Pagpapayabong ng negosyo sa gitna ng pandemya, binigyang-tuon sa ENRICH


INILUNSAD ang tatlong araw na aktibidad ng ENRICH: Entrepreneurial Resilience in Changing Times, sa pangunguna ng Englicom at Junior Entrepreneurs’ Marketing Association, nitong Abril 23-24 at Mayo 8. Layon nitong linangin ang kaalaman ng mga estudyante ukol sa pagkakaroon ng negosyo sa kabila ng pandemya. 

Negosyo sa gitna ng krisis

Tinalakay ni Enrique Soriano, Global Family Business Advisor, ang epektibong pagharap sa pandemya at kritikal na tungkulin ng mga kabataan dito. Panimula niya, “Many industries are beleaguered and the pandemic has crippled our life savings, but do we have a choice?” 

Bunsod nito, binigyang-diin ni Soriano na marapat nang baguhin ng mga negosyante ang kanilang pananaw ukol sa kasalukuyang estado ng ekonomiya. Paliwanag niya, nakatuon dapat ang kanilang atensyon sa mga bagay na kaya nilang kontrolin tulad ng gastos, produkto, at proseso. “Family firms should now rethink the current business models and initiate capacity building to anticipate changing external events,” paglalahad pa niya.

Binanggit din ni Soriano na konkretong plano at aksyon ang bubuhay sa mga negosyo sa panahon ngayon at hindi panalangin lamang. Aniya, bilis sa pagtanggap ng hamon ng pagbabago at husay sa pagganap ang magiging tanging sandata ng mga negosyante. Dagdag pa niya, marapat din na manatiling obhetibo at magkaroon sila ng malinaw na layunin. 

Samantala, binigyang linaw rin ni Soriano ang pagkakaiba ng karaniwang negosyo at family business. Saad niya, “In a family business, there is an overlap between family, business, and ownership. There is no accountability, and you’re not scared that you can be removed.” Kaugnay nito, kinakailangang magtakda ng mga panuntunan at tungkulin sa loob ng pamilya upang matagumpay na mapanatili ang negosyo. 

Bilang pagtatapos, hinikayat ni Soriano ang mga manonood na nagnanais pumasok sa pagnenegosyo na huwag nang mag-alinlangan. Sa halip, gamitin nila ang oras na ito para sa pagpaplano at pagsasapubliko ng produkto.    

Sumunod namang ibinida ni Jimmy Yaokasin, Chairman and President ng Toyota Tacloban Leyte Incorporated, ang kaniyang pamantayan para sa isang matagumpay na negosyo. Pagbabahagi niya, mahalagang salita ang TAOKE sa pagpapanatili ng magandang pagganap ng kaniyang mga empleyado. 

Sumisimbolo ang letrang T sa “Take care of your employees” at A naman para sa “Adapt to the situation.” Paliwanang ni Yaokasin, tinulungan nilang makabangon ang kanilang mga empleyado noong tamaan ng Yolanda ang kanilang probinsya at noong magkaroon ng pandemya sa Pilipinas. Naglaan sila ng badyet para sa kanilang tutuluyan, shuttle service, pagkain, face masks, at alkohol. 

Samantala, nangangahulugang “Open Communication” at “Kaizen” naman ang letrang O at K. Nakatuon ang mga salitang ito sa kabuuang proseso ng kompanya upang masigurong napananatili ang patuloy na pagpapabuti ng serbisyo. Gayundin, sinisikap nilang makabuo ng isang magandang relasyon sa kanilang mga kliyente sa pamamagitan ng pagdiriwang ng kanilang mga kaarawan sa showroom ng gusali. Sumisimbolo ito sa letrang E na nangangahulugang “Extra miles for your customers.”

Paglalahad ni Yaokasin, mahalagang aspekto rin ng kanilang tagumpay ang pagkakaroon ng isang tiyak na layunin at epektibong pamumuno. Saad niya, “Do everything fast, don’t delay things, don’t keep on waiting.” Dagdag pa rito, hinikayat din niya ang mga Lasalyano na huwag munang piliting pasukin ang mundo ng family business lalo na kung kaya pa itong patakbuhin ng kanilang mga magulang.

Tagumpay ng negosyong panlipunan 

Itinampok naman sa ikalawang araw ng aktibidad ang mga negosyo sa larangan ng social entrepreneurship. Pinangunahan ni Rosalina Tan, founder ng Pili Ani at chairman ng Save Our Soul Foundation, ang paglalatag ng mga ideya. “My fulfillment in life is my involvement in the Organic Movement,” pagsasaad ni Tan ukol sa kaniyang adbokasiya sa organic movement.

Itinaas niya ang kahalagahan ng organikong pamumuhay at ang pagbabagong idinulot ng langis ng Pili sa buhay ng maraming indibidwal. Aniya, hindi pinapansin dati ang taglay na potensyal ng langis ng Pili sa kanilang lugar dahil na rin sa ibang mga produktong agrikultural na nakasanayan nang itanim. 

Binigyang-tuon ni Tan ang kaniyang adbokasiya sa pagpapabuti ng kalagayan ng komunidad na kaniyang tinutulungan. Subalit, ipinunto niyang tutulungan lamang nila ang mga taong nais magpatulong. Dagdag pa rito, pinaalala rin niyang priyoridad dapat ang pagpapalago ng negosyo bago tumulong nang tumulong sa kapwa. “Make money first, then when you already have the money, start helping people,” pahayag niya.

Sa kabilang banda, nakatuon naman sa natatanging pamamaraan ng pagnenegosyo ang presentasyon ni Jon Gancayco, presidente ng RE/MAX Portfolio Brokerage. Pagbabahagi niya, binubuo ng hindi makasariling layunin at epektibong pamamaraan ng paghatid ng adbokasiya ang isang mainam na social enterprise. Bunsod nito, mas mahihikayat ang mamimili na tangkilikin ang produkto kahit na malaking halaga ang kapalit. Ilan sa mga kilalang social enterprise ang The Bamboo Project at Greenelas PH.

Inudyok din ni Gancayco na pasukin ng mga Lasalyano ang mundo ng social enterprise dahil na rin sa mga kapakinabangang dulot nito kompara sa tradisyonal na negosyo. Aniya, maaaring makahingi ng mas mababang presyo sa mga tagapagtustos ng negosyo at ibenta ito sa mas malaking halaga kalaunan. Sa ganitong pamamaraan, makalilikom ng mas malaking kita ang negosyante at maisusulong ang ipinaglalabang adbokasiya. 

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng payo si Gancayco para sa mga Lasalyanong magsisimula na sa kanilang karera. Aniya, manatiling matiyaga at uhaw sa pagkatuto. Kinakailangan ding hubugin ang kakayahan at personal na katangian. “Don’t expect the moon and the stars,” pagdidiin niya.

Nanaig na grupo sa Entrepreneurs’ Cup

Sa kabilang banda, bahagi rin ng kabuuang programa ng ENRICH ang case competition na pinamagatang Entrepreneurs’ Cup: Conquering Challenges. Layon nitong mas payabungin ang kaalaman ng mga kalahok sa negosyo at merkado sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsubok na nangyayari sa tunay na mundo ng pagnenegosyo, na kinakailangang bigyang-tugon at solusyon ng mga kalahok.

Mula sa 21 grupo na sumali sa kompetisyon, lima lamang ang napiling maglaban-laban sa pinal na kompetisyon na ginanap noong Mayo 8. Napabilang dito ang grupong PATEK, EZTK, RAYBANS, PERCY, at JUBIBOS. Mula rito, kinilala ang tatlong nagwaging grupo sa naturang kompetisyon batay sa masusing pagpili ng mga hurado na sina Patrick Hariramani, propesor mula sa departamento ng Decision Sciences and Innovation, at Rajan Sadhwani, propesor sa departamento ng Marketing at Advertising ng Pamantasang De La Salle.

Itinanghal na kampeon ang grupong EZTK na binubuo nina Franceska Glen Gacal, Gwyneth Santos, Ritch Traballo, Josef Villanueva, at Raphael Zaballero. Nasungkit naman nina Shannen Marl Casugbo, Dasha Miranda, Myanne Ontejo, Patricia Prieto, at Eleanor Siga-an, mga miyembro ng grupong PATEK, ang ikalawang puwesto. Nakuha naman ng grupong JUBIBOS ang ikatlong puwesto. Kabilang dito sina Drew Skyler Co, Bea Angela Gaw, Sean Licayan, Anika Ng, at Nates Ong. 

Sa pagtatapos ng kabuuang aktibidad ng ENRICH, ipinahayag ng mga tagapamahala ng programa na sina Trisha To Chip, Gian Tiu, Kathryn Ong, at Akeesha Ortega sa kanilang naging panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, na inaasahan nilang natutunan ng mga kalahok na hindi madali ang pagtatayo ng isang negosyo lalo na sa panahon ng pandemya. Sa kabila nito, hindi ito dapat maging hadlang sa kanilang tagumpay sa buhay. 

Dagdag pa rito, naniniwala rin silang kombinasyon ng pagod at pagsusumikap ang proseso ng pagkamit sa tagumpay. Ayon pa sa kanila, “Maraming pagbabago ang dapat gawin at kailangang umangkop sila sa sitwasyon ngayon. Pero lagi nilang alalahanin na walang negosyo ang natatayo sa isang araw lang.”