Maaliwalas at tahimik ang paligid ng daang tinatahak ng pampublikong sasakyang aking kinalalagyan. Pagkakataon sana ang araw na ito upang magpahinga—samantalahin ang pagkakataon na makabawi ng tulog at maglaan ng oras para higit na makasama ang pamilya—ngunit piniling magtungo sa labang magaganap. Nag-iiwan ng takot sa puso’t isipan ang kawalan ng garantiya sa maaaring mangyari sa aking pupuntahan.
“Ayudang sapat, para sa lahat!” — mga katagang kaagad na maririnig kasabay ng iba pang malalakas na sigaw na umaalingawngaw sa paligid. Walang humpay ang pagwagayway ng mga bandera habang patuloy silang nagmamartsa at inihihiyaw ang kanilang mga hinaing.
Nagtipon ang lahat para sa iisang layunin—ang Mayo Uno na nararapat sanang pagbibigay-parangal sa mga manggagawa, ngunit isa ito ngayong pagtitipong naglalayong ipaalala at isulong ang mga karapatang ipinagkait sa madla. Sa ilalim ng maalinsangang araw, hindi batid ang pawis na tumatagaktak sa katawan ng bawat isa.
Sa loob ng mobilisasyon
“Magpapatuloy ba o hindi?” — paulit-ulit kong itinatanong sa sarili habang pinipilit na bumangon sa higaan na aking kinaririmlan. Magkahalong pagkasabik at pangamba ang aking nadarama: pagkasabik sa diwang makasama sa isang pagtitipong may layuning bigyan-pansin ang di-makatarungang nangyayari sa mga manggagawa, ngunit malakas din ang hatak ng kaakibat nitong pangamba na baka masilayan na lamang kami sa karaniwang balitang napapanood sa midya, na maakusahan kami bilang isang terorista.
Habang isinusuot ko pa lamang ang aking sapatos, dumating na sa akin ang mensaheng nagsasabing nag-iba na umano ang lugar na pagdarausan — mula sa unang plano na Liwasang Bonifacio, nalipat ito sa Welcome Rotonda. Agad pumasok sa isipan ang Liwasang Bonifacio—isang lugar na may malaking imahen ng mga Katipunero na pinangungunahan ni Bonifacio, simbolo ng rebolusyonaryong Pilipino na nakipaglaban sa mga mapang-aping dayuhan. Sa pagbagtas ng sasakyan sa daan tungo sa nasabing lugar, tanaw ang barikada at ilang mga sundalong nagbabantay. Tanong ko sa aking isipan, “takot na takot ba ang pamahalaan sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino?”
Muli akong nakatanggap ng mensahe na pinaalalahanan naman akong mag-ingat at pinapayuhang gumawa na lamang ng dahilan kapag kinuwestiyon ako ng awtoridad; hindi umano nararapat sabihing papunta ako sa mobilisasyon. Kaya naman hindi ko maiaalis sa aking sarili ang pag-aatubiling magpatuloy—nagdadalawang-isip kung dapat pa bang sumuong sapagkat napakaraming nakapaligid na sundalo at nakapuwestong pulisyang may dala-dalang armas. Tila ba handa sila sa parating na kaaway at sa isang hudyat, susugod sa nangangalampag na mga mamamayan. Gayunpaman, nilakasan ko pa rin ang aking loob at patuloy na nagtungo ang aking mga paa sa lugar ng mobilisasyon—ang pagtitipong binubuo ng iba’t ibang sektor, anoman ang edad, antas o katayuan sa buhay; may layunin silang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa na kung tutuusin, isa ring pagpupugay para sa mga manggagawa tuwing unang araw ng Mayo.
Halos ‘di magkamayaw ang lugar ng akin itong masilayan dahil sa dami ng taong pumunta at nakilahok sa nasabing pagtitipon. Nagsama-sama ang mga progresibong grupong may iisang adhikain. Binubuo rin sila ng mga indibidwal na mula pa sa malalayong lugar: may mga taga-Laguna at mayroon ding galing sa mga lungsod sa loob ng NCR. May iilan ding may dala-dalang bisikletang may nakasabit na karatula ng kanilang mga adhikain at panawagan.
Ibinabahagi sa lahat ang mga karatulang naglalaman ng mga hinaing sa kasalukuyang pamahalaan: “10k ayuda, ibigay na! 100 wage salary increase para sa manggagawa! Sahod itaas, presyo ibaba!” — ilan lamang iyan sa mga mensahe sa karatula. Itinataas at ibinabandera ito para ipagsigawan ang kawalang-katarungan at patuloy na pagtapak sa karapatan ng mga manggagawa. Bukod pa rito, kanila ring tinuligsa ang matagal nang inirereklamong solusyong militar—sa halip na tulong medikal ngayong pandemya—na nag-iwan lamang ng takot sa maraming tao at hindi talaga nakapagresolba ng problema. Ipinaalala rin nila ang mga pangakong napako tulad na lamang ng regularisasyon ng mga manggagawa at pagpapahinto sa ENDO.
Para bang hindi alintana ng marami ang mainit na sikat ng araw at pagkangalay ng katawan sa tagal nilang nakatayo. Sa bawat pagsigaw at pagtaas ng mga karatula, rinig na rinig ng aking tainga ang pagngalit ng bawat isa. Habang hawak-hawak ang karatula at nag-iikot sa lugar, nakilala ko si Roy Seraspe, isa sa mga mangagawa na nagtatrabaho sa Harbor Center na nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya. Bakas sa kaniyang mukha ang lungkot nang mawala ang kaniyang trabaho matapos niyang magsikap nang mahabang panahon.
Inilahad ni Seraspe ang hirap na kaniyang naranasan noong nagtatrabaho pa siya, “pag na-late kami na 5 mins lang o 3 min tas kakaltasan na agad kami ng 1 oras na sahod.” Lalong humigpit ang aking pagkakahawak sa karatula habang siya’y nagbabahagi, kitang-kita sa kaniyang mukha ang pagkadismaya sa karanasang ito.
Dagdag pa ni Seraspe, kinailangan din nilang magtrabaho nang labindalawang oras at binibigyan lamang sila ng kakarampot na pahinga para kumain. Bagamat nanalo na sila sa kasong kanilang isinampa matapos maranasan ang nasabing pangmamaltrato, wala pa rin umanong naging aksyon ang DOLE, maging ang gobyerno, para ipatupad ang batas at ibalik na sila ng kapitalistang kompanya sa kanilang mga trabaho. Sa kadahilanang ito, naniniwala siya na ang pagsama at pagsuporta sa ganitong pagkilos ang “kailangan para mawakasan na ang mga tanikala sa aming mga manggagawa,” aniya.
Wala mang kasiguraduhan, inihahanda nila ang sarili sa pakikipaglaban—para sa karapatan ng mga manggagawa, gamit ang tinig bilang sandata. Handang tumayo nang ilang oras sa ilalim ng nakasusunog na araw, maubusan man ng boses kakasigaw, maiparinig lamang ang hinaing nang sa gayon matanggal na ang tanikalang gumagapos sa lahat.
Tinig ng mobilisasyon
Sa pandemyang kinahaharap, isang hamon ang mag-organisa ng malawakang mobilisasyon. Kailangan isaisip at isaalang-alang ang mga panuntunang pangkalusugan, tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield. Walang patid na pinaalalahanan ang lahat na sumunod sa health protocols at nang magsilbi silang patunay na kayang sumunod sa batas habang ipinaglalaban ang karapatan.
Sa kabila ng panghaharang ng mga armadong kapulisan sa programang dapat ilulunsad sa Liwasang Bonifacio, hindi nagpatinag ang iba’t ibang sektor sa pagpupugay sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Nagsimula ang programa sa maikling martsa sa Welcome Rotonda. Malalakas na sigaw ng panawagan na nagsasabing “Duterte resign!” ang maririnig sa paligid na nahahaluan din ng mga diskusyong naglalaman ng sariling karanasan ng bawat grupo ukol sa pagkikibit-balikat ng pamahalaan sa kanilang mga naging paghihirap.
Punong puno ng pagkadismaya at poot sa kapabayaan ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang bawat salita. Subalit, hindi lamang pagsigaw at pagmartsa ang naganap sa kilusan; nasubaybayan din dito ang mga nakamamanghang kultural na pagtatanghal tulad ng pag-awit na gumagamit ng mga lirikong tumutuligsa sa rehimeng Duterte.
Tunay na maraming kilalang grupo ang dumalo; kasama na rito ang Anakbayan—isang pambansa-demokratikong komprehensibong organisasyong binubuo ng kabataan na naglalayong isulong at ipaglaban ang karapatan ng masang Pilipino.
Nagkaroon ako ng pagkakataong makapanayam ang isang miyembro ng Anakbayan-Manila na si Rain Delos Reyes. Ibinahagi niya ang kaniyang perspektiba sa pagsama sa mga mobilisasyon. “Ang mobilisasyon ay isang paraan ng propaganda upang mai-amplify ang panawagan ng mga manggagawa, kasabay rin nito ang pagkakaroon ng educational discussions upang lalong makapagpamulat ng masa,” may pagdiriing sambit niya.
Makikita sa kaniya ang lubhang pagkadismaya at lantarang pagtuligsa sa kasalukuyang nangyayari habang isinalaysay niya ang mga pagkakataong hindi tinugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa, at sa halip ay ipinahamak pa. “Sunud-sunod ang pag-atake at panunupil sa mga lider-manggagawa ng mga unyon. Tahasang pangre-red tag, harassment, iligal na pag-aresto, pagpatay at iligal na pag-aresto sa human rights day [unyonista]…ang tugon ng estado sa panawagan ng mga manggagawa,” paliwanag ni Delos Reyes.
Tunay ngang handang makipagsapalaran ang kabataan kahit na may panganib. Handa nilang gamitin ang sarili upang maging boses sa mga inaapi. Bagamat hindi na tulad ng dati ang bilang ng mga nakadadalo sa mga pagkilos dulot ng nalimitahang paraan ng pag-iimbita ngayong pandemya, hindi ito naging hadlang para makapagsagawa sila ng malawakang pagtitipon. Samakatuwid, mayroong pa ring pagtitipon ang bawat rehiyon habang sinisiguro nilang sumusunod ang lahat sa health protocols.
Laban ng Manggagawa
Taas-noo at matapang na nagtungo ang bawat isa sa pagtitipon habang dala-dala ang matinding galit laban sa maling pamamahala ng pamahalaan. Patuloy na lalaban ang kabataan at makikiisa para maisulong ang karapatan ng lahat at hanggang maitatag ang isang bagong lipunang walang puwang sa pananamantala o pang-aapi.
Nakatayo sa gitna ng madla, habang patuloy na kinamamanghaan ang nangyayari sa paligid. Napakaraming nagkakaisang manggagawa na sabay-sabay na sumisigaw ng kanilang hinaing at layunin. Nag-aalinlangan ang sarili noong una ngunit handa na ngayong magpatuloy pa sa pagmartsa. Patuloy man ang pagtulo ng pawis buhat ng mainit na sikat ng araw, magpapatuloy pa rin sa pagtahak ng daan tungo sa lipunang malaya.
Hanggang sa muling pagsama sa mobilisasyon, dadalhin sa puso’t isipan ang labang kinahaharap ng lahat ng mamamayan. Pagod man ang dulot sa pisikal na katawan, hindi ito maihahalintulad sa hirap na pinagdaraanan ng uring manggagawa. Sa aking paglisan, habang tinatahak ang natahimik nang kapaligiran, baon-baon pa rin sa isip ang mga hiyaw na punong-puno ng damdamin—damdamin ng mga manggagawang humihiling ng karapatang nararapat lamang para sa lahat.