May kilabot at lamig na madarama sa tuwing babanggitin ang mga salitang “magsusulat na tayo ng thesis.” Sasalubungin ng matapang na amoy ng kape kasama ng matatamis na pagkain na magbibigay ng enerhiya at gigising sa diwa ng katawang pagod at nanlulupaypay. Pilit idinidilat ang mga pumipikit nang mata upang ipagpatuloy ang pagtitig sa iskrin makapaglagay lamang ng kahit isa pang letra, salita, pangungusap, o maski na talata. Dahan-dahang titingala at magtatanong sa kawalan kung kailan nga ba matatapos ang kalbaryong ito.
Simula ng liwanag
‘Malabo, magulo, at mahirap’ — mga salitang kadalasang pumapasok sa isipan ng mga estudyante sa kolehiyo tuwing nababanggit ang salitang ‘thesis.’ Kaya naman upang bigyang-linaw ang tamang paraan sa pagsusulat ng thesis at para bigyan ng kahit kaunting kapanatagan ang mga estudyanteng nangangamba sa papalapit na rekisitong ito, pinangunahan ng Behavioral Sciences Society (BSS) ang isang webinar na pinamagatang Thesis How We Do It, noong Mayo 14, mula ika-2 hanggang ika-4 ng hapon.
Inimbitahan ng BSS ang sosyolohista at isa sa mga kilalang propesor ng Departamento ng Behavioral Sciences na si Dr. Michael Labayandoy, upang linawin ang mga katanungan at haka-haka sa pagsusulat ng thesis. Bilang isang sosyolohista, madalas na nagsusulat si Dr. Labayandoy ng mga thesis na nakatuon sa edukasyon, kasarian, sekswalidad, at iba pang mga paksang may kinalaman sa lipunan. Subalit, bago pa man dumiretso sa kaniyang lektyur, agad niyang nilinaw na tungkol sa qualitative thesis ang kaniyang presentasyon dahil ito umano ang kaniyang madalas na ginagamit sa kaniyang pagsusulat.
Sinimulan ni Dr. Labayandoy ang talakayan sa pagsagot sa tanong na “Paano nga ba dapat ginagawa ang bawat parte ng isang thesis?” Ayon sa kaniya, hindi lamang iisa ang paraan tungo sa pagsulat ng isang magandang thesis. Gayunpaman, mayroon naman umanong consensus sa paggawa ng iba’t ibang bahagi nito.
Sunod na tinalakay naman ni Dr. Labayandoy ang mga problema at suliraning karaniwang kinahaharap ng mga estudyante sa pagsusulat ng thesis. Isa sa mga problemang kaniyang binanggit ang nakapapagod at nakababagot na proseso nito. Subalit, aniya, magiging nakapapagod lamang ito kapag hindi tunay na kagustuhan ng manunulat ang kaniyang ginagawa. Kaya naman payo niya, “Write something that would really interest you for a long time.” Binigyang-diin niya na lagi’t lagi itong babalik sa kahalagahan ng interes ng isang manunulat sa kaniyang paksa.
Ibinahagi rin ni Dr. Labayandoy ang kaniyang kaalaman ukol sa epektibong paraan ng pagbuo ng mga research problem, research question, review of related literature, at iba pang parte ng isang thesis. ”Not all research problems are research questions,” pagbibigay-kaalaman niya para sa mga dumalong estudyante na nalilito pa rin sa tamang paggawa ng research problem at research questions. Bukod pa rito, tinalakay rin niya ang tamang paraan ng pagpili ng participant size, theoretical framework, at conceptual framework.
Bagamat naging teknikal ang ilang parte ng diskusyon, naging pangunahing layunin pa rin ng presentasyon ni Dr. Labayandoy ang mapagaan ang pasanin ng mga estudyanteng may malaking pangamba sa paggawa ng thesis, lalo na’t hindi talaga maiiwasan ang rekisitong ito para sa karamihan.
Nagtapos ang presentasyon at ang talakayan ni Dr. Labayandoy sa pagsagot sa mga tanong mula sa mga dumalong estudyante. Bilang huling paalala, binigyang-diin niya na “Basic research skills should be possessed by all undergraduate students.”
Bagong pananaw
Mahirap man ang proseso ng pagsusulat ng isang thesis, maaari rin itong maging daan upang matugunan ang kumikiliti sa interes ng isang manunulat at makahanap ng sagot sa iba’t iba pang katanungang nangungulit at naglalaro sa isipan ng mga estudyante sa kolehiyo. Sa paraan ding ito mahahasa ang abilidad ng mga estudyante, na maaari nilang bitbitin sa kanilang pagtatrabaho, pati na sa pagiging isang produktibong miyembro ng lipunan. Kinakailangan lamang ng tiyaga, pasensya, motibasyon, at matinding determinasyon upang makapagsulat ng isang maayos at makabuluhang thesis, at higit sa lahat, matuto rin mula rito.
Isang malalim na buntong-hininga na lamang ang mailalabas sa segundong mailagay ang huling tuldok na tatapos sa isang napakahabang kalbaryo. Pagkatapos, maiaalis na rin ang bigat at mararamdamang muli ang gaan sa mga balikat. Maipipikit na sa wakas ang mga matang namumula at bumabagsak na sa pagod. Makahihiga na nang nakangiti dahil natapos na sa wakas ang rekisitong kukumpleto sa buhay ng isang estudyante.