INILUNSAD ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang kursong BS Interactive Entertainment Major in Game Art and Design sa ilalim ng College of Computer Studies (CCS) noong 2018. Bagamat dati nang tampok ang kursong game design sa Pamantasan, ngayon lamang nagkaroon ng programang nakasentro sa pagyabong ng kahusayan ng mga Pilipino sa paglikha at pagdisenyo ng mga laro.
Sa likod ng mga sumikat na laro sa mundo ng Esports, matutunghayan ang mga nagsusumikap na game designer at developer na gumagawa ng mga dekalidad na disenyo at programa ng kanilang mga obra. Upang masipat ang mga kasanayan at prosesong isinasagawa sa paglikha ng mga paboritong laro ng madla, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang ilan sa mga estudyante at propesor na may kaugnayan sa nasabing kurso.
Unang hakbang sa paglikha
Bukas na kaisipan at malikhaing pananaw—ito ang mga katangiang inaasahan sa mga estudyanteng kumukuha ng kursong Game Art and Design. Hindi agad kailangang maging maalam ang mga estudyante sa kanilang napiling larangan sa oras na pumasok sila sa silid-aralan—inaasahan lamang na taglay ng estudyante ang pagpupursigi sa pagkamit ng natatanging kaligayahan sa paggawa ng laro.
Hindi man lubos na masining ang estudyante, hindi ito magiging balakid sa pagpasok niya sa kursong Game Art and Design. “Wala namang kailangang kasanayan before ka makapasok, talagang kailangan na gusto mo lang yung kursong iti-take mo and willing ka na mag-sacrifice,” pagbibigay-linaw ni Ryan Samuel Dimaunahan, chair ng Software Technology Department sa DLSU.
Sa kabila ng tumataas na bilang ng mga nahihilig sa paggawa ng mga laro, maaaring makaramdam pa rin ng takot ang mga estudyante sa kursong ito. Maaaring dulot ito ng kawalan ng kaalaman sa pagdidisenyo o pagkasindak sa magiging kompetisyon sa Pamantasan. Gayunpaman, hindi magiging sagabal ang mga ito dahil ituturo sa kurso ang lahat ng kailangan nila sa paggawa ng obra.
Ibinahagi naman ni Philip Aaron Villaluz, estudyante ng Game Art and Design, ang kadalasang problema ng mga mag-aaral sa kurso. Ilan dito ang agad na pag-asam ng mga estudyante na makabuo ng isang natatanging laro. Sa oras na malaman nilang hindi ito madaling maabot, nawawalan na umano sila ng gana sa paglikha. Payo niya, mas magandang magsimula muna sa maliit na proyekto upang magkaroon ng matibay na pundasyon at mahasa ang mga kasanayan sa paggawa at pagdisenyo ng mga laro.
Sakripisyo ng mga nangangarap
Malaki ang gampanin ng kursong Game Art and Design sa paghuhulma ng likas na talento ng mga estudyanteng nais makagawa ng mga larong pupukaw sa interes ng madla. Sa kursong ito, maaaring maunawaan ang kumplikadong prosesong tinatahak ng mga game developer. Bagamat hindi matitimbang ng isang laro ang buong prosesong pinagsisikapan ng mga game developer, maaaring masilip ang kanilang galing sa taas ng kalidad ng bawat larong napapamahal sa mga manlalaro.
Para kay John Erick Alemany na kumukuha ng nasabing kurso, mabusisi at mahaba ang prosesong pinagdadaanan sa paggawa ng isang laro. Paglalahad niya, “Sa nakikita natin sa mga stream sa Facebook or Twitch, o ang mga highlights sa Youtube o Tiktok, o kahit yung mga paborito nating mga laro, hinding-hindi nito kayang ipakita ang kalakihan ng ibinubuhos para mabuo ito, lalo na ng mga larong pang-Esports.”
Sa anomang larangang may kinalaman sa sining, pinaghihirapan ng isang manlilikha ang kaniyang obra. Kaya naman, nadidismaya si Alemany sa mga larong hindi na tinatangkilik sapagkat napaglipasan na ang mga ito. “Bilang isang game artist at manlalaro, wala nang mas sasakit [pa] sa pagkamatay ng isang larong aming pinaglaanan ng oras,” pagbabahagi ni Alemany.
Nag-aabang na kapalaran
Makulay na kinabukasan ang naghihintay para sa mga estudyanteng makapagtatapos ng Game Art and Design. Bagamat bago pa lamang ang kursong ito sa DLSU, nakapagbibigay na ito ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga estudyante ng Game Art and Development, na makatutulong sa pagdiskubre ng mga nais nilang tahakin sa industriya pagkatapos ng kanilang pag-aaral.
Nakaabang sa mga estudyante nito ang oportunidad na makapasok sa mga tanyag na kompanya at maaari silang maging bahagi nito bilang isang programmer, animator, developer, o iba pang posisyong may kinalaman sa kurso. Bukod dito, maaari din silang makapagtayo ng sariling studio para mabigyan ng pagkakataon ang iba pang game animator at game developer na maipamalas ang kanilang galing at talento sa pagbuo ng mga dekalidad na laro.
Nag-iwan naman ng mensahe si Dimaunahan para sa mga estudyanteng nagbabalak kumuha ng kursong ito. Saad ng propesor, “. . .If you have passion for building games, if you have passion for designing games, if you have passion for creating assets and art for games, then go ahead and take that leap because we are willing to help you, to mold you, to form you into the artist, the designers the game industry will need in the future.”
Tunay ngang mahalaga ang gampanin ng Game Art and Design sa patuloy na paglaki at pagsikat ng industriyang Esports. Hindi maitatangging kapag nabigyan pa ng sapat na pagkilala at suporta ang programa, kayang-kaya nitong makipagsabayan sa iba’t ibang bansa sa paggawa ng mga dekalidad na laro.