Why We Sing: Tunay na kahulugan sa likod ng mga kanta


Sa likod ng bawat musikang nagbibigay ng indak at hinahon, may mga mang-aawit na naghahangad na mapakinggan ang kanilang layon. Bitbit ang kanilang kahusayan sa pagkanta, isinasalin nila ang kanilang nararamdamang saya, poot, hinagpis, at pagkadismaya sa anyo ng himig at mga liriko. Sapagkat hindi maiiwasan ang pagdating ng araw na magmimistulang nakasanayang gawain na lamang ang nararapat sanang pagpaparamdam ng emosyon sa pagkanta, sa panahong iyon kinakailangang hanapin ang mas malalim na dahilan upang magpatuloy na umawit. 

Upang muling ipaalala ang dahilan ng kanilang pag-awit, inihandog ng De La Salle University Chorale ang tatlong araw na konsyertong pinamagatang Why We Sing: A Chorale Festivale na idinaos nitong ika-7 hanggang ika-9 ng Mayo.

Hindi na bago ang makakita ng kababayan nating nagpapamalas ng angking husay sa pag-awit. Subalit upang higitan pa ang ganitong pangkaraniwang imahen, nagsama-sama ang mga chorale group na nanggaling sa iba’t ibang paaralan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa, tulad ng Asia Pacific College (APC) at Saint Paul College Pasig High School, na may layuning samahan ng mahahalagang mensahe ang pagpapamalas nila ng kanilang angking galing sa pagkanta. Dinala nila ang mga manonood sa mundong malayo sa reyalidad at panandaliang inibsan ang kanilang mga problema. Sa pamamagitan ng bawat lirikong binibigkas, naiparating nila sa madla ang mahahalagang kuwentong mula sa kaibuturan ng kanilang puso.

Awiting sumasalamin sa mga Pilipino

Bagamat online lamang isinagawa ang konsyertong Why We Sing, ‘di maikakailang bakas pa rin sa mga manonood ang kanilang pagkagalak lalo na nang pangunahan ng AUP Academy Chorale ang programa. Kaagad nilang pinasigla ang panimula ng pagtatanghal nang magkaroon sila ng sari-sarili nilang bersyon ng mga piyesang maaalalang pumatok noon sa masa. 

Sa patuloy na pagdaloy ng programa, sinabayan din ng koreograpia ang pagtatanghal ng ilang chorale group, tulad ng APC Chorale, na lalong ipinadama sa mga manonood ang mga emosyong namumutawi sa mga mang-aawit. Pinatunayan nila na hindi lamang limitado sa pagkanta ang kanilang mga talento, bagkus, mayroon din silang angking galing sa pagsayaw.

Higit pa rito, ipinakita rin ng mga chorale group sa kanilang pagtatanghal ang kanilang kahandaang tumulong sa kanilang kapwa sa kabila ng kinahaharap na pandemya. Tulad nga ng mga liriko sa awiting Iisang Bangka na nagsasabing “basta’t kasama mo ako, iisang bangka tayo,” at sa kantang Better World na pinaulit-ulit ang mga katagang “We are gonna make you a better world,” ipinangako ng mga grupong FEU Chorale at TUP-Taguig Tekno Harmonika Chorale na hindi nila basta-basta iiwan ang kanilang kapwa. 

Samantala, kinanta naman ng Coro San Benildo ang “Go the Distance” na nagpahayag ng kanilang determinasyong tuparin ang kanilang mga pinanghahawakang pangarap. Sinasalamin din ng nasabing pagtatanghal na ito ang kaugalian ng mga Pilipino na naniniwalang anomang problema ang dumaan sa kanilang buhay, tiyak na malalagpasan din nila ito.

Tunay na anyo ng musika

Pinalitaw rin ng programang Why We Sing ang katotohanang hindi sa magagandang himig at malalalim na liriko natatapos ang ganda ng isang awitin. Bagkus, pinadarama rin nito ang mga nag-uumapaw na emosyon tulad ng pag-ibig, poot, at pagkabigo na nagmumula sa mga karanasan at kuwento na nais nilang pakawalan sa madla. 

Sa kabila ng pandemya, maipagmamalaking naihatid pa rin ng kanilang mga awitin ang mensahe ng pagbangon, pag-asa, at pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng pag-awit sa mga kantang Mae-e ni Kentaro Sato, Impossible Dream ni Andy Williams, Di ka Sayang ng Ben & Ben, at iba pa. Pinatunayan nilang hindi dahilan ang pagkakawalay upang matigil ang kanilang pagnanais na umawit at bigyang-kulay muli ang buhay na binalot ng kadiliman.

Subalit isiniwalat din ng ilang mang-aawit ang reyalidad na hindi lahat ay may kakayahang magpatuloy sa pagbabahagi ng kanilang tinig. Isang patunay ang lumiit na bilang ng mga mang-aawit ng Adamson University Basic Education Chorale na bunga ng malaking pagbabago sa sistema ng pag-aaral at pagsasanay sa pag-awit. Sandigan mang maituturing ang musika, nakalulungkot na may mga pagkakataong hindi ito sapat na kasangga upang malagpasan ang mga pagsubok. Minsan, mapipilitan tayong magpahinga at kumapit na lamang sa pag-asang mararamdamang muli ang mainit na pagtanggap sa ating pagbabalik. 

Repleksyon ng lipunan

Pinatunayan ng konsyertong Why We Sing na hindi naging balakid ang pagiging malayo sa isa’t isa upang alalahanin ang dahilang nagtutulak sa kanila upang patuloy na umawit. Sa pagharap sa pandemya, mas nagkaroon din ng matinding rason ang bawat mang-aawit na gamitin ang musika upang talakayin ang lumalalang sitwasyon sa lipunan. Nag-ugat man ang kanilang pagsisimula sa layuning maipamalas ang kanilang talento sa pagkanta, ang krisis pang-ekonomiya, pangkalusugan, pang-edukasyon, at pansarili naman ang mas nagpalalim sa kanilang motibasyon upang bigyang-kahulugan ang mga awitin.

Tila may sariling buhay ang musika at patuloy nitong pinalalawak ang saklaw ng ating nauunawaan at nararamdaman. Hindi man nito kayang paghilumin ang sakit ng kasalukuyan, may kakayahan naman itong bitbitin ang bawat bahagi ng ating mga karanasan.

Ipinagluluksa ng mga awitin ang ating pangungulila; ipinaglalaban nito ang ating paniniwala, at ipinararamdam sa mundo ang lahat, pati na ang ating pinakatatagong damdamin.