Depensang ligtas at mabisa: Mga karaniwang katanungan ukol sa bakuna at pagbabakuna, sinagot ng DOH


ISINAPUBLIKO ng Department of Health (DOH) ang ilang mahahalagang impormasyon ukol sa mga karaniwang katanungan pagdating sa bakuna at pagbabakuna bilang pagsisimula sa pagdiriwang ng World Immunization Week 2021. Layon nitong ipaliwanag ang mga maling akala at kuro-kuro pagdating sa bakuna at hikayatin ang sambayanang Pilipino upang makiisa sa pamamahagi ng bakuna sa bansa, hindi lamang ng bakunang kontra COVID-19 kundi para sa iba pang karamdaman. 

Ayon sa DOH, isang produkto ang bakuna na sinasanay ang katawan upang gumawa ng antibodies na lalaban sa isang sakit. Karaniwan itong binibigay sa pamamaraan ng pagturok o injection ngunit maaari itong ibigay bilang inumin o nasal spray. Kaya nitong makakita ng pathogens sa katawan, gumawa ng antibodies laban dito, at kabisaduhin ang mga virus at bacteria na pumapasok sa katawan. 

Mahalagang magpabakuna ang mga tao upang bumaba ang kanilang pagkakataong magkaroon ng impeksyong maaaring magdulot ng isang sakit. Nakatutulong din ito upang mapabagal ang pagkalat ng isang virus o bacteria at mapababa ang bilang ng mga taong mahahawaan nito. “When we get vaccinated, we aren’t just protecting ourselves, but also those around us,” pagpapaliwanag ng DOH.  

Bukod dito, ligtas ang mga bakunang itinuturok dahil dumaan ito sa maraming yugto ng pag-aaral bago ito ipamahagi sa masa. Gayunpaman, maaari itong magdulot ng ilang side effects, katulad ng pagkasakit ng braso o sinat na mawawala rin matapos ang ilang araw. Dagdag ng DOH, “Severe or long-lasting side effects [of vaccines] are extremely rare.”

Maaaring magpabakuna ang lahat bukod sa ilang mamamayang may iniindang karamdaman. Pagdidiin ng DOH, hindi maaaring magpabakuna ang mga taong may malubhang sakit o dumadaan sa malubhang gamutan. Hindi rin maaaring magpabakuna ang mga taong may nakamamatay na allergy sa nilalaman ng bakuna o mayroong sakit at lagnat sa araw ng pagbabakuna. 

Pagpapaalala ng Kagawaran, maraming sakit ang maaaring maiwasan dahil sa pagkakaroon ng bakuna, katulad ng pneumonia, polio, rabies, measles, cervical cancer, at iba pang sakit, malubha man o hindi. Gayunpaman, hindi lahat ng bakuna kailangang makuha ng mga tao dahil may ilang bakunang ibinibigay lamang kapag nasa ibang bansa o sa mga taong may delikadong trabaho.

Ipinaliwanag din ng DOH ang mga terminong herd immunity o population immunity na kadalasang naririnig sa kasalukuyan dahil sa isinasagawang pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19. Ayon sa DOH, “It [herd immunity] is the indirect protection from an infectious disease that happens when immunity develops in a population either through vaccination or through previous infection.” 

Kaugnay nito, nangyayari ang herd immunity kapag mababa ang peligro ng mga indibidwal na hindi immune sa isang sakit dahil nakatira sila sa lugar na may mataas ang bilang ng taong may resistensya o proteksyon laban sa nasabing sakit. Sa madaling salita, hindi sila tatamaan ng sakit o mababa ang posibilidad na magkaroon ng sakit dahil ligtas at malusog ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Subalit, hindi lahat ng sakit maaaring malunasan gamit ang herd immunity dahil maaari lamang itong gamitin sa mga sakit na person-to-person ang hawaan. 

Binigyang-diin naman ng DOH na kailangan ng mga sanggol na mabakunahan upang magkaroon ng proteksyon laban sa mga nakamamatay na sakit. Ani ng Kagawaran, “All children should receive vaccines according to the recommended immunization schedule. . . because they are susceptible to diseases at a young age.” Sakaling hindi mabakunahan agad ang isang sanggol, mataas ang posibilidad na mahawaan siya ng malalang sakit na maaaring magdulot ng kaniyang pagkamatay. Gayunpaman, maaari pa ring magpabakuna ang mga batang hindi nakasunod sa immunization schedule o nagkulang ng bakuna.

Sa panahon ng pandemya at pag-usbong ng iba’t ibang klase ng karamdaman, walang puwang ang takot sa pagbabakuna dahil daan ito upang gumaling at bumalik sa dating lakas ang isang mamamayan. Mainam na magkaroon ng proteksyon ang taumbayan dahil hindi lamang ito para sa sarili kundi sa mga taong nakasasalamuha. Ani ng Kagawaran, “Magpabakuna para sa Healthy Pilipinas.”

Banner mula sa opisyal na website ng DOH