IBINUNYAG ng AcadVENGERS sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) ang resulta ng isinagawa nitong pag-iimbestiga sa mga propesor na lumabag sa panuntunan ng Academic Easing, Abril 13.
Ilang araw pa lamang matapos itatag, inulan na agad ng sumbong ang AcadVENGERS, isang organisasyong naglalayong iwaksi ang anomang uri ng pang-aapi pagdating sa akademiya ng mga Lasalyano, kagaya ng mga kasong plagiarism at sobra-sobrang pagbibigay ng gawain mula sa mga propesor.
Ayon sa presidente nitong si Taiga Himuth, agarang nagpulong ang lupon ng AcadVENGERS para sa ilulunsad nilang aksyon. Aniya, “Busy talaga kami mag-finalize ng papeles ng AcadVENGERS pero binuksan pa rin namin ang pagtanggap ng entries kasi inasahan naming kakayanin ito ng mga bakanteng miyembro. . . hanggang sa natambakan kami.”
Academic (t)easing
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa, hindi lamang pisikal na kalusugan ng mga estudyante ang apektado kundi pati na rin ang kanilang pag-aaral. Bunsod nito, muling isinulong ng University Student Government ang panukalang academic break na tinugunan ng administrasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng academic easing.
Kaugnay nito, nagsagawa ng live survey ang AcadVENGERS na naglalayong mangalap ng tugon ng mga estudyante hinggil sa pagiging epektibo ng academic easing para sa kanila. Upang makasali, kinailangan ng mga respondenteng magpadala ng kahit anong tiktok entry kalakip ng kanilang mga hinaing.
Isa sa mga respondente ng live survey si Layla Faramis, 117 BS Mobile Legend (BSML), na nagpahayag ng lubos na academic burnout. Aniya, nauumay na siya sa academic easing ng Pamantasan dahil hindi naman ito sinusunod ng makukulit na propesor. “I’m very stressed with my ranked games, pati ba naman in my acads, defeat?” hinaing ni Faramis.
Pagpapatuloy ni Faramis, itinutuon niya na lamang ang kaniyang bakanteng oras sa pagninilay-nilay at paglalaro ng mobile games tulad ng Acads for Kill. Para naman kay Lapu-Lapu Thamuz, 119 BSML, nagkakaroon siya ng urge na magsabi ng masasamang words dahil sa paulit-ulit na paglabag ng mga propesor at sa hindi kaaya-ayang tugon ng administrasyon sa panawagang academic break.
Pagsala sa mga maysala
Nagsimula ang imbestigasyon sa pangangalap ng reklamo gamit ang sarbey na inilunsad ng AcadVENGERS. Hiniling din ng organisasyon sa isinagawang sarbey na maglakip ng mga ebidensya o anomang katibayang magpapatunay ng paglabag.
Umabot sa labindalawa ang bilang ng mga inireklamong propesor. Napatunayang lumabag ang pito sa kanila habang lima ang patuloy na iniimbestigahan dahil sa kakulangan ng ebidensya. Kapansin-pansin naman ang tatlong propesor na may daan-daang natanggap na reklamo.
Pagsisiwalat naman ng isang mag-aaral na itago natin sa pangalang Chang’e Ngot, 120 BSML, hinikayat niya ang kaniyang mga kaklase na i-mass report ang kanilang propesor. Aniya, “Lahat talaga kami, we felt so annoyed, like imagine, 7:30AM deadline so pasok sa announcement pero ‘di pa rin namo-move ang deadline. Na-stress kami nang bongga sa Twitter.”
Namedrop at face reveal
Naglakas-loob naman ang tatlong propesor na linisin ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng pakikipanayam sa BUKAKA. Nanindigan si Lesley Baxia, isa sa mga propesor, sa kaniyang pananaw sa pagsasagawa ng synchronous na klase sa kabila ng academic easing sa Pamantasan. Wika niya, “Hindi na nga ako nakahabol sa last minute 4.4 sale sa shopee kaka-check ng assignments ng mga estudyante ko. Biruin mo mas marami pang pending sumbong ang nasa cart ko kaysa orders.”
Paliwanag naman ni Karl Baryo, isa rin sa mga propesor na isinuplong, hindi kaagad naging malinaw ang paglalabas ng panuntunan kaya minabuti na lamang niyang ipagpatuloy ang kaniyang mga klase sa kabila ng pagpapatupad ng academic easing. “No choice kami but to follow the academic calendar kasi hindi naman ‘to babaguhin. Napa-Ruffa Mae Quinto na lang kami na go lang nang go sa klase kaya ayon ligwak, kami ang sumalo ng reklamo ng students. ”
Nanindigan naman si Aldous Johnson, isa sa mga akusadong propesor, na hindi niya babaguhin ang mga itinakda niyang deadline sa mga aktibidad sa kaniyang klase sa AnimoSpace. Dagdag pa niya, kahibangan lamang ang mungkahing academic easing dahil maaari namang magpasa ng Leave of Absence (LOA) ang mga estudyanteng nais magpahinga at hindi kayang tumuloy sa online class.
Sa kabila nito, ipinahayag ng ilang estudyante ang kanilang saloobin hinggil sa pagmumungkahi ng administrasyon ukol sa paghahain ng LOA sa halip na pagbibigay ng academic break. Mula sa tweet ng isang Lasalyano, “Pagod na kaming magmukhang tanga, pagod na kaming mapag-iwanan. #NoStudentLeftBehind.”
Hanggang ngayon, wala pa ring nakukuhang tugon ang BUKAKA mula sa apat pang propesor na napatunayang lumabag din sa academic easing. Sa kabilang banda, hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag ang administrasyon upang linawin ang isyung ito.
Binigyang-diin naman ng AcadVENGERS na bagamat may ilang mga propesor ang kumilos batay sa kanilang paniniwala at danas, mayroon din namang ilan na bunga lamang ng hindi sinasadyang pangyayari.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng mga Lasalyano sa social media para sa mungkahing academic break. Umaasa pa rin ang mga mag-aaral ng Pamantasan na mapakikinggan ang kanilang hinaing dahil nangangailangan ang lahat ng pahinga bunsod ng mga nangyayari sa bansa.