Pinalitaw lalo ng pandemya ang katiwalian, kapabayaan, at kataksilan ng kasalukuyang administrasyon sa sinumpaang tungkulin nito sa sambayanang Pilipino. Kabi-kabila ang hinaing na isinasawalang-bahala. Patong-patong ang mga kaso ng karahasang ginagamit na estratehiya para siilin ang mga nangangalampag. Ngayong nalalapit na muli ang panahon ng pangangampanya at halalan sa susunod na taon, alalahanin natin lahat ng buhay na nawala at patuloy na nahihirapan. Isaisip natin ang ating hinaharap sa pagpili ng mga opisyal na iluluklok upang sunod na mamuno sa Pilipinas.
Sa ulat ni Commission on Elections Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas noong Pebrero, nasa mahigit 58 milyon na ang rehistradong botante para sa Halalan 2022. Ngayong nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine ang NCR Plus, nananatili pa ring suspendido ang rehistrasyon para sa pagboto. Ngunit kailan nga ba matatapos ang MECQ para maipagpatuloy ang rehistrasyon?
Magsasara ang rehistrasyon sa Setyembre 30, at sa palyadong tugon at kapabayaan ng kasalukuyang gobyerno, makikita ang epekto nito sa kahihinatnan ng eleksyon sa susunod na taon. Gayunpaman, hindi natin dapat hayaang mawalan tayo ng karapatang makilahok sa eleksyon dahil lamang sa kapalpakan ng administrasyon. Bilang pasimula, ipagpatuloy natin ang pangangalampag sa gobyerno upang maging ligtas ang pagpaparehistro sa mga site, nang maikasa natin ang unang hakbang para sa pagpapatala ng ating boto. Bukod dito, hikayatin natin ang iba na bigyang-atensyon ang bigat ng pangangailangan para sa mas malakas na pwersa mula sa masa tungo sa matagumpay na halalan. Sa pagsasagawa nito, alalahanin natin ang kahalagahan ng pagtalakay sa nararapat na layunin ng eleksyon: upang makapagluklok ng mga opisyal na may layuning makapaglingkod sa sambayanan at hindi upang mag-ipon ng kapangyarihan at magpakasasa sa kasikatan. Kilalanin natin ang mga iboboto dahil sa kanila nakasalalay ang landas ng bansa at kapakanan ng sambayanan.
Naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel sa kapangyarihan ng masa kahit pa paulit-ulit itong sinisiil ng mga trapong takot matanggalan ng kapangyarihan. Sa pagtahak sa panibagong yugto ng pamumuno sa bayang ilang taong nilapastangan ng administrasyong baliko ang priyoridad, makiisa tayo sa pagsisigurong hindi na muling mapapabayaan ang mga Pilipino. Kilalanin natin ang ating pagod, pakinggan natin ang hinaing ng ating kapwa, at tugunan ang bigat ng pangangailangan para sa epektibong pamamahala. Tapusin na natin ang panahong kinakailangan nating manawagan sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan dahil lamang sila ang karapatdapat hingan ng pananagutan.