BINIGYANG-PUGAY ng Department of Health (DOH) ang ilang healthcare worker sa bansa para sa kanilang kadakilaan at pagiging bakunador ng kabataan kontra measles, polio, at rubella, sa isinagawang Champions Recognition, Abril 29. Bilang pagdiriwang ng World Immunization Week 2021, sinuri ng DOH ang kalakasan at kahinaan ng kampanyang pamamahagi ng bakuna at pinasalamatan ang ilang healthcare worker na nakatanggap ng sertipiko ng pagkilala.
Ipinagmalaki ni DOH Secretary Francisco T. Duque III ang tagumpay ng programang Chikiting Ligtas kahit kasalukuyang sumasailalim ang bansa sa community quarantine. Isinaad niyang nagkaisa ang mga bakunador sa adbokasiyang pagpapalusog ng kabataan dahil sila ang magmamana ng yamang likas ng bansa. Aniya, magsisilbing pundasyon ang Chikiting Ligtas para sa pangangalaga ng mga healthcare worker sa pampublikong kalusugan.
Sumunod namang ipinahayag ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines, ang kaniyang pagkamangha sa layunin ng programang Chikiting Ligtas sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas. Pinuri ni Abeyasinghe ang mga healthcare worker na nagbakuna sa kabataang Pilipino dahil mahalaga ito upang malayo ang kabataan sa panganib na dulot ng COVID-19. Bilang paglalahat, iginiit ni Abeyasinghe na, “Vaccines bring us closer. . . As always, we, at WHO continue to support the government and work with partners in ensuring that no unvaccinated child is left behind.”
Isang mahalagang mensahe naman ang hatid ni Oyunsaikhan Dendevronov, United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines Representative. “We see you,” aniya. Aminado siyang ramdam ng UNICEF ang pagod at tiyaga ng mga healthcare worker na dumadanas ng matinding pagsubok, katulad ng pagtawid sa mga ilog at bundok, upang maipamahagi ang naaayon na bakuna sa kabataang nakatira sa mga liblib na lugar. Isinaad niyang isang karangalan ang pagdiriwang na ito sa laban ng mga healthcare worker kontra COVID-19, pati sa nagbabadyang measles, polio, at rubella outbreak dahil patuloy pa rin ang panganib ng mga ito sa panahon ng pandemya.
Ibinahagi naman ni Dr. Kim Patrick Tejano ang tagumpay ng Chikiting Ligtas na naglayong mabakunahan ang kabataang Pilipino upang mapabagal at makitil ang pagkalat ng measles at polio sa bansa. Pag-uulat ni Tejano, nabakunahan ng Measles and Rubella virus vaccine ang 90.3% ng mga bata at 87.4% naman ang nabakunahan ng Oral Poliovirus Vaccine. Ipinagmalaki rin ni Tejano ang pagiging sentralisado ng mga gawain at pagbuo ng magandang planong nagdulot ng maayos na daloy at aksyon sa mga lokal na pamahalaan.
Bukod dito, napagtanto sa Chikiting Ligtas na mahalagang pagtibayin ang sistema at palakasin ang relasyon sa Local Chief Executives (LCEs) pati sa iba pang mga katuwang. Ninanais ding magkaroon ng real-time monitoring dashboard para magkaroon ng mas maayos na sistema ng pagbabakuna sa bansa. Ayon kay Tejano, kahit may mga pagkukulang, nagawa ng Chikiting Ligtas na bakunahan ang mga batang nasa geographically isolated and depressed areas. Bunsod nito, nakipagtulungan ang DOH sa Armed Forces of the Philippines, coast guard, at iba pang ahensya ng gobyerno upang maisakatuparan ang maayos na pamamahagi ng bakuna sa bansa.
Sa pagpapatuloy ng programa, nagpasalamat ang mga BakuNanay na pinangunahan ni Camille Prats at sinundan ng iba pang mga nanay. Pinasalamatan din ng DOH ang mga katuwang ng Chikiting Ligtas dahil sa patuloy na suporta sa pagpapabuti ng pampublikong kalusugan, lalo na sa kabataan.
Pinahalagahan naman ni Mayor Enrico Roque ang mga LCE at mga magulang mula sa Rehiyon 3 dahil naging matiwasay ang pagbabakuna sa kanilang lugar. Tumugon naman sina Incah Gelina Alasa at Solaica Barani ng pasasalamat sa pagkilala sa mga katulad nilang bakunador. Sinundan sila ni Joselyn A. Eusebio, MD, presidente ng Philippine Pediatrics Society, at ibinahagi na lagi silang susuporta sa kampanya ng DOH ukol sa pagbabakuna. Isinaad naman ni Stephanie Orlino, assistant vice president ng Community Relations mula sa Smart Communications Inc., na patuloy silang magtataguyod ng kampanya ng pagbabakuna sa pamamagitan ng text blast.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng panghuling mensahe si DOH Undersecretary Dr. Maria Rosario S. Vergeire. Iginiit niyang importante ang routine immunization sa measles at polio kahit may pandemya, at hinikayat niya ang sambayanang Pilipino na makipagtulungan sa DOH upang maging mas malusog ang kabataan. Pagpapatunay ito na hindi lamang nakaliligtas ng buhay ang pagbabakuna ngunit isang daan din ito upang muling magsama-sama ang pamilyang Pilipino.