Walang sa’yo, China, amin lang ang West Philippine Sea (WPS). Sa mga teleserye at pelikula, tila napakadaling makipag-agawan makuha lamang ang bagay na alam mong sa’yo naman talaga dapat. Walang pero, pero, dahil sigurado kang may karapatan ka at alam mong mahalaga ito sa’yo para pabayaan at pakawalan kaya naman ipaglalaban mo ito nang walang pag-aalinlangan. Ngunit bakit parati ata tayong tameme sa usaping WPS?
Kamakailan lamang ng pumutok ang balita hinggil sa pagtaboy ng dalawang Chinese navy vessel sa sinasakyang bangka ng mamamahayag na si Chiara Zambrano, kasama ang kaniyang crew mula sa ABS CBN. Tumungo sila malapit sa Ayungin shoal upang alamin at iulat ang sitwasyon ng mga mangingisdang Pilipino sa WPS matapos kumalat ang balitang dumarami na ang mga barkong pag-aari ng China sa naturang dagat. Sa halip na makalap ang impormasyon, pananakot mula sa Chinese coast guard ang kanilang natamo at napatunayan lamang nito ang pamamalagi ng mga barkong pandigma ng China sa lugar na bahagi pa rin ng ating exclusive economic zone.
Bilang kapwa mamamahayag, tunay na nakababahala at nakagagalit ang pangyayaring ito, hindi katanggap-tanggap na kayang-kaya tayong sindakin ng mga Tsino sa sarili nating teritoryo. Hindi kailanman magiging tama na tayo na ang inaagawan sa teritoryong atin naman, tayo pa ang agrabyado palagi. Sila na nga ang nang-agaw pero sila pa ang palaging matapang. Hindi ito ang unang beses at maaaring hindi rin ito ang huli sapagkat hangga’t walang ginagawang kongkretong aksyon para matugunan ang suliraning ito, walang mangyayari at patuloy lamang nila tayong mamaliitin.
Hindi naman pakikipagsagupaan sa China ang hinihingi natin dahil wala tayong sapat na kagamitan para sa isang digmaan. Pero hindi rin naman maaaring parati na lamang itong ipagsawalang-bahala ng mga kinauukulan dahil proteksyon ng mamamayang Pilipino at kalagayan ng soberanya ng ating bansa ang nakataya rito. Hahayaan na lamang ba natin na mawala ang pangkabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa sarili nating karagatan? Tayo na lang ba palagi ang kailangang umiwas at tumakbo palayo mula sa kanila?
Nawa’y makita rin natin sa pinuno ng ating bansa ang katapangang ipinamalas nina Chiara Zambrano sa pagtataas ng kamalayan hinggil sa WPS. Makita man lang sana natin ang mabilisang pagtugon at matapang na paninindigan sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas mula sa mga mapaniil na dayuhan. ‘Yun bang maging kampante man lang ang mga Pilipino na ligtas sila mula sa mga banta ng China? Tipong matitiyak na hindi sila basta-basta mapapahamak dahil mayroong mga nakaantabay na puwersa para bigyan sila ng sapat na proteksyon sa anomang atake.
Dahil sa huli, katulad ng mga bida sa teleserye at pelikula, tayo naman ang nasa tama at tayo ang tunay na nagmamay-ari ng WPS kaya nararapat lamang na ipaglaban natin ang karapatang mayroon tayo.