Pagbuklat ng susunod na pahina: Pagsulyap sa bagong kabanata para sa Viridis Arcus

Likha ni Elisa Lim | Mga larawan mula sa Acad Arena, Vortex, ItI.cat., at Assets-prd.

SUMISIBOL ang iba’t ibang koponan sa kaliwa’t kanang torneo ng online games at kabilang dito ang De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus Esports Team (VA) na sumampa sa panibagong hamon ng sumusulong na industriya ng competitive Esports sa bansa. 

Naibida ng koponang binubuo ng mga Lasalyano ang bagsik nito sa pakikipagbakbakan nang maitanghal bilang kaunaunahang kampeon ng University Alliance Cup sa larong Valorant kamakailan lamang. Tangan ang buwena-manong titulo at pagkakakilanlan sa nasabing laro, kilala ang Viridis Arcus noon pa man bilang koponang nagbigay-buhay sa komunidad ng Esports sa mga pangkolehiyong torneo sa bansa. Patotoo na rito ang pagsungkit ng VA sa titulong nagbigay-daan sa kanilang pagrepresenta sa Pilipinas sa pandaigdigang tanghalan at ang pagdami ng mga manlalarong sumasanib sa nasabing organisasyon.

Sa likod ng mga kapalarang natatamo ng VA, determinado ang organisasyong mapalawig pa ang sakop nitong mga laro at makaukit muli ng panibagong kasaysayan sa mundo ng Esports bilang patunay na hindi hadlang ang kakulangan sa pagkilala at suporta para magsumikap at magpunyagi sa larangan ng online games. 

Kuha ni Monique Arevalo

Pagkilala sa kampeon

Hangad ng DLSU Viridis Arcus na palawakin pa ang larangan ng Esports sa loob ng Pamantasan, at magkaroon ng magagandang karanasan sa paglalaro na maaaring magamit ng mga bagong miyembro ng koponan bilang aral sa kanilang buhay.  

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Kieron James “Duckman” Cronin, isa sa mga manlalaro ng Viridis Arcus League of Legends Esports team, ibinahagi niyang naging miyembro siya ng nasabing grupo dahil naniniwala siyang makatutulong ang pagsali sa mga kompetisyon ng organisasyon upang mapaunlad ang kaniyang sarili bilang isang manlalaro. 

Nadiskubre naman ni Ray Alvin “Zadari” Lamdagan ang koponan ng Viridis Arcus noong 2016. Pagbabahagi ng kasalukuyang pangulo ng VA sa kaniyang panayam sa APP, “I was scouted by the team Viridis Arcus because they were lacking a player for the upcoming League of Legends Collegiate League 2016. However, the team has then transitioned into an independent organization that aims at bringing Esports to the university.”

Pagtimbang sa responsibilidad

Hindi biro ang pagtahak sa buhay ng isang estudyanteng manlalaro dahil nakaangkla rito ang hamon ng pagpupunyagi. Maihahalintulad ang pagsubok na ito sa isang larong nangangailangan ng maiging pagpapasya at pagtutok sa bawat pumapatak na segundo upang makaabanse at magwagi. 

“By joining the team, you can get better at playing the game because there are other people to help you improve. They can also help you with finding a balance between your academics and video game life,” sambit ni Cronin sa APP. Iginiit niyang hindi hadlang ang bultaheng gawain ng pag-aaral upang maisakatuparan ang hangaring maging isang Esports player habang nasa pamantasan. Gayunpaman, isang malaking responsibilidad ang pagpasok sa dalawang magkaibang mundo. 

Sa kabila nito, mas lamang pa rin para sa mga manlalaro ang magandang naidudulot ng pakikilahok sa mga organisasyong tulad ng VA kaysa sa kalbaryong maaaring kumitil sa inaasam nilang pangarap. “It made me more motivated. Right now, I can say I am very motivated to  improve myself. Both in the game and in real life. It also helped me make so many friends because I got to talk and play with so many new people,” dagdag niya.

Hindi maikakailang higit na umuunlad ang isang manlalaro sa tuwing nakapalibot sa kaniya ang mga taong may parehong kumpiyansa at determinasyon. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng mga pagbabago sa mentalidad at pakikipagkapwa-tao hindi lamang sa loob ng kompetisyon kundi hanggang sa labas din ng aksyon.  “Being in this team helped me mature not only as a player but also as a mentor to guide the next generation of Lasallian gamers,” tugon ni Lamdagan hinggil sa pagbabagong nabitbit niya sa pagsali sa organisasyon ng Viridis Arcus.

Kuha ni Monique Arevalo

Pag-ukit sa kinabukasan

Para sa Viridis Arcus, dagdag na biyaya ang makilala ang lumalawak na organisasyon ng mga manlalarong Lasalyano na nakabubuo ng pagkakaibigan. “Being officially recognized by the school will allow the organization to build on the growing esports industry in the country and bring it to the university,” pahayag ni Lamdagan.

Patunay ito na gising at gigil ang VA upang maihatid ang adhikaing pagbuklurin ang komunidad ng Esports sa Pamantasan. Patuloy rin sila sa pag-oorganisa ng mga palaro para sa mga Lasalyano, tulad ng E-trams na binuo ng mga miyembro ng koponan at AcadArena, upang punan ang espasyo para sa mga umaasang makasunod sa yapak ng mga tumatayong haligi ng Esports sa Pamantasan.