NILINAW ng Department of Health (DOH) at theAsianparent Philippines ang impormasyon sa bakuna at pagbabakuna sa isinagawang talakayang “Bakuna Real Talks” na dinaluhan nina Dr. Beverly Ho, DOH director for Health Promotion Bureau and Disease Prevention and Control Bureau, at Dr. Kim Tejano, manager of National Immunization Program, Abril 27.
Ayon kay Tejano, nakipag-ugnayan ang DOH sa iba’t ibang organisasyon, katulad ng theAsianparent Philippines, upang mapalakas ang kampanya ukol sa pagpapalawak ng impormasyon sa pagbabakuna bilang pagdiriwang ng World Immunization Week 2021. “Everyday simula kahapon [Abril 26] hanggang Biyernes [Abril 30], meron po tayong mga events. Pwede ninyo pong tingnan [ang mga] ito sa Healthy Pilipinas [Facebook] page ng DOH,” pagpapatuloy ni Tejano.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Tejano ang isinasagawang National Immunization Program ng DOH. Aniya, makakukuha ng pitong libreng bakuna ang mga sanggol sa kani-kanilang mga barangay health care center sa loob ng kanilang immunization schedule.
“May pitong bakuna [sa National Immunization Program] laban sa 11 na organismo [at makukuha ang mga ito] sa limang visit lang po natin sa health center. Nandiyan ang BCG [vaccine] na laban sa TB [tuberculosis]. Binibigay po natin iyan sa ating baby pagkapanganak nila, kasama ang Hepa B vaccine na laban sa Hepa B [Hepatitis B],” pagliliinaw ni Tejano.
Binanggit din ni Tejano na bumaba ang lebel ng routine immunization sa Pilipinas simula 2015. Mula sa 69.96% coverage noong 2015, naging 61.49% na lamang ito noong 2020. Isa sa mga naging dahilan ng agarang pagbabang ito ang pandemyang dulot ng COVID-19 at ang re-deployment ng mga health care worker.
Bilang pagtatapos ng presentasyon ni Tejano, ipinaliwanag niya ang konsepto ng “herd immunity.” Aniya, makakamit lamang ang estadong herd immunity sa pagkakataong nakatanggap na ng bakuna ang 90% ng populasyon sa Pilipinas. “For example po ‘yung measles, kapag 95% po ng populasyon ay may bakuna sa measles containing vaccine, assured po tayo na ‘yung mga hindi nabakunahan mababa ang tyansa na magkaroon ng tigdas din,” ani Tejano.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Ho ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kumpletong bakuna. Aniya, kung hindi magpabakuna ang isang tao o kung hindi magpabakuna sa tamang iskedyul, mas madali siyang makapitan ng sakit o anomang impeksyon.
“Ang bottom line is magkakasakit si baby [kung hindi siya nabigyan ng kumpletong bakuna]. It’s an assault sa katawan ni baby na napaka-fragile. Those assaults can mean pwede silang gumaling pero [maaaring] lumagi nang matagal sa hospital or ‘yung iba ang pinaka-sad doon, pwede nilang ikamatay,” pagpapaliwanag ni Ho.
Bukod pa rito, binanggit ni Ho na pinahahaba ng bakuna ang buhay ng isang tao. Aniya, namamatay ang karamihan ng mga tao noon sa panahong umaabot na sa 50 taong gulang dahil kulang sila sa proteksyong galing sa bakuna.
Sumang-ayon din si Ho kay Tejano sa kahalagahan ng pag-abot ng herd immunity. “Important sa atin na magpabakuna. To a certain extent pwede nating isipin na we just don’t do it for ourselves, for our kids but for all the kids in the entire community. . . It’s not just an individual responsibility kung hindi collective responsibility natin,” pagdidiin ni Ho.
Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Tejano na mahalaga ang pagkakaroon ng bakuna bilang proteksyon dahil mabisang sandata ito sa iba’t ibang sakit, lalo na sa panahon ngayon. Nanawagan din si Ho sa mga may duda sa bisa ng bakuna na maniwala sa mga ebidensyang nagpapakita ng pagkabisa nito, at sinabing hindi ito nagdudulot ng mga malalang side effects o anomang sakit, katulad ng autism. Dagdag niya, ugaliing magbasa ng mga totoong impormasyon at siyentipikong pag-aaral ukol sa pagbabakuna upang magkaroon ng tamang kaalaman sa paksang ito. Bilang mamamayan, magtulungan upang labanan ang pagkalat ng maling impormasyon sa pagbabakuna.