Iba’t ibang marka ng pagpapakilala na ang naiguhit ng mga Pilipino sa larangan ng Esports o competitive online gaming. Kamakailan lamang, nasungkit ng Bren Esports ang kampeonato sa Mobile Legends: Bang Bang M2 World Championship kontra sa mga koponang mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Makasaysayan din ang pagkapanalo ng koponang TNC Predator sa DOTA 2 Tournament ng 2018 World Electronic Sports Games (WESG) na naghatid sa kanila ng $500,000 na premyo.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagwagi sila sa nasabing torneo dahil nasungkit din nila ang panalo noong 2016 at naiuwi ang premyong nagkakahalagang $800,000. Ayon sa tala ng Statista noong nakaraang taon, ang TNC Predator ang koponang may pinakamataas na halaga ng kita na umabot sa halos $3.9 milyon noong Hunyo 2020.
Sa patuloy na paglago ng komunidad ng Esports sa bansa, hindi maitatangging malaki ang gampanin dito ng pag-usbong ng iba’t ibang koponang Pilipino at ng kanilang pagpapakilala sa buong mundo. Noong unang kwarter ng panahon ng pandemya sa bansa, naitalang may 43 milyong manlalaro sa Pilipinas, ayon sa artikulo ng Newzoo, ang online na sanggunian para sa games and esports analytics and market research. Ngayong nasa ikaapat na kwarter na ang bansa simula noong naitala ito, mahihinuhang lumobo ang bilang na ito dahil nakasalalay na rin sa online na pamamaraan ang pagsasagawa ng aktibidad at proseso ng iba’t ibang institusyon.
Kaugnay nito, masasabing hindi na bago sa madla ang ingay na dala ng Esports, ngunit pilit pa ring sumasapaw ang pinagsama-samang bulong na nagmumula sa pagtingin sa nasabing larangan bilang isang libangan lamang. Dahil sa pangmamaliit sa larong isinasagawa sa birtuwal na espasyo habang nakapirmi sa harap ng kompyuter, nauudlot ang potensyal na pagtanggap sa Esports bilang pampropesyonal na larangan.
Sa isyung ito, naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel na dapat nang lumaya ang lipunan sa pagtingin sa aktibidad ng pagkokompyuter bilang pampalipas-oras lamang. Dito nag-uugat ang panghuhusga at pangmamaliit sa larangan ng Esports at sa mga indibidwal na nakikilahok dito. Binibigyang-pugay natin ang larangan ng basketball, volleyball, at iba pang larong pampalakasan pati ang mga manlalarong ito ang piniling propesyon, kaya ano ang batayan natin para hindi kilalanin ang Esports bilang pampropesyonal na larangan?
Hindi katanggap-tanggap ang puntong dahil sumibol ito sa sariling interes at paglilibang sa bahay, dahil dito rin nagsimula ang kuwento ng mga propesyonal sa larong pampalakasan. Kung tutuusin, nasa pagtingin ng lipunan ang sisi para sa balakid na pumipigil sa pag-unlad ng mga manlalaro sa nasabing larangan. Kaugnay nito, dapat nating kilalanin ang propesyong sumisibol sa birtuwal na espasyo at ang mga manlalarong nais tumahak sa mundo ng Esports. Tandaang hindi nasusukat ang halaga ng isang propesyon sa lalim ng pagkakatanim nito sa kinagisnang sistema at daloy ng lipunan, dahil patuloy ang pagbabago ng mundo ngunit may suliranin ang lipunan pagdating sa pagtanggap ng mga bagay na hindi pasok sa nakasanayan.