INILUNSAD ang “Eleksyon 2022 Koalisyon: Magparehistro. Bumoto. Para Sa Bukas Natin,” isang koalisyong binubuo ng 29 na organisasyon mula sa private sectors, civil society, community organizers, religious groups, youth-oriented civic groups, at thought leaders at influencers upang hikayatin ang pitong milyong botanteng Pilipino na magparehistro o muling mag-activate ng kanilang voting status sa Commission on Elections (COMELEC) para sa Halalan 2022.
Itinataguyod ang pinakamalaking koalisyong pang-eleksyon sa bansa sa pamumuno nina dating COMELEC Chairman Christian S. Monsod na tumatayong lead convenor nito at dating COMELEC Commissioner Luie Tito F. Guia bilang national coordinator nito, kasama ang Commission on Human Rights at iba pang organisasyon.
Ibinahagi ni Pao Peña, national communications head ng koalisyon, ang planong paglulunsad ng isang livestreamed na virtual event sa Mayo 8, katuwang ang mga midya, mga artista, at mga sikat na personalidad upang puspusang ipaabot sa madla ang kahalagahan ng paglahok sa darating na eleksyon.
“Reach is vital in ensuring that every prospective voter in the country is inspired to take the first step towards participating in the election next year. We need to reignite in every Filipino our love for the country through hope, optimism, and even excitement about our collective future. Let every voter registration count towards healing a country divided by its very own politics,” wika ni Peña.
Kasama ang Ateneo De Manila University, isa ang De La Salle Philippines (DLSP) sa mga pamantasang bahagi ng Eleksyon 2022 Koalisyon. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Edgar Chua, Chief Executive Officer ng DLSP at co-convenor ng koalisyon, tugon ang paglahok ng DLSP sa layunin nitong paigtingin ang edukasyon para sa mga mag-aaral nito at sa mga Pilipino pagdating sa kanilang mga tungkulin at karapatan bilang mamamayan ng bansa.
“Ang La Salle kasi, isa yan sa ating mga adhikain [pagbibigay ng edukasyon]. ‘Yun kasing pagbibigay ng edukasyon, hindi lang edukasyon na galing sa libro eh. Ang importante rin kasi yung edukasyon na binibigay natin sa publiko, sa lahat ng ating mga mag-aaral, na kung ano yung kanilang mga karapatan at obligasyon,” wika ni Chua. Dagdag niya, mahalaga ang pakikibahaging ito ng DLSP dahil may mga mag-aaral na hindi pa rehistradong botante. Gayunpaman, iginiit niyang sumali ang DLSP sa koalisyon hindi lamang para sa mga mag-aaral ng Pamantasan kundi para sa kapwa Pilipino.
Kasama ng iba pang mga organisasyong bumubuo sa koalisyon, nakikita ng DLSP ang pangangailangang mailahad sa mga Pilipino ang kahalagahan ng pagpili ng mga tamang pinuno ng bansa. Ayon sa kanilang tala, mayroong 70 milyong Pilipino ang nasa tamang edad na upang bumoto sa darating na halalan at kulang-kulang pitong milyong Pilipino ang hindi pa rehistradong botante.
Ibinahagi naman ni Chua na isa sa mga paraang nakikita nila upang mahikayat ang pagpaparehistro ng mga botante sa kabila ng pagpapatupad ng community quarantine sa bansa ang paglalagay ng COMELEC Registration Center sa mga vaccination sites. Higit umano itong makatutulong upang lalong mapalapit at maging mas madali ang pagpaparehistro ng mga Pilipino.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Chua ang kahalagahan ng pagiging rehistrado at botante ng kabataang Pilipino sa paparating na eleksyon. Aniya, mahalaga ang pakikilahok ng malaking bilang ng kabataang Pilipino sa pagpili ng mga susunod na pinuno ng bansa at kaakibat ng bawat boto sa darating na halalan ang pagkakataong maisaayos ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
“Kayo [kabataan] ang pag-asa ng bayan, at ‘di kayo basta basta naniniwala sa mga pangako na hindi naman natutupad. Madali kayong makakita kung ano ‘yung tama sa mali. Gawin ninyo iyon upang magkaroon tayo ng pamumuno na mahusay at makakabigay ng tamang pagkakataon sa lahat ng mga Pilipino para umasenso naman ang bayan natin. Pakiusap, magparehistro at bumoto sa darating na halalan,” pahayag ni Chua.
Tunay na mahalaga ang boto ng bawat Pilipino, anoman ang kasarian o antas sa buhay. Bilang bahagi ng lipunan, karapatan at tungkulin ng mga Pilipino ang magparehistro at bumoto dahil ang mga tatakbong pinuno ang magtatayo at masisilbing kinatawan ng mamamayan, mayaman man o mga nasa laylayan—ang mga pinuno ang magiging daan sa ikauunlad ng isang bansa. Sa ngalan ng isang maayos, aktibo, at buhay na demokrasya, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng sambayanang Pilipino.
—
Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang Facebook, Instagram, at Twitter pages ng Eleksyon 2022 Koalisyon: Magparehistro. Bumoto. Para Sa Bukas Natin. Maaari ding i-download ang kanilang primer sa link na ito: https://tinyurl.com/E22Primers.