Pagtutulungan ng iba’t ibang sektor pagkatapos ng pandemya, pinaigting sa ika-7 De La Salle – Model United Nations


NAGKAISA ang mahigit-kumulang 350 mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan mula Pilipinas, Japan, at Indonesia, sa ika-7 De La Salle Model United Nations (DLSMUN) na inilunsad ng De La Salle – Model United Nations Society (DLS-MUNSoc), mula Marso 20 hanggang Mayo 9, sa temang “Utilizing Multidisciplinary Mediums Towards Global Coordination in the Post-pandemic Society.” Layon nitong pangunahan ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor pagkatapos ng pandemya sa pamamagitan ng isang pang-akademiyang simulasyon ng United Nations. 

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ipinabatid ni Francesca Castro, Secretary-General ng DLSMUN, ang kahalagahan ng pagkakaisa upang masolusyonan ang mga pandaigdigang isyu. Wika niya, “Having the first international online MUN Conference in the Philippines allows the participants to. . . collaborate with people from around the world. . . and develop inclusivity in creating resolutions to global issues.”

Dagdag pa ni Gio Almonte, Director General ng DLSMUN, tinagurian ang naturang programa bilang pinakamalaking MUN conference, hindi lamang sa kasaysayan ng DLSMUN kundi sa buong Pilipinas.

Pagtugon sa hamon ng online setting 

Ibinahagi ni Audrey Garin, Deputy Secretary-General ng DLSMUN, na nagkaroon din sila ng mga problema sa pag-oorganisa ng kanilang programa, tulad ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga miyembro, katuwang, at delegado, pagsasaayos ng mga proseso, at pagpaplano ng mga gawain. 

Inilahad naman ni Rasheed Nono, Chief of Staff, na nakaangkla ang DLSMUN sa debate at konsensus subalit naging limitado ang interaksyon sa online kompara noong face-to-face. Sa kabila nito, nagawa nilang i-angkop sa online ang programa sa pamamagitan ng pagkuha ng opinyon ng mga delegado.

Dagdag naman ni Almonte, nagsimula na sila sa pagpaplano noong Setyembre pa lamang. Mula apat na katao, umabot sa 50 katao ang mga kalahok ng kanilang Central Committee upang ilunsad ang proyekto. Nakipag-ugnayan din sila sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang plataporma tulad ng Discord, Telegram, at Zoom.

Sa kabila ng mga hamong ito, ipinagmalaki ni Almonte ang pagtaas ng bilang ng mga kalahok mula sa high school at kolehiyo. Binanggit din niyang ikinatutuwa ng kanilang organisasyon ang paglahok ng ilang mga delegado mula Visayas, Mindanao, at iba pang bansa. Dagdag pa niya, naimbitahan din nila ang ilang mga kilalang speaker mula sa mga nangungunang business organization at sa gobyerno, tulad ni Atty. Chel Diokno.

Bukod sa main conference, binanggit din ni Nono na nagsagawa sila ng mga panel discussion para sa bawat komite ng kanilang programa upang mapalawak ang diskusyon ng mga ideya ng kanilang mga delegado. Maaari din umano itong maakses sa Facebook page ng kanilang organisasyon. Bukod pa rito, nagawa rin nilang makapaglunsad ng Mobile Legends Fundraiser at game night.

Gampanin ng kabataan sa lipunan

Tinalakay sa serye ng mga panel discussion ang mga problemang kinahaharap ngayong pandemya sa iba’t ibang perspektiba ng mga ahensya ng United Nations. Kabilang dito ang Food and Agriculture Organization, United Nations Conference on Trade and Development, United Nations Human Rights Council, United Nations Environment Programme, United Nations Security Council, at World Health Organization. Matapos nito, naghain ng kani-kanilang suhestiyon ang mga delegado sa isang plenary discussion para tugunan ang pandemya.

Sa pangwakas na pananalita, binati ni Almonte ang mga delegado sa kanilang mga nabuong solusyon sa kabila ng hamon ng pandemya. Binigyang-diin din niya ang papel ng mga delegado sa pagbuo ng multidisciplinary partnership. Aniya, “As delegates, you have strived to be the voices of those who lack it, the shield of those who need it and the soul that the world today needs.“

Ibinahagi naman ni Castro sa panayam ng APP na hinihikayat ng DLS-MUNSoc ang mga kalahok na mag-isip at makipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang mabigyang-kasagutan ang mga problemang kinahaharap sa kasalukuyan. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan upang mapanatili ang balanse sa gawaing pang-ekonomiya at kapaligiran. Aniya, “It will prove that we, the youth, can create realistic solutions to realistic problems.”

Ipinahayag naman ni Garin ang kagustuhan ng organisasyong maitatak sa isip ng mga kalahok na maaaring mag-umpisa ng isang diyalogo sa kabila ng hamong hatid ng pandemya. Ayon kay Garin, naipakita ng programa ang kakayahan ng kabataang makaisip ng paraan para solusyonan ang mga isyung laganap sa lipunan. Pagtatapos niya, “Kaya nating makilahok para tulungan ang sarili natin at maging ang mga nakatatandang nasa posisyon at may kakayahang pagserbisyuhan ang bawat tao sa ating mundo.”