NAPAGBUKLOD ng ikalawang online Industrial Engineering Convention (IECON) ang mga estudyante, propesyonal, at guro mula sa larangan ng Industrial Engineering sa pangunguna ng Industrial Management Engineering Society (IMES) ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Mayo 7-8.
Umabot sa 3,855 katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo, tulad ng United States, Singapore, Canada, at Thailand, ang dumalo sa pagtitipon. Umani naman ng higit 21,000 views sa unang araw, at 10,000 views sa pangalawang araw ang live broadcast nito.
Tinalakay sa IECON ang iba’t ibang paksa tungkol sa epekto ng mga pagbabagong dulot ng COVID-19 sa mga negosyo, pati na rin ang kahalagahan ng kursong IE sa panahon ng pandemya.
Pag-ahon sa kabila ng pandemya
Ipinahayag ni Sofia Piñon, pangulo ng IMES, sa kaniyang paunang salita ang layunin ng IECON na pagbigkisin ang mga kasalukuyang lider sa larangan ng IE at susunod na henerasyon ng mga industrial engineer. Hinamon din niya ang mga kalahok na sikaping gawing mas epektibo ang mga industriya upang mapaunlad at mapabuti ang pamumuhay ng lahat.
Pinangunahan ni Benjie Yap, chairman at chief executive officer (CEO) ng Unilever Philippines, ang talakayan sa pagpapahalaga sa pananagutan at kagustuhang mamuno. Kaugnay nito, tiniyak nilang bayad at inklusibo para sa mga empleyado ang paraan ng pagtatrabaho nang magdeklara ng lockdown bunsod ng pandemya. “We are in [the] same storm, but we are in different boats [and] we have to respect that and make sure that we customize our support,” aniya.
Bukod pa rito, binawasan din nila ng 40% ang transportasyon, pag-aangkat, at paglulunsad ng proyekto upang mapagtuunan ang mga panukalang nagsusulong ng kalinisan. Giit ni Yap, “When you make decisive actions and ruthless prioritization, and you care for the people, you care for the business in the end.”
Binigyang-diin ni Yap ang kahalagahan ng paghulma ng pinagtatrabahuhan at mga empleyadong may kakayahang umangkop sa hinaharap. Layunin nitong mas pagtuunan ang kakayahang magtrabaho saanman at sa anomang paraan. “There’s a strong power in believing that the IE community and the IE discipline can help,” wika niya, “[but] it starts [with] our people all the time whether in the good or bad.”
Tinalakay naman ni Patrick Pesengco, co-founder at executive chairman ng Philippine Vending Group of Companies, ang tungkuling ginagampanan ng kanilang vending machines sa panahon ng pandemya. Aniya, nililimitahan nito ang interaksyon dahil self-service ang mga ito. Higit pa rito, naniniwala si Pesengco na nakatutulong ang kanilang mga vending machine sa pagpapadali ng trabaho at pagsisigurong mas produktibo ang mga nakikinabang dito.
Ibinahagi ni Pesengco na kinailangan nilang magbawas ng gastusin at magsara ng isang opisina upang makaraos. Sa kabila nito, nagbigay pa rin sila ng paid leave at stipend sa mga empleyado. Pinagtuunan din nila ng pansin ang pagdadagdag ng publisidad at cash inflow, at pagtataguyod ng kalinisan at kaligtasan.
Mula rito, pinahalagahan din niya ang pagsasanay ng mga empleyado at idiniin ang kahalagahan ng transparency upang maiwasan ang korapsyon. Dagdag pa niya, “To do that, we have to. . . [develop] a plan, because it’s harder to do right than to do shortcuts.”
Tungo sa industriyang akma sa hinaharap
Nilinaw naman ni Charlie Villaseñor, chairman at CEO ng PASIA Services, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng epektibong pamamahala ng supply chain sa mga kompanya, na kayang magpaunlad ng mga negosyo. Iniugnay niya ito sa ilang pagsubok na dulot ng pandemya, tulad ng liquidity, kawalan ng interaksyon, at mga hamon sa trabaho, suplayer, at imbentaryo.
Paliwanag niya, supply chain ang tumutukoy sa mga magkakaugnay na organisasyong lumilikha ng mga produkto at serbisyo para sa konsyumer. Makatutulong din ito sa mga kompanya dahil saklaw nito ang procurement, inbound logistics, manufacturing, outgoing deliveries, at returnables. Naniniwala si Villaseñor na matutulungan ng supply chain ang mga kompanya na lumago saan mang industriya, at sapat ito para mapanatili ang kaayusan at makontrol ang pandemya.
Ipinasulyap naman ni Karen Perez, head of operations ng Shopee Philippines, ang estado ng e-commerce sa bansa. Pagbabahagi niya, Shopee operations ang nagsisilbing gulugod ng kanilang kompanya dahil binubuo ito ng mga manininda, mamimili, at kasosyo. Sumasailalim din sila sa ebalwasyon upang matiyak ang kaayusan at kalidad ng mga transaksyon.
Wika ni Perez, umaangkop ang Shopee sa pandemya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng online tools na makatutulong sa pagpapalago ng mga negosyo, digital payments, mga inisyatiba at learning resource para mahasa ang kakayahang digital ng mga negosyante, at iba pang in-app features na makatitiyak ng maayos na transaksyon online.
Samantala, binalikan naman ni Harold Lim, team leader ng Construct, ang depinisyon at layunin ng IE. Aniya, IE ang responsable sa pagpapababa ng production cost, pagpapabuti ng kalidad ng mga produkto at serbisyo, at pagtitiyak na nasa mabuting kalagayan ang mga empleyado upang makatipid sa pera, oras, lakas, at iba pang materyal.
Payo ni Lim, kinakailangan ng mga industrial engineer na matutong umangkop, at maging maalam sa kultura at kasalukuyang pangyayari, at maging bukas sa bagong kaalaman. “As [industrial engineers], we [need to] improve the cycle,” banggit niya.
Lakbay ng tagumpay
Sa ikalawang araw ng IECON, unang ibinahagi ni Vin Perez, Bachelor of Science in Industrial Engineering (BSIE) Magna Cum Laude graduate ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang kaniyang mga karanasan at desisyon na nagdala sa kaniya sa pagiging chief operating officer (COO) ng Ninja Van Philippines. Bagamat nagsimula sa isang malaking kompanya ng Nestle bilang demand at supply planning executive, pinili ni Perez na tahakin ang landas na malayo sa kaniyang nakasanayan at kumuha ng Masters in Business Administration (MBA) sa Harvard Business School.
Aniya, binubuo ng isang masalimuot na paglalakbay ang daan patungo sa tagumpay. Kaugnay nito, hinimok niya ang bawat isa na mangarap nang matayog at huwag matakot sumubok ng mga bagong karanasan pagkatapos ng kolehiyo. Nagsilbing gabay umano ang kaisipang ito sa kaniya nang piliin niyang magtungo sa ibang bansa upang patuloy na linangin ang kaniyang kaalaman at kakayahan. “If you just become consistent, and continue to learn all these things, in time, you would accumulate enough, and you would have this core capabilities and skill set, that can really help you through your career progression,” pangaral niya.
Sa larangan naman ng e-commerce, idiniin ni Perez na kailangang magpokus sa mga produktong nagbibigay ng halaga o tumutugon sa problema. Nangunguna umano sa industriya ang mga kompanyang naghahandog ng mahahalagang produkto at serbisyo sa merkado. Dagdag pa niya, “If you really provide that value, the market will reward you back.”
Panahon ng digital transformation
Tinalakay naman ni Ramon Jocson, kasalukuyang executive vice-president at COO ng Bank of the Philippine Islands, ang mga pagbabago sa industriya at kasalukuyang estado ng bansa sa panahon ng mga digital na pagbabago. Unang naging katungkulan ni Jocson sa industriya ang pagiging managing director sa International Business Machines Corporation Philippines, dala ang kaniyang diploma ng BSIE mula sa UP at MBA mula sa Ateneo Graduate School of Business.
Sa kaniyang propesyon, patuloy niyang ginamit ang mga prinsipyo ng IE tulad ng systems approach, heuristic decision-making, systems analysis and design, ergonomics, at cybernetics. Aniya, nananatiling isang mahalagang kurso ang IE dahil may kakayahan itong makisabay sa mga pagbabagong digital.
Dahil dito, kinakailangan umano ng bansa na baguhin ang sistema sa pamamagitan ng pagpapatupad ng nasyonal na polisiya para sa identification system at paperless transactions, rekisito para sa pagpaparehistro ng mga cellphone, at pagpapaigting ng cybersecurity. Ayon pa sa kanya, bahagi ang Pilipinas ng global supply chain kaya mahalagang agad na maisaayos ang mga ito upang matiwasay na makalahok sa digital na ekonomiya.
Kalikasan bago kaunlaran
Binigyang-pansin naman ni Randee Lantonio, nature-based solutions business development advisor ng Shell, ang mga suliranin sa kalikasan, tulad ng plastic waste, pati ang mahalagang gampanin ng mga industrial engineer sa paglutas ng mga ito. Una siyang nanilbihan bilang junior consultant at nagtagal sa energy industry nang mahigit-kumulang 20 taon matapos kumuha ng BSIE mula sa UP, at Master of Science (MS) in Environmental Science and Ecosystem Management sa DLSU.
Sa kaniyang presentasyon, ipinakita ni Lantonio ang iba’t ibang suliranin ng kalikasan at tinanong ang opinyon ng mga kalahok tungkol sa mga ito. Malaking bahagi ng mga kalahok ang nagpahayag na tinutukoy ng mga larawan ang walang katapusang suliranin sa polusyon. Ngunit para kay Lantonio, dapat tingnan ang mga ito bilang mga potensyal na inobasyon. Bilang isang industrial engineer, maaaring tingnan ang mga nagkalat na plastic waste bilang isang bagong materyal na maaaring magpaunlad sa mundo.
Halimbawa na lamang nito ang Shell Lube Bay na matatagpuan sa Plaridel, Bulacan. Ito ang unang imprastrakturang binuo gamit ang eco-brick, isang uri ng bloke na gawa sa plastic wastes. Aniya, may kakayahan at kaalaman ang bawat industrial engineer na pag-aralan ang bawat suliranin ng ekonomiya at mag-isip ng solusyon para ayusin at pagbutihin ang bawat proseso at pamamaraan ng paglikha at pagnenegosyo. “Engineers make things, but industrial engineers make things better,” dagdag niya.
Tulay ng komunikasyon at inobasyon
Sa diskusyon naman ni Mic Gutierrez, nagtapos ng ladderized program ng BS-MS IE sa DLSU at kasalukuyang project commercialization manager ng Mondelez International, idinetalye niya ang tatlong salik na nagpapatunay na isang mahalagang kurso at propesyon ang IE. Bukod pa rito, ibinahagi rin niya sa mga kalahok ang ilang aral tungkol sa pagkakamali at angkop na paraan ng pamamahala sa oras.
Tiniyak ni Gutierrez na magagamit sa trabaho ang lahat ng natutunan mula sa kurikulum ng IE. Aniya, hindi niya inakalang magagamit niya ang konsepto ng minimum order quantity, ngunit kamakailan lang nang naatasan siyang magbigay ng diskusyon at ipresenta ito sa mga tagapamahala ng pinagtatrabahuhang kompanya. Bilang payo, hinimok niya ang ang mga estudyante na seryosohin at isapuso ang lahat ng mga itinuturong paksa ng mga propesor.
Ipinunto rin ni Gutierrez na maituturing na Tardigrade ang mga industrial engineer dahil nabubuhay ang Tardigrade sa kabila ng limang mass extinction at iba’t ibang uri ng panahon. Tulad nito, may kakayahan ang mga industrial engineer na umangkop sa mga pagbabago ng panahon at ipamalas ang kanilang kakayahan at kaalaman sa anomang larangan o industriya. Ilang halimbawa nito ang apparel, healthcare, telecommunications, electronics, personal care, at food manufacturing.
Binigyang-diin ni Gutierrez na bagamat walang licensure exam sa larangan ng IE, hindi ito nangangahulugan ng pagiging instant engineer. Saad niya, mas sinasalamin ng IE ang terminong interconnection engineer dahil sila ang nagsisilbing tulay sa teknikal at komersyal na panig ng anomang kompanya. “You try to talk to a technical guy about profit, and margin, and making money, and they’re not gonna understand it. You talk to a commercial guy, a marketer, about line efficiency and line balancing, and they’re not gonna understand that, ” salaysay ni Gutierrez.
Dagdag pa ni Gutierrez, mistulang nananatili sa gitna ng dalawang panig ang IE at nagsisilbing tulay upang pagtagpuin ang pangangailangan ng bawat sektor para matupad ang mga tunguhin ng negosyo. Saad pa niya, maraming mga negosyante at tagapamahala ang walang propesyonal na lisensya ngunit nangunguna at matagumpay pa rin sa kanilang larangan. Pagtatapos ni Gutierrez, “There is this subset of skills that cannot be measured by any licensure exam in the world, and that is people’s skills.”