PINASINAYAAN ng EDGE2019 ang Mulat Mata: Isang Kursong Panlipunan na tumalakay sa Comprehensive Sex Education (CSE) sa Pilipinas, Mayo 14. Isa itong inisyatibang naglalayong maghatid-kaalaman tungkol sa kalagayan ng sex education sa bansa at magbigay-suhestiyon sa mga maaaring magawa sa hinaharap na makatutulong upang maging mas progresibo ang mga Pilipino ukol sa paksa.
Ipinahayag ng pangunahing tagapagsalita na si Sen. Risa Hontiveros sa kaniyang talumpati na ang mababang kalidad ng edukasyon tungkol sa sekswalidad sa bansa at ang kakulangan ng kaalaman ng mga Pilipino, lalo na ng kabataan, tungkol dito ang nag-udyok upang magkaroon nang mas malalang problema ang bansa. Binigyang-diin niya ang estado ng bansa bilang isang hotspot ng ilegal na pananamantala at sekswal na pang-aabuso.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Hontiveros ang mga namuno sa programa dahil naniniwala siyang isa itong magandang hakbang tungo sa hinahangad na progresibong lipunan. Pinaalalahanan rin niya ang lahat ng dumalo na edukasyon at kaalaman ang susi upang maibsan ang sakit ng lipunan. “Ito ang magmumulat sa mata ng maraming Pilipino. It empowers, it is the first step in dismantling this system,” aniya.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Dr. Gia Sison, pinuno ng Makati Medical Center Wellness Center, at Ces Oreña-Drilon, isang batikang mamamahayag. Sinamahan sila ni Andylyn Simeon, coordinator mula sa Lasallian Pastoral Office (LSPO). Sila ang nagsilbing mga panelista sa programa.
Sekswalidad sa iba’t ibang larangan
Isinalaysay nina Simeon at Oreña-Drilon ang kanilang karanasan tungkol sa CSE. Ayon sa kanila, nalaman lamang nila ang terminong sex education sa kanilang ikalawang taon sa sekondarya. Ani Simeon, natutunan niya ito sa pamamagitan ng anatomikal at biyolohikal na pagpapaliwanag ng kaniyang guro sa Biology. Dagdag pa rito, binanggit din niyang mabigat ang naging impluwensiya ng mga turo ng Simbahang Katoliko sa kaniyang kaalaman tungkol sa sex education dulot na rin ng kaniyang pag-aaral at hanapbuhay.
Nang tanungin ukol sa posisyon ng simbahan sa CSE, pinahalagahan ni Simeon ang pagpapaigting sa iba’t ibang perspektiba upang magkaroon ng mas malawak na pag-unawa tungkol sa sex education. Inamin din niyang may kaniya-kaniyang paniniwala at katayuan sa isyu ng sekswalidad ang simbahan at mga tagapaglingkod nito sa Pilipinas.
Bilang isang ina at advocate, iginiit naman ni Oreña-Drilon na kailangang tanggapin ng mga Pilipino ang reyalidad ukol sa sekswalidad at sex education sa Pilipinas, gayundin ang mga epekto nito sa kinabukasan ng kabataan. Aniya, “Alam naman na nating ginagawa iyan [sex] ng kabataan kaya magandang turuan na lang natin sila ng safe sex.” Dagdag pa niya, hindi makatutulong ang masyadong pagiging konserbatibo ng mga Pilipino sa pananaw ng mga kabataan ukol sa sekswalidad sa kasalukuyang panahon.
Sex education sa konteksto ng mga Pilipino
Ipinahayag ni Sison na itinuturing na R-18 ang isyu ng sekswalidad at sex education sa Pilipinas. Ayon sa kaniya, hindi bukas ang isipan ng karamihan sa mga Pilipino ukol sa isyung ito kaya nananatiling taboo ang pagtrato nila rito. Dagdag pa niya, “The more you keep the topic a secret, the more it becomes a taboo to them.”
Para naman kay Simeon, ang salitang “relationship” ang naglalarawan sa sex education. Aniya, hindi lamang nakabatay sa indibidwal ang kahalagahan ng sekswalidad ng tao. Bagamat bahagi ng pagkakakilanlan ng isang tao ang kaniyang sekswalidad, mahalaga ring maisaisip na may malaking gampanin ito sa pakikipagrelasyon ng mga tao sa kanilang kapwa. “That’s [relationship] the element and essence of your sexuality,” aniya.
Bilang isang mamamahayag, pinagtuunan naman ni Oreña-Drilon ang pagtingin sa iba’t ibang perspektiba ukol sa sekswalidad. Ayon sa kaniya, kinakailangan ang pagkakaroon ng bukas na isipan upang lubos na maunawaan ng lahat ang mga pananaw ng bawat isa. Para sa kaniya, isang magandang halimbawa ng inisyatiba ang mga malayang diskursong pinag-uusapan ang sekswalidad at sex education lalo na sa kabataan.
Sex education bilang pangunahing isyung panlipunan
Sa pagpapatuloy ng diskusyon, iginiit ni Sison na isang natural at normal na isyu ang mga usapin tungkol sa mental health at sex education. Aniya, marami nang nagiging hakbang na naglalayong pataasin ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa mga isyung ito.
Inilahad din ni Sison na may mga nagbibigay na ng libreng testing sa mga sexually transmitted infection (STIs) sa ilang ospital. Bagamat may mga programa nang ipinatutupad, hindi pa rin ito sapat upang mamulat ang mga Pilipino na maging bukas sa usaping pangsekswal. “Mental health is underfunded, so is sexual health,” aniya.
Para kay Simeon, mayroong iba’t ibang pananaw ang simbahan gayundin ang mga tagasunod nito tungkol sa mga usaping ito. Ngunit, binigyang-diin niyang hindi maaaring sekswalidad lamang ang maging batayan ng moralidad ng tao. “It is not a black and white thing, there is always a space for allowing it. There are so [many] traditions and Catholics who uphold that kind of tradition but it is your personal conscience [that is] only between you and God. Not even the Pope can touch that,” paglalahad niya.
Sa usaping kultural at epekto nito sa persepsyon ng mga Pilipino ukol sa sekswalidad at sex education, iginiit ni Simeon na mahalaga ang ginagampanang papel ng mga magulang. Aniya, “Kailangang pag-usapan sa family kung paano igu-guide yung bata.”
Sumang-ayon din si Sison sa pahayag ni Simeon at binigyang-halaga niya ang mga pagbabagong dapat gawin ng pamilya. Ayon kay Sison, “It has to go beyond the statement, ‘uy masama ‘yan.” Samantala, kahirapan naman ang nakikitang ugat ni Oreña-Drilon na nagdudulot ng mga usaping ito.
Paninindigan ukol sa isyung panlipunan
Sa huling bahagi ng talakayan, dumaan sa isang fast talk ang mga panelista upang maipahayag nila ang kanilang paninindigan ukol sa samu’t saring isyu na bumabalot sa sekswalidad at CSE.
Saklaw ng ilang tanong ang kanilang pananaw ukol sa Reproductive Health Law, pagkakaroon ng CSE mula kabataan, at libreng contraceptive sa sekondarya na sinang-ayunan nang tatlo.
Sa isyu naman ng pagpapalaglag, hindi pumabor sina Sison at Simeon sapagkat labag ito sa kanilang pananampalataya at personal na paniniwala. Sa kabilang banda, sumang-ayon naman si Oreña-Drilon sa ilang kaso hinggil dito.
Sa pagtatapos ng programa, binigyang-pansin muli ni Alex Brotonel, batch president ng EDGE2019, ang kahalagahan ng sex education para sa kabataan. Giit niya, “Hindi bastos at kailanman ay hindi magiging bastos ang comprehensive sex education.”