ITINAMPOK sa “Mulat: Journalism Amidst the Pandemic,” isang talakayang pinangunahan ng Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT), ang personal na karanasan bilang mamamahayag nina Pia Ranada-Robles, kasalukuyang multimedia Palace reporter ng Rappler, at Malou Talosig-Bartolome, dating reporter at senior news editor and broadcast media ng GMA at dating Senyor na Patnugot ng Balita ng Ang Pahayagang Plaridel, Abril 15.
Sa pagbabahagi ni Ranada-Robles, isinalaysay niya ang nangyaring pag-utos ni Pangulong Duterte na suspendihin ang Rappler sa Malacañang dahil nawalan umano ng tiwala ang Pangulo sa Rappler, dahilan upang mahirapan siyang makakuha ng impormasyong may kaugnayan sa Pangulo at sa Palasyo. “Before the pandemic until now I cover Malacañang and Duterte. . . government style, rape jokes, everything about [President] Duterte,” ani Ranada-Robles. Sa kabilang banda, ibinahagi ni Talosig-Bartolome ang artikulong kaniyang isinulat tungkol sa isang mag-aaral na nakaligtas matapos madukot at mabaril, na kumintal sa kaniyang isipan bilang isang mamamahayag.
Aminado sina Ranada-Robles at Talosig-Bartolome na hindi madali ang pagiging mamamahayag dahil sa hirap na dulot ng misinformation at disinformation. Dahil dito, binigyang-kahulugan ni Ranada-Robles ang dalawang terminong nabanggit. Aniya, isang hindi sinasadyang pagkakamali ang misinformation habang itinuturing na isang panlilinlang ang disinformation na layong maisulong ang tinatawag na “black propaganda” o paglikha ng impresyong may layuning makasira ng tao o organisasyon. Pagdidiin naman ni Talosig-Bartolome, “Social media is not that equipped to see if the information is correct or not.” Naniniwala siyang kontrolado ng mga taong nasa kapangyarihan ang takbo ng midya.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, iginiit ng mga tagapagsalitang malaki ang ginagampanang papel ng social media sa pagpapakalat ng impormasyon sapagkat may kalayaan ang lahat na magpahayag ng impormasyong huwad para sa pampersonal na kadahilanan. Paliwanag ni Talosig-Bartolome,“Social media is telling us that the recipients are very interactive and engaging. It’s high time for the media to listen to the audience while keeping your principles intact.” Nanindigan sina Ranada-Robles at Talosig-Bartolome na responsibilidad ng midyang ilabas ang katotohanan sa mamamayan dahil ito ang pinakalayunin ng midya.
Gayunpaman, nagkakaroon ng sensura sa midya na nagbubunga ng mga limitadong kuwentong naibabahagi sa madla. Ayon kay Talosig-Bartolome, hindi maikakailang mayroong business side ang midya na nakaaapekto sa daloy ng balita, at halimbawa nito ang hindi pagbanggit sa pangalan ng isang establisyemento kung posible itong makasira sa kanilang tatak o pangalan. Kaugnay nito, ang pagsensura sa midya ang dahilan ng pagpapasara ng National Telecommunications Commission sa kompanyang ABS-CBN. Ayon kay Randa-Robles, hindi etikal ang pagpapasara sa pinakamalaking news network sa bansa dahil isa itong malaking suntok sa midya at nakasasama para sa bayan. Ipinaliwanag rin ni Talosig-Bartolome na kahit suriin sa business side ang isyung ito ng midya, hindi makatuwiran ang nangyaring pagpapasara.
Naging kapansin-pansin na simula noong ipasara ang ABS-CBN, nabawasan ang kalayaan sa pagsasalita o pagkakaroon ng freedom of speech dahil na rin sa isyu ng red-tagging sa bansa. Dahil dito, nakaramdam ng takot ang mga tao upang ipahayag ang kanilang opinyon at pinipili na lamang ng iba na manahimik, lalo na noong naisabatas ang Anti-Terrorism Law na nagbibigay-kapangyarihan sa mga awtoridad na dakpin ang indibidwal kahit walang warrant of arrest, sakaling akusahan bilang terorismo ang kanilang pagpapahayag ng opinyong salungat sa gustong naratibo ng gobyerno. “If you don’t want the way you’re being led, then vote them out,” giit ni Ranada-Robles upang ipaalala ang kahalagahan ng bawat boto ng Pilipino sa Halalan 2022.
Habang pinag-uusapan ang red-tagging, nabanggit ni Ranada-Robles na hindi dapat paniwalaan ang sinasabi ng gobyerno na kapag leftist o makakaliwa ang isang tao, isa na siyang kaaway ng estado. Pahayag niya, maraming mamamahayag ang nagiging biktima ng red-tagging kaya pinipili na lamang ng karamihan — lalo na ang mga ordinaryong Pilipino — na tumahimik.
Bago matapos ang diskusyon, binanggit ni Talosig-Bartolome na pagdating sa pagpili ng mga mamumuno, kinakailangang taasan ang pamantayan ng mga Pilipino dahil nakasalalay sa kanilang boto ang magiging takbo ng bansa sa mga susunod na taon. Dagdag pa nito, hinimok ni Ranada-Robles ang mga tagapakinig na alamin ang mga totoong tungkulin ng mga mamamahayag at pagkatiwalaan ang proseso ng pamamahayag dahil dito maipakikita ang pagsuporta ng sambayanan sa malayang pamamahayag. Pagpapaalala niya, maging maingat sa impormasyong ibinabahagi dahil laganap pa rin ang pagkalat ng maling impormasyon. Bunsod nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng fact-checking.
Malaki at mahalaga ang papel na ginagampanan ng midya sapagkat may kapangyarihan itong magbigay-impormasyon at hustisya, at palakasin ang boses ng masa. Mahalaga ang malayang pagpapahayag lalo na kapag may nakikitang mali sa pamamahala dahil ito ang magiging daan patungo sa magandang kinabukasan para sa bayan at sa sambayanang Pilipino. Gayunpaman, kaakibat ng pagsuporta sa pamamahayag, responsibilidad rin ng nasasakupan ang pagtukoy sa tama at mali dahil isang paraan ang pagtindig sa karapatan tungo sa isang malaya at maunlad na bayan.