PINARANGALAN ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na mahusay na naisulong ang pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas, rubella, at polio, sa idinaos na Town Hall for Routine Immunization bilang paggunita sa World Immunization Week 2021, Abril 30.
Pinangunahan ni Dr. Myrna Cabotaje, Undersecretary ng Health – Field Implementation, ang pagbibigay-parangal sa mga lokal na pamahalaan sa kanilang ipinamalas na kahusayan sa pagsulong ng pagbabakuna. Kinilala ng Kagawaran ang mga lokal na pamahalaang lumagpas sa 85% ng populasyon ng mga bata ang matagumpay na nabakunahan.
Kabilang sa pinarangalan ang ilang mga lungsod sa National Capital Region, kasama ang Las Piñas, Makati, Malabon, Maynila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, Taguig, at Valenzuela. Pinarangalan din ang ilang mga probinsya, katulad ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Aurora, Cavite, Laguna, Camarines Sur, Capiz, Guimaras, Zamboanga Sibugay, Sarangani, Davao del Norte, at Compostela Valley, at mga lungsod ng Angeles City, Puerto Princesa City, Dagupan City, at Davao City.
Ipinahatid naman ni Cabotaje ang kaniyang pagbati sa mga tumanggap ng parangal. Aniya, “May we continue to work hard hand in hand toward our ambition of fully immunized children.”
Samantala, ipinakita ni Dingalan City Mayor Shierwin Taay ang mga hakbang na kanilang isinasagawa upang mapagtagumpayan ang kampanya ng pagbabakuna. Matapos umanong maiulat ang pagdadalawang-isip ng mga magulang sa pagbabakuna, hiningi niya ang tulong ng mga lider ng simbahan ng bawat komunidad upang paliwanagan ang mga magulang ukol sa mga agam-agam at maling impormasyon patungkol sa mga bakuna.
“Dahil hindi lahat ay agarang tumugon sa ating panawagan dahil sa takot at maling impormasyon patungkol sa bakuna ay ipinatawag natin ang ilang mga church leaders upang sila’y personal na mapaliwanagan kasama ang ating municipal health officer at ipinakita sa kanila ang kahalagahan ng nasabing bakuna,” paliwanag ni Taay.
Hinikayat din ni Taay ang iba pang kasama niyang Local Chief Executives (LCEs) upang higit na palakasin ang suporta sa lahat ng programa ng DOH, lalo na sa isinusulong na National Immunization Program. Aniya, kasama ang kalusugan ng kanilang nasasakupan sa responsibilidad nila bilang lider ng kanilang mga bayan. “Higit kailanman, maging priyoridad natin ang kalusugan sapagkat ito ang tanging yaman ng ating bayan,” panapos na panawagan ni Taay.
Tinalakay naman ni Dr. Kim Patrick Tejano, National Immunization Program Manager, ang mga pagsubok na kanilang kinahaharap sa pagsusulong ng pagbabakuna at ang mga aral na nakuha nila mula rito. Saad niya, naging sagabal ang polio outbreak, pagkontrol sa measles outbreak, at ang kasalukuyang pandemyang kinahaharap ng bansa.
“Internally, the campaign faced limitations in the number of human resources for health, as they also had performed other duties like responding to COVID-19 surges,” pahayag ni Tejano. Nagpababagal din sa kanilang kampanya ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang mga lugar sa bansa.
Binigyang-pugay rin ni Tejano ang mga LCE sa kanilang partisipasyon sa nasabing kampanya, lalo na sa pagbuo ng tiwala ng mga residente patungkol sa pagbabakuna. Ayon sa kaniya, naging susi sa tagumpay ng kanilang kampanya ang mahusay na pakikipagtulungan ng mga LCE, mula lokal na pamahalaan hanggang sa mga opisyal ng barangay. “With the help of all stakeholders, we were able to reach beyond reach,” dagdag ni Tejano.
Ipinahayag naman ni Dr. Samuele Anton Quizon, Medical Officer III mula sa DOH, ang adhikain nilang maging “competent, motivated, and supported to live a healthy lifestyle” ang mga Pilipino pagsapit ng taong 2040. Kasama rito ang pagiging bihasa sa mga isyung pangkalusugan.
Dagdag ni Quizon, mariing kinikilala ng DOH ang gampanin ng mga lokal na pamumuno sa pagsulong ng kalusugan sa mga komunidad, lalo na ngayong mabigat ang kinahaharap ng healthcare workers. Isiniwalat din niya ang kanilang estratehiya sa pagsulong ng kalusugan sa pamamagitan ng mga playbook na naglalaman ng mga layunin at proseso para sa pakikilahok ng mga miyembro ng komunidad bilang tagapakilos sa lipunan sa pagsulong ng pagbabakuna, partikular sa mga magulang na nag-aalinlangang ipabakuna ang kanilang mga anak.
“Unimmunized children are rapidly increasing due to vaccine hesitancy among parents and caregivers. This places our communities at risk for outbreak,” pahayag ni Quizon.
Sa huling bahagi ng programa, nagbigay ng panapos na mensahe si Tejano. Ipinagmalaki niyang isa ang Pilipinas sa mga nagpatuloy pa rin sa kampanyang ito bagamat may kinahaharap na pandemya. “The achievement of the Chikiting Ligtas campaign together with the development of the immunization playbook made us aspire for a renewed and continuous commitment from our partners, especially LCEs to reduce the morbidity and mortality of children against the most common vaccine preventable diseases,” pahayag ni Tejano.