Nitong Abril 2, naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 na umabot sa 15,310 kaso sa kabila ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus noong Marso 27. Kaugnay nito, nagsagawa ng sarbey ang University Student Government (USG) ng Pamantasang De La Salle upang malaman ang sitwasyon ng mga mag-aaral. Sa nakalap na datos mula sa 5,140 estudyante, napag-alamang 27% ang kasalukuyang namamalagi sa NCR Plus, na nangangahulugang mas mataas ang posibilidad na maapektuhan sila ng pandemya. Bilang aksyon, gumawa ng proposal ang USG para imungkahi ang academic break, at saka ito ipinasa sa University Chancellor at Vice-Chancellor for Academics. Upang lalong maunawaan ang matinding pangangailangan para sa academic break, kalakip ng ipinasang proposal ang mahahalagang detalyeng patungkol sa kondisyon ng mga estudyante sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Bilang tugon, inilabas naman ng Academics Council ang inaprubahang resolusyon para sa isang linggong academic easing mula Abril 6 hanggang Abril 12 para sa lahat ng antas sa undergraduate at graduate school. Ibinatay naman sa mga patnubay ng academic easing noong Nobyembre ang resolusyong ibinaba ng administrasyon nitong Abril. Kabilang sa patnubay ang hindi pagbibigay ng pagsusulit, graded na mga aktibidad, at anomang deadline. Nakasaad din sa resolusyon na magkakaroon ng pagbabawas ng mga synchronous na klase, pati na rin ng mga bagong paksa.
Ngunit kung susuriing mabuti ang ipinatupad na panukalang ibinaba ng VCA, maituturing lamang itong ‘band-aid’ na solusyon para sa isang problemang matagal nang iniinda magmula noong nag-umpisa ang online learning. Sa halip na matugunan ang naunang hinaing ng mga mag-aaral, tila nadagdagan pa ito at naging dahilan pa upang mapag-iwanan ang iilan. Sa huli, hindi nabigyan ng panahon ang mga miyembro ng institusyon na makapagpahinga at makapaghanda sa pagharap sa panibagong pagsubok na dala ng pandemya.
Nakalulungkot isipin na para bang hindi nababahala ang mga nakatataas sa pagsusuri nila sa ibinahaging datos na masinop na kinalap ng USG. Kung tutuusin, hindi na dapat kailangan pang maghain ng resolusyon ng USG sapagkat responsibilidad ng administrasyon na mapangalagaan ang kalagayan ng mga mag-aaral. Hindi ba nakababahala na 1,999 na mag-aaral ang labis na naaapektuahan ng pandemya? Hindi pa ba sapat na rason ang mahigit 300 mag-aaral na nagpositibo sa COVID-19 sa buwan ng Abril, para tugunan ang hinaing? Batid naman ng lahat na nais mapangalagaan ang kalidad ng edukasyon sa Pamantasan, ngunit sa panahong ito na isang daplis na lamang ang layo ng pandemya sa buhay ng mga mag-aaral, marapat lamang na makabuo ng karampatang aksyon upang masigurong maisasaalang-alang hindi lamang ang kalidad ng edukasyon, kundi pati na rin ang kapakanan ng mga mag-aaral. Mahalaga ring maunawaang hindi lamang para sa mga estudyante ang panawagan para sa isang academic break kundi para sa bawat miyembro ng institusyon dahil sa bandang huli, walang sinasanto ang pandemyang ito, mapa-mag-aaral, guro, o empleyado.
Sa pagbibigay-tugon sa isang problemang buhay ang naaapektuhan, mahalagang maalala ng mga nakatataas na bagamat iisang pandemya ang nararanasan ng lahat, iba-iba pa rin ang katayuan sa buhay ng bawat isa. Hindi lahat mapalad na nakapagpapatuloy ng pag-aaral o pagtuturo nang walang iniindang pasanin sa kani-kanilang tirahan. Buhat nito, mahalagang inklusibong solusyon ang mabuo upang masigurong walang mapag-iiwanan.
Kailanman, hindi maituturing na irasyonal o hindi makatuwiran ang paghahangad ng pahinga sa gitna ng panahong walang pakundangang hinahamon ang katatagan at hangganan ng bawat isa. Hindi lamang oras at panahon ang hinihingi ng panawagang ito sapagkat isa rin itong paghihikayat sa mga nakatataas na makiisa sa mga miyembro ng institusyon, lalo na sa mga miyembrong lubhang naaapektuhan ng pandemya. Isa itong paalala na mga tao lamang din sila — nakararamdam ng pagod at pangamba.