ITINAAS sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagpapatupad ng Ombudsman Act of 2021 at Code of Violations, Mayo 14. Matatandaang ipinagpaliban ang pagpapatupad ng Ombudsman Act noong nakaraang sesyon bunsod ng mahabang mga whereas statement sa resolusyon.
Ipinagpaliban naman ang pagtalakay sa resolusyon ukol sa paglalabas ng pahayag hinggil sa COVID-19 Vaccination Plan ng Pilipinas. Ayon kay Bryan Reyes, BLAZE2023 at tagapagtaguyod ng resolusyon, kinakailangan pa nilang magsagawa ng mga paglilinaw sa ibang mga tanggapan ng Pamantasan ukol dito.
Pagpapatupad ng Ombudsman Act of 2021
Unang tinalakay sa sesyon ang pagpapatupad ng Ombudsman Act sa pangunguna ni Pauline Carandang, kinatawan ng LA ng Laguna Campus Student Government. Pagbabahagi niya, inilakip na nila ang mga mungkahi noong nakaraang sesyon na bawasan ang mga whereas statement at gawing mas komprehensibo ang nilalaman nito.
Ipinakita rin ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang mga pagbabagong isinagawa sa nilalaman ng batas. Ilan na rito ang pagdaragdag ng seksyon sa Artikulo 13, paglakip ng repealing clause sa Article 22, at pagbabago sa haba ng suspensyon ng isang opisyal ng USG sa Article 14.
Sa botong 24 for, 0 against, 0 abstain, inaprubahan ang resolusyon.
Pinalawig na pananagutan
Inilatag naman nina Reyes at Sophia Beltrano, BLAZE2021, ang resolusyon ukol sa pagpapatupad ng Code of Violations. Pagdidiin ni Beltrano, layunin ng resolusyong ito na palawigin ang pananagutan ng mga opisyal ng USG, pigilan ang mga kilos na lumalabag sa patakaran ng mga opisyal ng USG at mga pribadong indibidwal, at tukuyin ang responsibilidad ng Ombudsman at mga Counsel Officer ng Judiciary Department ng University Student Government (USG-JD) sa mga paglabag.
Kaugnay nito, binigyang-pansin ni Reyes ang mga terminolohiya at paglabag na nakapaloob sa batas. Ilan dito ang graft, gross negligence, fraud, malfeasance, at misfeasance. Tinukoy niya na ang paggawa ng hindi makatarungang panghuhusga, pagtataksil sa tiwala ng mga kliyente, at pagpapahayag ng mga lihim ang ilan sa mga gawaing nakapaloob sa malfeasance at misfeasance. “If found guilty, removal from office and permanent disqualification to hold office are the penalties unless stated otherwise,” pagdidiin ni Reyes ukol sa kaparusahang nakatakda sa mga nabanggit na paglabag.
Samantala, itinaas ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang katanungan ukol sa pagkakaiba ng kahulugan ng removal, disqualification, at impeachment. Tugon ni Inspector General Elijah Gabriel Flores, “Impeachment refers to the nature of the proceeding wherein the penalty would be either as something as grave as removal from office and permanent disqualification.” Paglalahad pa niya, nangangahulugan lamang ang diskwalipikasyon na hindi taglay ng isang indibidwal ang mga tamang katangian upang maging isang opisyal ng USG.
Humingi naman ng klaripikasyon si Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ukol sa pagpataw ng kaparusahan sa mga nanunungkulang opisyal ng USG na may nagawang paglabag. Aniya, “Does that mean the officer can be prosecuted years after the violation happened?”
Paglalahad ni Deputy Inspector General Lunette Nunez, may mga naitalang kaso na ang USG-JD na inusig lamang ang isang opisyal isang taon makalipas ang kaniyang panunungkulan. “It can happen and it has already happened before. As long as the officer is an undergraduate student of DLSU, we can prosecute them,” pagdidiin pa niya.
Sa kabilang banda, isinaayos din ang nilalaman ng batas matapos imungkahi ni Francis Loja, EXCEL2023, na pagsamahin na lamang ang kaparusahang kaakibat ng malfeasance at misfeasance. Ilan sa mga isinagawang pagbabago ang pagtatakda ng minimum penalty at maximum penalty para sa paglabag.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 24 for, 0 against, at 0 abstain. Inaasahang isasapubliko ang Code of Violations kasama ang Ombudsman Act of 2021 at magiging epektibo simula sa unang araw ng unang termino ng akademikong taon 2021 – 2022.
Ulat mula sa mga komite ng LA
Tinalakay naman sa huling bahagi ng pagpupulong ang mga kaganapan sa bawat komite ng LA at pag-apruba ng minutes ng bawat sesyon. Pinangunahan ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, ang paghingi ng mga ulat mula sa mga chairperson at pagtalakay sa minutes.
Bilang panimula, inaprubahan ni Escoto ang minutes of the meeting ng bawat isinagawang sesyon tulad ng una, ikalawa, at ikatlong espesyal na sesyon, at ikaapat na regular na sesyon. Aniya, inaasahan niya sa mga darating na araw ang ulat mula una hanggang ikatlong regular na sesyon.
Samantala, ipinahayag ni Sophia Beltrano, chairperson ng komite ng Rules and Policies, na naibigay na ng kanilang komite ang sarbey sa mga partido at sa Commission on Elections kaya hinihintay na lamang nila ang pagsasapubliko nito. Dagdag pa rito, binanggit din ni Beltrano na magsasagawa sila ng pagpupulong ngayong linggo upang makita ang mga pagbabago sa bawat grupo.
Para naman sa National Affairs, ipinahayag ni Kai Anonuevo, chairperson ng komite, na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Office of the Chief Legislator bilang paghahanda sa isasagawang Voter’s Readiness Registration Forum. Aniya, magsasagawa rin sila ng pagpupulong ngayong linggo upang matalakay ang isyu sa West Philippine Sea.
Sambit naman ni Astrid Rico, chairperson ng komite ng Students Rights and Welfare, na nakipag-ugnayan na sa Lasallian Center for Inclusion, Diversity and Well-being ang mga tagapagtaguyod ng polisiya ukol sa SOGIE. Paglalahad pa niya, nasa proseso sila ng pagsangguni sa DLSU PRISM upang maging kapwa may-akda ng resolusyon.
Sa kabilang banda, ipinaalam din ni Rico na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa USG – JD at Office of Student Affairs ukol sa mga pagbabago sa kabuuang proseso ng grievance. “We want to make it student friendly,” pahayag niya.
Bilang pagtatapos, inilahad ni Escoto na makikipag-ugnayan na lamang siya sa mga college legislative board sa kanilang mga itinakdang communication channel.