Gampanin ng kabataan sa politika, binigyang-tuon sa Frosh Start: Bayan Mo, Ipaglaban Mo


TINALAKAY sa Frosh Start: Bayan Mo, Ipaglaban Mo ang ginagampanang responsibilidad ng kabataan sa pakikilahok sa politika at pagbabago sa hinaharap ng Pilipinas, Mayo 18. Bahagi ang programang ito ng Frosh Welcoming Week para sa mga ID 120 mula sa College of Liberal Arts (CLA) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na hatid ng Arts College Government (ACG), katuwang ang DLSU FAST 2020.

Ipinahayag ni ACG President Rai Nivales sa kaniyang pambungad na talumpati ang papel na mayroon ang kabataan sa pagpili ng mga susunod na mamumuno ng bansa at ang hangarin ng ACG na makapaghatid ng kaalaman tungkol dito sa pamamagitan ng nasabing inisyatiba. “[May this] serve as a learning experience [and] not only apply this to oneself but impart it to other people who may need it as well,” wika niya.

Kapangyarihan ng pakikiisa

Pinangunahan ni Engr. Randy Cacho, program manager ng Greater Electoral Integrity (Participate) Program, ang talakayan. Nilinaw niyang sa batas ng Pilipinas, sinasaklaw ng terminong “youth” ang mga Pilipinong may edad na 15 hanggang 30 anyos. “We are deemed more responsible [for] our actions… which could make an impact on our country,” pagpapaliwanag niya tungkol sa panahong ito.

Ibinahagi ni Cacho na tinatayang aabot sa limang milyon ang bilang ng mga bagong rehistradong botante para sa darating na halalan at magmumula sa kabataan ang karamihan dito. “The 5 million… can dictate the outcomes of the 2022 elections,” paglalahad niya.

Binigyang-diin din ni Cacho ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataan sa usaping panlipunan sapagkat nagbibigay sila ng kontribusyon sa diwa ng demokrasya. Ipinahayag niyang nakatutulong ang paghahandog nila ng mga inobatibong pananaw at panibagong perspektiba sa paglaya ng masa mula sa kahon ng tradisyonal na politika.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Cacho na maraming hamong kinahaharap sa kasalukuyang sistema ng politika kaya nawawalan ng interes ang kabataan na makilahok dito. Ilan na rito ang edukasyong pambotante na hindi tumutugon sa pangangailangan ng masa, ang limitadong akses dito dulot ng kakulangan ng paghahatid nito sa mga lokal na wika, at ang mga isyu sa internet at teknolohiya lalo na sa panahon ng pandemya.

Inilista rin niya sa mga nabanggit na suliranin ang kapos na mapagkukunan ng kalidad at totoong impormasyon, at pati na rin ang kaisipang “Politics is evil.” Ibinahagi naman ni Cacho na maraming maaaring gawin upang maresolba ito at hindi ito dapat makahadlang. Pahayag niya, “Imagine the youth dito sa Pilipinas actually take part, register, and participate in the 2022 elections, maybe we can do something… we can change something.”

Kahalagahan ng susunod na halalan

Sa pagtalakay ni Atty. Chel Diokno, founding dean ng DLSU College of Law, sinuportahan niya ang pahayag ni Cacho. “Kaming mga tanderz [matatanda] pa-exit na kami, this is your country because, truly, you will be the deciding power in the coming elections. You can really be the swing vote as far as [the] 2022 elections is concerned,” aniya.

Ipinahayag ni Diokno na maituturing niya ang halalan 2022 bilang pinakamahalagang eleksyon sa kaniyang buhay mula pa noong 1986 snap elections sapagkat muling inaatake ang mga institusyong nagtataguyod ng demokrasya sa Pilipinas. “This administration is very authoritarian in nature… it’s not inclined to respect freedom of speech. They are not in favour of the checks and balances provided by the Constitution,” pagdidiin niya.

“I hope that when you decide which candidates to support, think about “Would you be willing to live in a country where there are no human rights?”” paglalahad pa ni Diokno patungkol sa kahalagahan ng masusing pagpili ng mga susunod na mamumuno sa bansa.

Tinalakay rin ni Diokno ang pagkawala ng interes ng ilan pagdating sa pagboto kaugnay ng pagdududa nilang walang maidudulot na epekto ang isang boto nila. Tugon ni Diokno rito, “If you want to have 10 million votes, it starts with one vote.”

Hinikayat din ni Diokno ang kabataang huwag magpapaapekto sa mga nagsasabing kulang pa sila sa karanasan. Inilahad niyang nabuo ang kasaysayan ng malayang Pilipinas dulot ng kabataang nakibaka laban sa pang-aapi. Binanggit niyang mababatid ang papel nila lalo na sa kasalukuyang pandemya sapagkat sa kanila nagmumula ang karamihan ng mga inisyatibang tumutulong sa mga apektado ng nasabing krisis.

Mensahe para sa kabataan

Sa malayang diskusyon, nagbigay ng pahayag ang mga pangunahing tagapagsalita tungkol sa paghalal ng mga susunod na pinuno ng bansa. Binigyang-diin ni Cacho na oras na upang pumili batay sa mga plataporma at pananaw ng mga kandidato sa halip na bumatay lamang sa kanilang personalidad. Sumang-ayon dito si Diokno at ipinaalalang suriin hindi lamang ang mga pangako kundi ang mga nagawa ng mga kandidato.

Binanggit din ni Cacho na hindi natatapos sa eleksyon ang responsibilidad ng mga mamamayan. “The citizen participation oversight… kapag alam ng taong [politiko] may nagmamatyag sa kanila… nafo-force mo sila to do better. Ensure accountability and transparency. Document these things so that in the next elections, we know who to choose,” paglalahad niya.

Giit pa ni Diokno, “I would not tell you to vote because it’s your right [or] it’s your civic obligation… I would tell you to vote because it’s your future.” Dagdag pa niya, magsisilbi ang halalan 2022 bilang isang paraan upang mabigyan ng oportunidad ang masa na pumili ng mga susunod nilang pinuno sa pagitan ng mga tradisyonal na politiko at ng mga pinunong nais manilbihan para sa mga Pilipino.

Nagbigay rin ng pangwakas na pananalita si Vice President Leni Robredo para sa mga estudyante ng CLA sa DLSU at sa kabataang Pilipino. Inilahad niya ang mga hamong kinahaharap ng bansa, mula sa mahigit isang milyong nahawa ng Coronavirus Disease 2019 hanggang sa libo-libong buhay na kinuha nito. “Now, more than ever, we need leaders who are competent and compassionate… who unite rather than divide,” pagdidiin niya.

“The fate of our country lies in the hands of the youth. Those who decide for us, they hold, in very stark terms, they hold the life and death of our countrymen,” giit pa ni Robredo. Binigyang-diin din niya ang responsibilidad ng kabataan na magparehistro, bumoto, at manghikayat ng ibang gawin din ito.

Pagtatapos ni Robredo, “Gamitin ang inyong puso at linangin pa ang inyong mga talento upang mas malayo pa ang marating ng ating bayan. Tumindig lagi para sa katotohanan. Makilahok at tumulong. Walang pinipiling edad ang pagiging isang mabuting mamamayan.”