Mahigit isang taon na ang nakalipas nang ipatupad ang quarantine sa bansa dahil sa pandemyang COVID-19, ngunit tila wala pa ring pagbabagong naganap. Patuloy na umaangat ang bilang ng nagpopositibo dahil sa COVID-19 at mukhang patuloy pa rin itong aangat hangga’t hindi nagbabago ng estratehiya ang ating pamahalaan.
Bagamat maraming maaaring punahin at baguhin sa mga tugon ng pamahalaan, nais kong bigyang pokus ang isang aspekto ng paglaban ng pamahalaan sa COVID-19: ang pagsagawa nito ng contact tracing.
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention, isang pamamaraan ang contact tracing na layong tukuyin ang mga nakasalamuha ng isang indibidwal na kumpirmadong mayroong nakahahawang sakit upang madali silang ma-isolate. Mayroon itong dalawang uri: ang manual, o mano-manong paraan, at ang digital, na gumagamit naman ng teknolohiya.
Sa kasalukuyan, parehong manual at digital contact tracing ang ipinatutupad sa ating bansa. Kumukuha ng mga tauhan ang Department of Health (DOH), katuwang ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), upang maging contact tracers na tatawag sa mga pamilya at mga nakasalamuha ng isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-19. Mabusisi at mahabang proseso ito na hindi rin masyadong nagiging epektibo sapagkat kulang ang bilang ng contact tracers kompara sa bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa kabilang dako, mayroon ding mobile app para sa contact tracing at tinatawag itong StafySafePH na gumagamit ng location based QR. Gayunpaman, hindi ito masyadong epektibo sapagkat marami pang kailangang isaalang-alang, katulad ng oras at tagal ng pagbisita ng isang indibidwal sa isang lugar. Hindi rin sentralisado ang digital contact tracing sa ating bansa sapagkat hinayaan na lamang ng DOH ang bawat lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng StaySafePH sa kanilang nasasakupan.
Sa mga nabanggit na sitwasyon, masasabing hindi pa rin gaano kaepektibo ang mga ito sapagkat hindi maayos ang implementasyon. Mas madali siguro kung proximity-based contact tracing na lamang ang ipatutupad sa ating bansa, kung saan itinatala sa smartphone ng isang indibidwal ang mga taong kaniyang nakasalamuha. Ipinatutupad na ito ng iba’t ibang bansa kagaya na lamang ng TraceTogether ng Singapore na gumagamit ng Bluetooth technology para sa digital contact tracing.
Isa ang teknolohiya sa mga bagay na maaari nating gamitin upang tuluyan nating masugpo ang COVID-19 na kumitil na ng buhay ng maraming tao. Kinakailangan ng isang sentralisado at maayos na digital contact tracing system na pinamamahalaan mismo ng DOH at IATF. Ibinigay na sa atin ang teknolohiya at kakayahan, nasa atin na lamang kung paano natin gagamitin ito.