PINAIGTING ng mga Lasalyano at iba pang tagapakinig ang kanilang suri hinggil sa mga usaping panlipunan, pandiaspora, at pangkalikasan sa pamamagitan ng pagdalo sa isang malalimang talakayang pinamagatang MALAY: Malalim na Sipat sa Nagbabagong Lipunan, sa pangunguna ng Dalubhasaan ng mga Umuusbong na Mag-aaral ng Araling Filipino (DANUM), Abril 23.
Pinasinayaan ang aktibidad sa pagbibigay ng pambungad na mensahe ni Marife Villalon, tagapasimuno ng MALAY, na humikayat sa lahat upang palalimin at pandayin ang esensyalistang pagdulog sa mga usapin sa kabila ng mabilisang pagkalat ng maling impormasyon.
Sambit ni Villalon, “Naniniwala kami [DANUM] na ang pagiging malay ang unang hakbang tungo sa pagkilos at tungo sa pagpapamulat ng kapwa natin Pilipino.” Nakapagpadalo ang DANUM ng humigit-kumulang 300 katao sa nasabing talakayang naging daan sa masikhay na pagpapamulat sa masang Pilipino.
Inaliping bayani
Puspusang tinalakay ni Joanna Concepcion, chairperson ng Migrante International, ang usaping pandiaspora na nakaangkla sa ekonomikong kalagayan ng bansa. Ibinahagi ni Concepcion ang kolektibong karanasan ng mga migrante upang mas maipaunawa sa iba ang pinagmumulan ng kanilang panawagan. Kabilang sa mga danas na ito ang diskriminasyon, xenophobia, anti-migrante/imigranteng polisiya, pang-aabuso, mababang sahod, at iba pang mga kahindik-hindik na danas ng mga migrante.
Tinukoy naman sa diskurso ang ugat ng suliraning pandiaspora na nakaangkla sa kahirapan at makupad na pag-unlad ng bansa. Ipinaliwanag ni Concepcion ang polisiyang Labor Export Policy na kinakalakal ang lakas-paggawa ng mga Pilipino kapalit ng kakarampot na salapi upang isalba ang ekonomiya ng bansa. Sa kabilang banda, tinalakay rin ang kakulangan sa suporta sa mga migrante sa kanilang pagtamasa sa karapatdapat na proteksyon at hustisya.
Hinihikayat ni Concepcion ang kabataan upang ilaan ang kanilang mga talento sa pagpapamulat sa kapwa. Aniya, “Ang mga kabataan magaling magsagawa ng mga kanta, creative cultural form para mas lalo pang maintindihan ng ating mga kababayan ang mga hinaharap ng mga manggagawa.”
Samantala, ibinahagi naman ni Concepcion sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na umabot na sa 14,873, mula sa 87 bansa, ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga migranteng Pilipino ayon sa huling tala noong Pebrero. Sa kabuuang bilang na ito, mahigit isang libo ang nasawi mula sa kalakhang Middle-East habang nananatiling walang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga OFW ang mga embahada at konsolado ayon sa kanilang testimonya.
Sa huli, binigyang-diin na ang pagkamit ng tunay na pagbabago sa lipunan at pagtayo ng isang malaya, demokratiko, at masaganang Pilipinas ang sagot sa problema ng migrante at ng malawakan at puwersahang migrasyon.
Ugatin ang suliranin
Inugat ni Jandeil Roperos, national president ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), sa historikal na antas ang mga napapanahong isyung panlipunan. Tinalakay nang masinsinan ni Roperos ang pagkamalakolonyal at malapyudal na katangian ng bansa sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng Pilipinas. Ipinaunawa ng talakayan ang umiiral na hirarkiya sa antas ng mamamayan at ang epekto nito sa dinaranas na kahirapan sa bansa.
Bukod dito, ibinahagi ni Roperos sa APP ang mga paraan upang mapanatili ang pagmumulat sa kapwa sa kabila ng umiiral na pandemya. Aniya, “Tuloy-tuloy lamang tayo sa pagbibigay ng mga pag-aaral kahit maging ito ay online. Kung sa pisikal, maaari tayong magpalunsad ng mga community pantries at dito natin mapapa-realize kung gaano kahirap ang mamamayang Pilipino. . . Dito natin mas mae-expose ang kawalan ng tugon ng administrasyon sa nangyayari sa lipunan.” Dagdag niya, mahalagang ipaunawa ang esensya ng multi-sektoral na pagkakaisa upang mapagtagumpayan ang suliraning kinahaharap sa kasalukuyan.
Kapangyarihang dala ng siyentipikong pag-aaral
Ipinaalala ni Daniel Fabellon, tagapagsulong mula sa Youth Advocates for Climate Action Philippines, ang pangkalikasang krisis na nararanasan ng mundo sa kasalukuyan. Pagdidiin niya, “. . . Isa lang ang mundong ating tinitirhan. . . there is no planet B.” Ngunit, aminado si Fabellon na hindi lahat ng nasasakupan ang direktang apektado ng pangkalikasang krisis.
Bunsod nito, ipinunto niyang mahalagang malaman ang mga lubhang nagkakalat o top polluters, mga pinakaapektado, at pinakanakikinabang sa suliraning pangklima. Ayon sa datos, nailantad na ang mga bansang Estados Unidos, mga bansang kasama sa European Union, at Tsina ang may pinakamaraming kalat o polusyong naibabahagi sa kalikasan. Dagdag nito, binanggit ni Fabellon ang ilang kompanyang kasama sa listahan ng top polluters, katulad ng Chevron at Shell.
Ani Fabellon, “Sa pagbago ng ating klima, malaking salik dito ay ‘yung carbon dioxide emissions [mula sa mga kompanya] kasi ito ang nakapagco-contribute sa pagkakaroon ng greenhouse gases sa ating atmosphere.” Ipinabatid niyang 50 porsyento ng carbon emissions ang mula sa mga pinakamayamang pamilya sa mundo. Bunsod nito, hinimok niyang kailangang panagutin at singilin ang mayayaman dahil may kakayahan silang baguhin ang kanilang pamumuhay kompara sa mahihirap na 10 porsyento lamang ang naibibigay na carbon emissions.
Gayunpaman, sa mga datos na nabanggit, naniniwala si Fabellon na ang mga pinakamakalat din ang pinakanakikinabang sa suliraning pangklima dahil patuloy na umuunlad ang mga bansa o kompanyang nabanggit. Kaya naman, sa patuloy na suliraning ito, iginiit niyang bilang mga karaniwang mamamayan, mayroong magagawa ang pagbabahagi ng kaalaman—sa sarili at sa iba—pagkakaisa, at pagkilos nang naaayon. Aniya, “Inform, organize, and mobilize. . . Ang tunay na kapangyarihan ay nagmumula sa kolektibong pagkikilos. . .”
Sa gampanin naman ng Agham sa pangangalampag ng mga panawagan, ibinahagi ni Fabellon sa APP na malaki ang naitutulong ng datos at siyentipikong pag-aral dahil lalo nitong napalalakas ang impormasyon at panawagan nang magkaroon ng pagmamadali o urgency mula sa gobyerno at mga kompanyang may kinalaman sa krisis pangklima. Aniya, “‘Yung mga ganitong usapin o pagbubuo ng panawagan ay nakabatay sa mga siyentipikong paraan.”
Sa panahon ngayon, alalahaning hindi lamang pandemya ng COVID-19 ang kalaban ng mundo dahil hindi kailanman mawawala ang suliraning pangklima kung patuloy itong binabalewala. Kagaya ng pagtindig para sa ibang isyung panlipunan, mahalaga ring tumindig para sa ating kalikasan. Wala nang hamon pa ang nagdudulot ng mas malaking banta sa mga susunod na henerasyon kaysa sa pagbabago ng klima. Sama-sama, mayroong magagawa ang bawat isa.