Gabay para sa board exam, binigyang-tuon sa LevelENG Up


TINALAKAY ng ilang board topnotcher ang kahalagahan ng paghahanda para sa board examination sa isinagawang LevelENG Up: A Board Topnotcher Webinar ng Society of Young Engineers Towards Achieving Excellence (SYNTAX), Abril 10. Layunin nitong makapaghatid ng payo sa mga estudyanteng kukuha ng board examination sa hinaharap.

Hinati ang naturang webinar sa dalawang pagpupulong upang magkaroon ng espesipikong talakayan tungkol sa iba’t ibang kurso ng mga mag-aaral. Sa unang pagpupulong isinagawa ang webinar para sa Chemical Engineering at Mechanical Engineering habang para sa kursong Civil Engineering at Electronics and Communications Engineering naman ang ikalawang pagpupulong.

Pagbibigay-halaga sa pagdisiplina ng sarili

Nagsimula ang talakayan para sa unang pagpupulong sa pangunguna ni Jerwin Lawrence Go, ikatlong puwesto sa Chemical Engineering Board Exam noong Mayo 2019, na nagbahagi ng kaniyang karanasan at natutunang aral mula sa pagkuha niya ng board exam. Ayon kay Go, kailangang masanay mag-aral nang tuloy-tuloy sa loob ng walong oras at magsimulang mag-aral mula ika-7 ng umaga.

Ibinahagi rin ni Go na nakatutulong sa pagsaulo ng mga konsepto sa chemistry at engineering ang paggawa ng mga mnemonic at ang paulit-ulit na pagsulat ng mga ekwasyon. Saad niya, ginagamit niya ang mnemonic na “Ang Taong Galit Pag Hinampas sa Ulo, Volcano” para matandaan ang Maxwell relations.

Inilahad naman ni Julius Ezra Gundran, unang puwesto sa Mechanical Engineering Licensure Exam noong Pebrero 2020, ang dalawang pinakamahalagang aral na kaniyang natutunan sa paghahanda para sa pagsusulit. Una, binanggit niya, “Aim for understanding, not just to score points in your quizzes [and] not just to memorize the formulas.” Aniya, mas mabilis nang maintindihan ang mga haharaping paksa at madaling malulutas ang mga problema sa tunay na sitwasyon kapag ginawa ito.

Pangalawa, binigyang-diin ni Gundran na huwag laktawan ang pagsasanay ng mga natutunang konsepto. Dagdag pa niya, hindi natatapos ang pag-aaral sa simpleng pagkuha ng impormasyon, kailangan din itong sanayin nang paulit-ulit upang maalala ito sa mismong pagsusulit.

Sa pagtatapos ng kaniyang talakayan, inilarawan ni Gundran ang kaniyang perspektiba kapag nakararamdam siya ng presyur na manguna sa board exam. Saad niya, ang paghahanda, talento, at swerte ang tatlong salik na nakaaapekto sa katayuan sa board exam.

Pagpapahalaga sa sariling mentalidad

Nagsimula naman ang talakayan para sa ikalawang pagpupulong sa pangunguna ni Victor Carlo Torres, ikaapat na puwesto sa Civil Engineering Board Exams noong 2014. Naging sentro ng kaniyang pahayag ang kahalagahan ng mentalidad ng isang mag-aaral sa kahihinatnan ng kaniyang eksaminasyon. Kaugnay nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng lakas ng loob at katatagan ng isang tao para makamit niya ang kaniyang hangarin sa buhay. “Kung gusto mong maging top, bakit ka takot bumagsak?” aniya. 

Nagbigay rin si  Torres ng kaniyang mga payo tungkol sa pag-aaral. Ayon sa kaniya, hindi dapat sinasagad ng mga estudyante ang kanilang sarili at kailangan mapanatili ang kasiyahan sa proseso ng kanilang pagkatuto. Ipinunto rin niyang mahalaga ang pahinga para lubos na maunawaan ng isang tao ang kaniyang mga inaaral. 

Dagdag pa rito, pinayuhan din ni Torres ang mga Lasalyano na gumawa ng buod ng kanilang mga lektura upang hindi na mag-aksaya pa ng panahon sa oras na kakailanganin nilang balikan muli ang mga aralin.

Ayon pa kay Torres, maituturing ding isang magandang paraan ng pagkatuto ang pangkatang pag-aaral. Aniya, “When you’re alone, you only see the lesson from your perspective. If you are with others, at least you will have another perspective to look at.” 

Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, nagbigay ng isang paalala si Torres sa mga Lasalyano, “The moment you stop learning is the moment you stop becoming an engineer.”

Pagsasapuso ng kaalaman

Pinamunuan naman ni John Anthony Jose, ikatlong puwesto sa Electronics and Communications Engineering Board Exams noong 2015, ang ikalawang bahagi ng talakayan para sa ikalawang pagpupulong. Binigyang-diin ni Jose na ang pagiging maalam tungkol sa sarili ang susi tungo sa tagumpay. Ayon sa kaniya,  mahalagang alam ng mag-aaral ang dahilan sa paggawa niya ng mga bagay na magiging motibasyon niya sa pagsusumikap para maabot ang kaniyang minimithi. 

Bukod pa rito, pinahalagahan din  ni Jose ang kahandaan ng mag-aaral sa mga kahaharapin niyang mga balakid sa eksaminasyon. Kaugnay nito, nagbigay siya ng ilang paalala na makatutulong upang mapaigting ng mga Lasalyano ang kanilang paghahanda para sa kanilang kinabukasan. Kasama rito ang masusing pagsusuri ng mga mag-aaral sa kanilang mga kalakasan at kahinaan. 

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng pasasalamat ang dalawang tagapamahala ng proyekto para sa mga tagapagsalita at para sa mga dumalo. Sa unang pagpupulong, ani Arvin Rufino, “It’s truly an honor to be with such accomplished individuals aiming to provide inputs and various inspirations as we look forward to becoming successful engineers one day.”  Si Megan Chua-Unsu naman ang nagbigay ng mensahe ng pasasalamat sa pagtatapos ng ikalawang pagpupulong. Katuwang din sina Joaquin Gasmido at Rigo Cheng sa pamamahala ng proyekto.

Banner mula Facebook page ng DLSU Syntax