bawat kalahok ang kanilang pagmamahal sa bayan at dedikasyon sa pagtulong sa bansa tuwing bakbakan. Ibinahagi rin niyang malaki ang naging ambag ng unang pagsubok ng ROTC-CODM dahil sinasanay nito ang mga estudyante sa paggamit ng baril sa mga sagupaan at tinuturuan silang sugpuin ang ibang kalahok upang makuha ang unang pwesto sa laro.
Matapos marinig ang pahayag ni Pastillo ukol sa naganap na unang pagsubok ng ROTC-CODM exercises, tila naguluhan at nataranta naman si Tonino Parkado mula sa panig ng militar. Naglabas agad ng saloobin si Parkado at walang habas na ni-red-tag ang mga estudyante ng Pamantasan. Kinondena naman ito kaagad ng DLSU at ipinahayag na nakatuon sa pagtatanggol at pagmamahal sa bayan ang mga programang ipinatutupad nito at hindi ito isinasagawa upang maghasik ng anomang klase ng terorismo.
Sa patuloy na pagdating ng mga hamong dulot ng pandemya, dumami ang pagbabago sa proseso ng paghahatid ng ROTC sa DLSU. Sa kabila nito, may pagsubok mang napagdaanan ang unibersidad sa pag-implementa nito, hindi hinayaan ng Pamantasan na hadlangan nito ang pagpapatuloy ng programa. Kaya naman, inaanyayahan ni Pastillo ang pamayanang Lasalyano na mag-enlist sa ROTC para dumami rin ang CODM gamers sa Pamantasan sa susunod na termino.