BINIGYANG-DIIN ng mga doktor, health care expert, at stakeholder ang mahalagang papel ng bakuna tungo sa pagbuo ng mas ligtas na komunidad at muling pagsasama-sama ng pamilyang Pilipino, sa isinagawang Health Connect: Get Vaccinated Pamilyang Bida Forum, Abril 28.
Sa pangunguna ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines, katuwang ang Philippine Medical Association, Philippine Foundation for Vaccination, at Department of Health (DOH), nagsama-sama ang midya, health care experts, at policy makers upang talakayin ang mga usaping mayroong kinalaman sa pampublikong kalusugan. Sa ikapitong edisyon ng Health Connect, sumentro ang talakayan sa mahalagang gampanin ng bakuna upang maibsan ang pagkakaroon ng sakit ng mga bata at matatanda sa mga vaccine-preventable diseases at ang pagkalat nito sa komunidad.
Iniulat ni Dr. Kim Patrick Tejano, program manager ng National Immunization Program ng DOH, na kaugnay ng pagputok ng sakit na polio noong 2014 at 2019, mayroong kasalukuyang tala na 17 kaso ng polio sa bansa, ayon sa pinakahuling datos ng DOH noong Setyembre 2020. Bunsod nito, binuo ng ahensya ang CHIKITING LIGTAS, isang Measles-rubella supplemental activity na naglalayong pigilan ang pagkalat ng sakit. Isang whole of society approach ang pagtataguyod na ito ng DOH na binubuo ng pambansang ahensya, non-government organization, lokal na pamahalaan, medical society, at advocacy group. Bukod dito, inilunsad ng DOH ang Playbook on Immunization, isang roadmap upang mapangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan ang isang community-based na dulog pagdating sa pagbabakuna.
Sa kabilang dako, nanatili ring hamon para sa bansa ang malawakang pagkalat ng maling impormasyon ukol sa bakuna na higit na nakaapekto sa pananaw ng mga Pilipino, partikular ng mga nanay. Naniniwala si Dr. Samuele Anton Quizon, Medical Officer III ng Health Promotion Bureau ng DOH, na kailangan ang malinaw na pakikipag-ugnayan sa mga magulang ukol sa kaligtasang dala ng bakuna, habang pinahahalagahan ang kanilang mga inihahayag na alinlangan.
“We need to acknowledge that every parent’s different and not all methods of communicating work for every parent or physician. So if it’s a vaccine as we’re talking maybe, it’s very important to establish it in a safe and open environment then we listen to their concerns and acknowledge their concerns in a non confrontational manner and we have to approach them with compassion and understanding being non judgmental to probe and explore the root cause or the root source of why they think this way,” wika ni Quizon.
Sa kasalukuyang panahon, hindi maikakaila ang mabilis na pagkalat ng maling impormasyong pangkalusugan at pagsulpot ng mga anti-vaxxer o mga indibidwal na mariing tumututol sa layunin ng pagbabakuna—o infodemic kung tawagin ng mga doktor. Bunsod nito, pinanghahawakan ni Quizon ang kahalagahang pabulaanan ang kanilang mga mensahe at maghain ng impormasyong sinusuportahan ng pananaliksik.
“Kung ganun, we need to refocus the discussion away from the anti-vaxxer and minimize their message but rather address the facts with anti-vaxxer’s target audience so we take the spotlight away from them, refocus to the message, and we address those messages with facts with the target audience na kinakausap natin by highlighting the benefits of vaccination, the importance of addressing vaccine-preventable diseases, and the scientific rigor that goes into ensuring the safety and effectivity of each and every task,” dagdag niya.
Nilinaw naman ni Dr. Lulu Bravo, founder at executive director Philippine Foundation for Vaccination, na mayroong etika at prinsipyong sinusundan ang bakuna at pagbabakuna. Sa mungkahi ng isa sa mga kongresistang gawing sapilitan ang pagbabakuna laban sa COVID-19, pinanghawakan ni Bravo ang prinsipyo ng awtonomiya sa pagbabakuna at ipinaliwanag ang kahalagahan ng pahintulot mula sa pasyente na sinasabing hindi sapilitan ang pagbabakuna. Bagkus, mahalagang mahikayat sila sa pamamagitan ng malinaw na pakikipagdiyalogo sa benepisyo at bentahe ng pagkakaroon ng proteksyon sa sakit.
“Ang vaccine ethics says that we have autonomy. Apat po ‘yan na basic principles ng bakuna. Autonomy, you cannot mandate, you have to get consent whenever you do vaccination, that is an informed consent. That is what we call autonomy. . . hindi po ganun ang prinsipyong ginawa natin sa paghihikayat sa mga mamamayan na magpabakuna,” pahayag ni Bravo. Aniya, susi ang paglalatag ng mga makatotohanang impormasyon at ebidensya at ang pagtataguyod nito nang may mariing paninindigan.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng iba pang mga medical society at stakeholders upang mapaigting ang layunin ng pamahalaang isulong ang pamamahagi ng bakuna sa mga komunidad. Inihayag ni Dr. Joselyn Eusebio, pangulo ng Philippine Pediatric Society, ang mariing pagsuporta para sa immunization program ng DOH sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang immunization calendar at mga talakayang maaaring magsilbing gabay sa mga doktor at pediatrician.
Sa kabilang dako, patuloy rin ang Bakunanay Philippines, sa pangunguna ni Frances Ang, sa kanilang adbokasiyang paghikayat sa mga nanay sa bansa upang mapabakunahan ang kanilang mga anak bilang tanda ng kanilang pag-aaruga.
Sa usapin ng COVID-19, ipinaliwanag ni Quizon na bagaman makatutulong ang pagkakaroon ng bakuna kontra flu at pneumonia sa pagbawas ng mga sintomas ng COVID-19, hindi nito mapapatay ang pathogen mula sa nasabing sakit. “It doesn’t directly address COVID-19. It’s not for COVID-19. Pero it can help prevent concurrent infections that can worsen ‘yung state ng isang person if they are infected with COVID-19. For example, if you’re sick with COVID and you also get a pneumonia or a flu, the superinfection might make it worse for you. It helps protect you during the COVID-19 pandemic,” paliwanag ni Quizon.
Kaakibat ng panahon ng pandemya at ng pagkalat ng ibang sakit ang takot para sa ordinaryong mamamayan. Sa diwa ng pagtutulungan, patuloy na itinataguyod ng DOH, kasama ang iba pang mga medical society at organisasyon, ang kahalagahan ng pagbabakuna upang malabanan ang iba’t ibang sakit at maitaguyod ang isang mas ligtas at mas malusog na komunidad, na susi sa muling pagtitipon-tipon ng pamilyang Pilipino. Sa adhikaing ito, higit na kailangan ang malinaw na komunikasyon upang mapunan ang mga puwang pagdating sa takot ng ordinaryong Pilipino sa pagpapabakuna at malabanan ang pagkalat ng maling impormasyong pangkalusugang maaaring magdulot ng pag-aalinlangan.